Nabuwag ang Matinik na Sindikato nung Nagising Mula sa Coma ang Lalaki; Akala Niya ay Matatakasan Niya ang Batas Pero Siya Pala ang Magsusuplong sa Kaniyang Sarili

Ang sunod-sunod na tunog ng mga makina ang gumambala sa mahimbing na tulog ni Sid. Nung idilat niya ang kaniyang mga mata ay puro kulay puti ang kaniyang nakikita. Puting kisame, puting dingding, puting kurtina at puting pinto. Pinakiramdaman ng lalaki ang kapaligiran. Batid niyang siya ay nasa ospital. Pero kung paano siya napadpad dito ay hindi niya alam.

Marahang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang babaeng doktor. “Buti naman at gising ka na. Halos pitong taon ka na ring natutulog dito sa ospital. Kamusta na ang pakiramdam mo? Alam mo ba kung anong nangyari sa’yo?” Tanong ng doktor.

Sinubukang magsalita ni Sid pero masakit ang kaniyang lalamunan. “Huwag mo munang piliting magsalita. Baka mapwersa mo lang ang lalamunan mo,” sabi ng doktor bago siya pinainom ng tubig.

Sinuri ng doktor si Sid at napag-alaman niya na nagkaroon ito ng partial amnesia. Natatandaan nito ang lahat maliban sa mga pangyayaring naganap sa loob ng sampung taon bago siya napasok sa ospital.

“Malamang pag nalaman ng mga imbestigador na gising ka na ay tatakbo agad ang mga iyon dito. Ilang taon na rin nilang inaabangan ang pagdilat ng mga mata mo para umusad na ang ginagawa nilang imbestigasyon pero mukhang madidismaya lang sila pag nalaman nilang wala kang maalala sa mga nangyari,” pagbibigay alam ng doktor.

Tulad nang babala sa kaniya ng doktor ay may mga pulis na bumisita sa kaniya. May pinakitang mga litrato at papeles ang mga ito ngunit wala siyang matandaan sa mga ito. Mayroon ding mga pinanood sa kaniya na mga videos at mga kuha mula sa mga CCTV kamera pero ang tanging maikukumpirma lang ni Sid sa kanila ay kamukha niya ang tao sa ilan sa mga pinanood nila sa kaniya. Nung tanungin nila siya tungkol sa mga sirkumstansya, mga pangyayaring naganap, maging ang mga dahilan kung bakit at ano ang ginagagawa niya sa lugar na iyon pati ang iba pang mga tao na naroroon ay wala siyang maibigay na kahit na anong sagot sa kanila.

Marahas na nagising si Sid mula sa kaniyang pagkakatulog. May napanaginipan siyang umiiyak na babae. Walang tigil ang pag-iyak nito sa loob na isang madilim na silid. Puro sugat at pasa ang kaniyang katawan. Nakakadena ang isa niyang binti sa pader. Hindi niya personal na kilala ang babae pero pamilyar ang mukha nito.

“Sino ang babaeng iyon? Bakit ganoon ang itsura niya? Anong kaugnayan niya sa akin?” Tanong ni Sid sa kawalan.

Advertisement

Simula nung napanaginipan ni Sid ang babae ay pilit niyang inaalala ang mga nakalimutan niyang mga alaala. Pakiramdam niya ang mga alaalang iyon ay may kaugnayan sa babaeng kaniyang napanaginipan. At mahalagang matandaan niya ito dahil kung ang pagbabasehan ay ang mga ipinakita sa kaniya ng mga pulis, ang ibig sabihin lang noon ay siya ang nag-iisang susi upang mahuli ang mga malalaking isda ng isang kinatatakutang sindikato.

Madalas nang napapanaginipan ni Sid ang babae at sa tuwing napapanaginipan niya ito ay ilang bahagi ng kaniyang memorya ang kaniyang maaalala kaya sa tuwing bibisitahan siya ng mga imbestigador ay may mga kapaki-pakinabang ng mga impormasyon na siyang naibahagi sa kanila. Tulad na mga ilegal na krimeng nagaganap sa mga lugar na nakuhaan ng mga CCTV at bagama’t hindi niya matandaan ang mga pangalan ng lahat ng taong nahagip ng CCTV ay nagawa niyang ilahad ng detalyado ang mga trabaho at posisyon ng mga ito sa sindikato.

Muling napanaginipan ni Sid ang babae at sa pagkakataong ito ay nalaman na niya ang pangalan nito dahil sa kaniyang panaginip ay hindi nag-iisa ang babae may kasama itong isang lalaki na may malaking tattoo sa likod. Nakatalikod ito sa kaniya. Kinakausap siya nito.

“Sa lahat ng mga babaeng hinablot namin sa kalye ay ikaw ang namumukod tangi sa lahat. Bagay na bagay sa iyo ang pangalang binigay ng mga magulang mo, Athena, diyosa ng giyera. Kahit gaano kadaming gamot na ang naturok namin sa iyo ay wala pa ring epekto. Kahit ilang beses ka na naming binugbog ay patuloy ka pa ring lumalaban. Ayaw sumunod sa mga utos, palaban. Siguro kailangang ako mismo ang magpatikim sa iyo kung paano magparusa ang isang demonyo nang sa ganoon ay magtanda ka na,” pananakot ng lalaki.

Ilang minuto muna ang nakalipas bago inangat ng babae ang kaniyang ulo at nagsalita ng puno ng galit. “Leandro Saavedra, lider ng Black Scorpion.”

Nung bumisita ulit ang mga pulis ay agad niyang ipinaalam sa kanila ang pangalan ng babae at lider ng sindikato.

“Matagal na naming alam iyan. Ang Black Scorpion ay isang malaking sindikato na nangingidnap ng mga kababaihan para ibugaw sa mga mayayaman nilang parokyano. Si Athena ay isa sa mga babaeng kanilang nakidnap. Tinangkang niyang tumakas pero hindi siya nagtagumpay gayun pa man ay nakahingi siya ng tulong sa isang tagalabas na siya namang tumawag sa mga pulis. May mga pulis na nagpunta sa lungga nila pero nahuli, pinahirapan at pinatay sila ng sindikato. May panibagong grupo ng mga pulis na pinadala doon at kabila ako sa grupo na iyon. Nagkaroon na madugong ikwentro at isang malakas na pagsabog ang nagpasimula ng sunog. Maraming miyembro ng sindikato ang nakatakas. Nung naapula na ang apoy ay dalawang tao lang ang nadatnan namin sa loob, ikaw na duguan ang ulo at sunog ang ilang parte ng katawan at ang bangkay ni Athena. Alam namin ang pangalan ng lider ng sindikato pero hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam kung ano ang itsura nito,” wika ng isang imbestigador.

“May malaking tattoo siya sa likod,” sabi ni Sid sa mga imbestigador. Iginuhit ng lalaki sa isang papel ang itsura ng tattoo at ibinigay niya ito sa mga imbestigador.

Advertisement

Tuwing pumupunta ang mga imbestigador ay laging nasa loob ng kwarto ni Sid ang doktor na babae para masigurong walang mangyayaring masama sa pasyente habang tinatanong siya ng mga ito kaya hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang tungkol kay Athena at sa sindikato ng Black Scorpion pero nung nakita niya ang ginuhit na tattoo ni Sid ay nagsitayuan ang kaniyang mga balahibo.

Masayang lumabas ang mga imbestigador sa kwarto ni Sid. Sa tulong ng lalaki ay nahuli nila ang lahat ng miyembro ng sindikato maliban sa lider nito. Ngayon na alam na nila na may tattoo ang lider sa likod ay magkakaroon na ng direksyon ang kanilang paghahanap.

Habang nag-uusap ang mga imbestigador sa labas ng kwarto ni Sid ay nilapitan sila ng doktor nito. “Hindi niyo na kailangang lumayo para hanapin ang lider ng sindikato. Si Sid ang lider ng sindikato. Nasunog man ang malaking bahagi ng kaniyang katawan pero hindi nadapuan ng apoy ang kaniyang likod. May tattoo siya ng isang malaking itim na scorpion sa kaniyang likuran na katulad ng kaniyang iginuhit sa papel,” nanginginig ang boses ng doktor habang ikinukwento niya sa mga imbestigador ang kaniyang nalalaman.

Noong araw ding iyon ay dinakip ng mga imbestigador si Sid. Nakulong na ang lider ng sindikato. Sa unang gabi ng lalaki sa bilangguan ay napanaginipan niya sa huling pagkakataon si Athena.

“Ipinangako ko naman sa’yo hindi ba? Sisiguraduhin kong magbabayad ka sa batas! Akala mo ba makakalusot ka na pag nagka-amnesia ka? Akala mo ba matatakasan mo ang mga krimeng ginawa mo pag nakalimutan mo ang lahat ng kasalanang ginawa mo? Akala mo ba kapag pumanaw na ko ay hindi nà ko makakagawa ng paraan para maisiwalat ang tunay mong pagkatao? Pwes nagkakamali ka! Minaliit mo ang kakayahan at kagustuhan kong mabulok ka sa impyerno. At ngayong nasa bilangguan ka na ay sisiguraduhin kong hindi ka na makakalabas! Sisiguraduhin kong mabubulok ka na sa kulungan!”

Nung nagising na si Sid mula sa kaniyang panaginip ay tuluyan nang bumalik ang lahat ng kaniyang mga alaala. ‘Di niya napigilan matawa sa kaniyang sinapit. Natakasan niya ang batas sa loob ng maraming taon niyang pagkakaratay sa ospital. Ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isipan na siya mismo ang magbubuking sa kaniyang sarili. Na sa sariling bibig niya mismo manggagaling na siya ang pinuno ng sindikato. Ngayon ay wala na siyang lusot. Mabubulok na siya sa bilangguan.

Kahit nasa kabilang buhay na si Athena ay nagtagumpay siya sa kaniyang hangarin, ang pagbayarin ang lahat ng miyembro ng sindikatong lumapastangan sa kanya. Ngayon ay maaari nang lumagay sa tahimik ang kaniyang kaluluwa dahil nakamit na niya ang hustisya hindi lang para sa kaniyang sarili kung hindi para sa lahat ng mga kababaihan na naging biktima nila.