Sinubok ang Pagkatao ng Caretaker nang Makita ang Nakabukas na Caja de Hierro sa Loob ng Kuwarto ng Amo, Isang Malaking Pabuya pala ang Nakaabang sa Kanya

Kinuha bilang isang caretaker si Hermy ng isang pamilyang Tsinoy. Kakilala ng kanyang yumaong ama ang may-ari ng malaking bahay na babantayan niya.

“O, ikaw ba si Hermy? Ako si Poldo ang katiwala nina Mr. At Mrs. Ong. Ano sinabi na ba sa iyo ni sir kung ano ang mga dapat mong gawin? Magaan lang naman ang magiging trabaho mo rito. Kailangan lang na palaging malinis ang buong bahay at huwag mong hahayaan na mayroong ibang makakapasok dito,” paalala ng lalaki.

“Makakaasa po kayo na gagawin ko po ng maayos ang trabaho ko rito,” aniya.

Iniwan sa kanya ng lalaki ang susi ng bahay bago ito tuluyang umalis. Pinasusunod kasi ito ng mga amo sa nilipatang bagong bahay sa Antipolo. Ang malaking bahay na binabantayan niya ang isa sa ancestral house ng pamilya.

Nang makaalis ang katiwala ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Namangha siya sa mamahaling muwebles na nasa sala. Ang iba roon ay mga antigo na.

“Kaygandang bahay naman nito! Napakayaman siguro ng pamilyang iyon,” bulong niya sa sarili.

Mayamaya ay umakyat siya sa ikalawang palapag at sinilip ang mga kuwarto. May apat na kuwarto roon na ang isa ay pagmamay-ari ng mag-asawa at ang dalawa naman ay sa anak na lalaki at babae ng mga ito.

Nang pasukin niya ang kuwarto ng mag-asawang Tsinoy ay may nakita siya na ikingulat niya ng husto.

Advertisement

“Dyusko, naiwan nilang nakabukas ang caja de hierro!” gulat niyang sabi.

Hindi niya naiwasang lapitan iyon at busisiin kung ano ang laman niyon. Halos lumuwa ang kanyang mga mata nang makita ang limpak-limpak na pera sa loob ng caja de hierro.

“Napakaraming pera nito!”

Hindi lang pera ang naroon, kundi iba’t ibang klase ng mamahaling alahas.

“Wow, ngayon lang ako nakakita ng mga alahas na gaya nito. Ang gaganda at ang kikinang!” mangha niyang sabi.

Sinubukan niyang pakialaman ang laman ng caja de hierro ngunit hindi kaya ng kanyang kunsensiya.

“Hindi ito tama. Hindi ko pagmamay-ari ang mga iyan,” pigil niya sa sarili.

Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at bumaba sa sala. Sa sobrang kaba ay napaupo siya sa sofa. Ngayon lang kasi siya nakakita ng ganoon karaming pera at alahas sa buong buhay niya. Sa isip niya ay napakasuwerte naman ng mag-asawang Tsinoy. Naisip rin niya na bakit hinayaan ng mga iyon na iwanang nakabukas ang kaban nila ng kayamanan? Hindi man lang ba naisip ng mga amo kung gaano kahalaga ang mga iyon?

Advertisement

Isang araw ang lumipas. Abala si Hermy sa paglilinis ng kusina nang biglang tumawag ang panganay niyang anak.

“Inay, maaari po bang makahingi sa inyo ng pera? May mga kailangan po kaming bayaran sa eskwela at ako na lang po ang hindi nakakapagbayad,” daing ng anak.

Napakamot sa ulo ang babae.

“Anak, sa susunod na linggo pa ang sahod ko, e. Baka naman puwede kang humiram muna sa Tita Betty mo?” anito.

Ibinaba niya ang cell phone na may panghihinayang sa kanyang loob. Hindi man lang niya natulungan ang anak sa problema nito. Nang biglang pumasok sa isip niya ang bukas na caja de hierro sa kuwarto ng kanyang amo.

“H-hindi, hindi, hindi, masama ang iniisip mo, Hermy! Magtigil ka!” saway niya sa sarili.

Pilit na pumapasok sa utak niya na kumuha ng pera sa kuwarto ng mag-asawa ngunit iwinawaksi naman niya ito.

Nang sumunod na araw ay tumawag naman ang kanyang asawa at sinabing inaapoy ng lagnat ang kanilang bunsong anak. Kailangan daw itong dalhin sa ospital ngunit kulang ang dala nitong pera na pambayad.

Advertisement

“Anong gagawin ko? Baka may masamang mangyari sa anak ko!” nag-aalala niyang tanong sa sarili.

Hindi mapakali si Hermy at gulung-gulo ang isip. Muli niyang naisip na kumuha kahit maliit lang na halaga sa caja de hierro. Agad siyang pumanhik sa itaas at pumasok sa kuwarto ng mga amo. Nakita niya ang nakabukas pa ring caja de hierro na tila hinihigop siya papunta sa kinalalagyan nito ngunit kinuyom niya ang mga palad at muling pinigilan ang sarili.

“Hindi ito tama, hindi!”

Nang biglang may tumawag ulit sa kanya.

“Mahal, okay na. Pinahiram na ako ng pera ng kapatid ko. Nadala ko na si Junior sa ospital. Huwag ka nang mag-alala sabi ng doktor ay magiging maayos rin ang anak natin,” sabi ng asawa.

Napapikit si Hermy at taimtim na nanalangin.

“Dyusko, maraming salamat po. Muntik na po akong magkasala sa inyo!” mangiyak-ngiyak niyang sabi.

Kinaumagahan ay nagulat si Hermy na dumating ang among lalaki sa bahay at sinabing may nakalimutan daw ito. Agad niyang pinagbigay-alam rito ang tungkol sa nakabukas na caja de hierro sa kuwarto nito.

Advertisement

“Sir, nakita ko po iyan na nakabukas nang dumating ako rito. Hindi ko po ginalaw iyan. Kahit po tingnan at bilangin niyo pa po ang laman niyan,” aniya.

Napapailing na lang ang among lalaki.

“Naku, ako ang may kasalanan niyan! Nakalimutan ko kasing dalhin iyan bago kami umalis. Nag-uulyanin na talaga ako! Maraming salamat at naging matapat ka at hindi mo pinag-interesan ang caja de hierro,” wika nito.

Mayamaya ay nagpaalam na rin ang amo dala ang caja de hierro at iba pang mga importanteng dokumentong naiwan nito sa bahay.

Masaya naman si Hermy dahil sa wakas ay wala na ang mapanuksong caja de hierro.

Makalipas ang isang linggo ay dumating naman ang katiwala na si Poldo.

“Hermy, maaari ka bang makausap?” tanong ng lalaki.

Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Bakit kaya ito bumalik at ano ang pakay nito sa kanya.

Advertisement

“A-ano po iyon?”

“Alam mo bang tuwang-tuwa sa iyo ang mag-asawang Ong dahil sa pagiging matapat mo? At dahil doon ay ibinibigay na nila sa iyo itong malaking bahay, tanda ng pasasalamat nila,” bunyag ng lalaki.

Hindi makapaniwala si Hermy na sa ginawa niyang hindi pangingialam sa caja de hierro ng mag-asawa ay binigyan pa siya ng pabuya ng mga ito.

“Dyusko, sobra-sobra naman ito!” aniya.

“Tanggapin mo na, Hermy. Wala na namang titira sa bahay na ito. Imbes na ibenta at pakinabangan ng iba ay gusto nilang ikaw ang tumira at mangalaga,” wika pa nito.

Labis-labis ang pasasalamat niya sa mag-asawang Tsinoy. Hindi niya akalain na magbubunga ng maganda ang hindi niya pag-angkin ng pag-aari ng iba. Sinubok man siya ng pagkakataon ay namayani pa rin sa kanya ang kabutihang loob.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!