Nakatakdang Tumaas na ang Posisyon ng Babae sa Trabaho Nang Bigla Siyang Ipatawag ng Boss Upang Tanggalin, Ano Kayang Dahilan?

“Talaga, ate? Mapro-promote ka na bukas?!” tuwang-tuwang tanong ng bunsong kapatid ni Celeste na si Diana.

“Oo! Mabibili na natin ang lahat ng gusto mo,” nakangiti namang sagot ni Celeste.

Mula sa mayamang pamilya ang magkapatid na ito, ngunit sa araw mismo ng pagtatapos ni Celeste sa kolehiyo ay nasangkot sa isang malagim na aksidente ang kanilang ama’t ina dahilan upang masawi ang kanilang mga buhay. Labis itong ikinalungkot ng magkapatid, ngunit kinalaunan ay napagtanto ni Celeste na kailangan na niyang magbanat ng buto dahil napag-alaman niyang ang mga pamana pala sa kanilang dalawa ay nakasanglang lahat sa bangko.

“Wow, ate. Ang galing galing mo talaga! Dabest ka!” sagot ni Diana habang nakayakap sa kanyang ate, na ngayon ay tumatayo na niyang ama’t ina.

Kinabukasan, maagang bumangon si Celeste na may ngiti sa kanyang mga labi. Agad siyang naghanda sa pagpasok sa opisina. Bilin kasi sa kanya ng kanyang boss na si Ma’am Ericka na pumasok ng maaga dahil ngayon ang araw na siya ay mapro-promote na.

Siniguro ni Celeste na plantsadong-plantsado ang kanyang damit. Nilinis din ng kapatid niya ang kanyang kaisa-isang high heels na hindi pa nasisira, at ginamit ang pabangong ipinamana pa sa kanya ng yumaong ina. Humalik ito sa kapatid bago umalis at dumiretso na sa opisina.

Pagpasok ni Celeste, naramdaman niya ang malalamig na tingin ng ilan sa mga kasamahan niya. Ang iba ay nagtatawanan pa habang itinuturo siya. Hindi na niya napigilan at nilapitan ang isa sa malalapit niyang katrabaho.

“Girl! Anong mayroon? Bakit parang pinagtsitsismisan ako?” bulong ni Celeste sa kaibigang si Terry.

Advertisement

“Loka-loka ka! Ang dami mo palang kalokohan noon,” sagot ni Terry.

Hindi na natuloy ang kanilang pagkukwentuhan nang bigla nang dumating si Ma’am Ericka.

“Celeste? Come inside my office.”

“Yes, ma’am. Bakit po? May problema po ba?” sagot ni Celeste.

“Inside the office, NOW!” sigaw ni Ma’am Ericka.

Gulat na gulat si Celeste, pati na rin ang mga kasamahan niya. Kailanma’y hindi pa nila narinig na sumigaw ang kanilang boss. Wala nang nagawa si Celeste kundi ang magmadaling sumunod kay Ma’am Ericka.

Pagpasok ng opisina ng babae, nagulat si Celeste nang makitang nakalatag sa mesa nito ang kanyang diploma noong kolehiyo. Napalunok siya dahil tila ba alam na niya kung saan tutungo ang usapang iyon.

“Can you explain this to me?” mataray na sabi ni Ma’am Ericka.

Advertisement

“Uh- uhm… Ma’am,” sagot niya.

“ANO?! SAGUTIN MO AKO! MATAGAL MO NA PALA AKONG NILOLOKO?!”

Hindi na nakapagpigil pa si Celeste at bigla na lamang itong pumalahaw ng iyak.

“Ma’am! I’m very sorry. Patawarin niyo po ako! Pagkakamali ko po iyon noong bata at mayaman pa po kami,” sagot nito.

“Iyon na nga ang punto ko! Hindi porket mayaman kayo noon ay gagawin mo na iyon sa kapwa mo!” galit na galit na sigaw ng kanyang boss.

Napag-alaman kasi ni Ma’am Ericka na noong nasa kolehiyo pa lamang si Celeste, madalas ay bayaran nito ang kanyang mga propesor. Bukod pa rito, ipinapagawa niya lamang sa Recto ang mga proyekto niya maging ang thesis niya. Sa madaling salita, nakapagtapos si Celeste sa pamamagitan lamang ng pera ng kanyang mga magulang. Maraming estudyante ang kanyang nalamangan nang dahil doon, ang iba ay nawalan pa ng iskolarship ng dahil lamang sa pandaraya niya.

“Malaking bagay sa akin ang katapatan. Paano ko ipagkakatiwala sa iyo ang posisyong ito kung ganyan pala ang pag-uugali mo?”

“Pero ma’am, nagbago na po ako…”

Advertisement

“Kahit na! Alam mo? Matalino ka. Masipag, magaling makisama, at magaling ka sa trabaho mo. Hindi ko nga matanggap noong una noong may nagreport sa akin ng balita ukol sa’yo,” ‘ika nito.

Bigla na lamang lumuhod si Celeste sa harap ni Ericka.

“Ma’am, patawarin po ninyo ako. Ang nakalipas ay nakalipas na po. Nang mawala ang aking ama’t ina, ako na ang tumayong nanay ng kapatid ko. Kaya parang awa niyo na, huwag niyo po akong tanggalin sa trabaho.”

Nahabag naman ang puso ni Ericka. Noon pa man ay bilib na siya kay Celeste dahil alam nga niya ang istorya ng pagkawala ng mga magulang niya. Ngunit hindi niya pwedeng ipagsawalang-bahala ang nagawa ng dalaga noon.

“Tumayo ka na, Celeste. Alam kong nagbago ka na, kitang-kita ko ‘yon. Ngunit hindi natin pwedeng kalimutan na lamang ang nakaraan. Hindi kita tatanggalin sa trabaho, ngunit kailangan mong bumalik sa simula.”

Hindi nga siya tinanggal sa trabaho. Tinanggap ni Celeste na kailangan niyang pagbayaran ang mga kasalan niya noon, kaya naman nang bumalik sa pinakamababang pwesto ay nagsikap siyang makabalik muli sa itaas. Hindi rin naman nagtagal, dala ng pagpupursigi at pagpapakitang nagsisi siya sa kanyang mga ginawa noon ay muli siyang tumaas sa opisinang iyon.

Mula noon ay siniguro rin niyang lalaki ang kanyang kapatid na si Diana na may natutunan ding leksyon mula sa nangyari sa kanya, na ang lahat ng maling bagay na iyong ginawa ay babalik at babalik din ang karma.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!