Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Buking ang Dinekwat na Cellphone - Inday Trending

Buking ang Dinekwat na Cellphone

Tapos nang magronda si Jose sa kanilang barangay. Tahimik ang buong palagid. Nitong mga nakaraang araw ay may mga natanggap silang sumbong tungkol sa gumagalang snatcher ng selpon sa kanilang lugar. Walang nakakaalam kung sino ang salarin dahil may suot itong itim na bonnet sa mukha.

Hindi rin siya naaabutan ng mga biktima dahil mabilis nitong nililisan ang lugar sakay ng isang motorsiklo. Kung ayos lamang ang mga CCTV ay mas mapapadali para sa mga tanod na tulad ni Jose na mahuli ang salarin pero dahil sira ang karamihan sa mga ito kailangang mas paigtingin ng mga tanod ang kanilang pagroronda.

“May bago ka na namang selpon? Halos linggo-linggo kang nagpapalit, ah. Ang yaman mo naman,” biro ni Roger, isang tanod din sa barangay.

“Sira. Hindi akin ‘to. Tsaka hindi ako linggo-linggong nagpapalit ng selpon. ‘Yung nakita mo nung isang araw napulot ‘yun ng tricycle drayber. Sa akin tinurn-over. Baka hanapin daw ng may-ari. ‘Yung hawak ko naman ngayon sa manugang ko ‘to. Nakalimutan niya sa bahay nung bumisita siya kahapon. Isasauli ko mamaya,” sagot ni Jose.

Ayaw maniwala ni Roger sa paliwanag ni Jose kaya inilabas nito ang kaniyang selpon na limang taon na niyang ginagamit bilang pruweba. “Balak ko din talagang bumili ng bagong selpon pero wala pa kong pera. Pag nakabili na ko sasabihan kita agad,” saad ng lalaki.

May bago na namang biktima ang snatcher ng selpon kaya agad na nag-ikot ang mga tanod. Nagbabakasakali ang mga ito na baka hindi pa ito nakakalayo. Nung gabing iyon ay hindi naka-duty si Jose kaya hindi siya kasama sa mga nagroronda.

“Opo, sir. Kani-kanina lang. Nakasakay po siya ng motorsiklo at may suot na itim na bonnet ang mukha. Naglalakad ako sa daan nung biglang nag-ring ‘yung selpon ko. Sinagot ko po dahil boss ko ‘yung tumatawag. Biglang may dumaan na motorsiklo sa tabi ko at hinablot agad ‘yung selpon ko. Bago lang po ang selpon ko, mahigit kumulang isang buwan. Hindi ko pa po tapos bayaran ‘yon,” kwento ni Michael sa tanod na hiningian niya ng tulong.

Kinabukasan ay nakangiting pumasok si Jose sa barangay.

“Mukhang masaya tayo, ah. Anong atin?” tanong ni Roger.

“Siyempre may bago na akong selpon, eh. Latest ‘yung model at de kalidad ang camera. Hindi nga ako nagsawa sa kakakuha ng litrato at video kahapon, eh,” pagmamalaki ni Jose.

“Talaga? Patingin nga.” Inilabas ng lalaki ang bago niyang selpon at hindi maiwasan ni Roger na mapahanga sa ganda nito.

“Hindi ba ang mahal nito? Saan ka nakakuha ng pambayad?” Tanong ng lalaki.

“Credit card,” simpleng sagot ni Jose.

Isang araw ay bumalik si Michael sa barangay. May kasama siyang mga pulis.

“Sino sa inyo si Jose?” tanong ng isang pulis. Bagama’t naguguluhan ay tinuro ni Roger ang kinaroroonan ng kapwa-tanod. Inaresto ng mga pulis si Jose sa salang pagnanakaw ng selpon. Hindi makapaniwala ang lalaki.

“Hindi ko ninakaw iyan! Binili ko iyan! Anong pruweba niyo na ang selpon na binili ko at ang ninakaw na selpon ni Michael ay iisa?” Hamon ni Jose sa mga pulis. Kinuha ni Michael ang ninakaw na selpon at pinindot niya ang ilang application nito.

“Naka-log in pa rin ‘yung Google account ko sa selpon. Imposible namang alam mo ang username at password ko gayong hindi naman tayo magkakilala,” saad ni Michael.

“Baka ‘yung pinagbilhan ko ang nagnakaw niyan, hindi ako. Siya ang hulihin niyo!”

Todo tanggi pa rin si Jose kaya isang video na nakalagay sa Google Photos ang pinanood sa kaniya ni Michael.

“Ayos ‘tong nahablot kong selpon, ah. Mukhang bago pa at magandang ang mga applications. Maganda din ‘yung kamera. Malinaw ang kuha. Sa lahat ng mga selpong ninakaw ko ito na ang pinakamaganda kaya hindi ko na lang ito ibebenta tutal naman, eh, luma na ang ‘yung selpon ko.”

“Malamang pinag-aaralan mo yung ilang applications ng selpon kaya hindi na nakapagtataka na sinubukan mo ring mag-record ng video. Maaaring binura mo na ‘yung video mo sa gallery pero ang hindi mo alam ay automatic na nagsa-save ng kopya ng litrato o videos sa Google Photo account ko. Balewala ‘yung pag-delete mo sa video dahil may naka-save pa rin na backup sa account ko,” paliwanag ni Michael.

Dahil sa pag-record ni Jose ng kaniyang sarili ay nagkaroon ng pagkakakilanlan ang matinik na snatcher ng selpon sa barangay. Ang akala ng lalaki ay hindi siya mabibisto dahil palaging may takip na bonnet ang kaniyang mukha. Di niya akalain na dahil sa nag-iisang selpon na hindi niya ibinenta mabubulgar ang krimeng matagal na niyang ginagawa.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.