Sabi sa Hula, Tatanda Daw Akong Dalaga

Lumuluhang pumunta si Betty sa Quiapo upang magpahula sa kung anong kahihitnan ng kanyang buhay pag-ibig.

Tatlumpu’t pitong taong gulang na siya, pero hanggang ngayon, wala pa rin siyang asawa. Aaminin niya, hindi siya sobrang ganda, di maganda ang hubog ng katawan niya, pero mabango naman siya at laging malinis, bakit walang nagkakamali na ligawan siya?

“Ate, magkakaasawa pa ba ako?” tanong ni Betty sa manghuhula.

Napaubo ang manghuhula habang nakatingin sa sabog-sabog na eyeliner ni Betty. “Ilang taon ka na ba at saka ilan na ang naging nobyo mo?” tanong naman ng manghuhula.

“37 na ako. Tapos tatanda na naman ng isang taon sa isang buwan. Wala na ako sa kalendaryo pero wala pa rin akong asawa. Sa buong buhay ko, isa lang naging nobyo ko, manloloko pa. Sabihin mo sa’kin ate, makikita bang baraha mo kung makakapag-asawa pa ako?”

Nagsimulang magbalasa ng mga baraha ang babaeng manghuhula. Hinati-hati nito ang baraha at saka ikinalat.

“Nako, mukhang masama ang pangitain ko sa iyo. Malabo pa kaysa sa tubig ng Manila Bay ang pag-asa mo na magkaasawa. Tapos ang matres mo parang may problema. Baka hindi ka din magkaanak, maaaring baog ka,” saad ng babaeng manghuhula.

“Totoo ba iyan, ate? Diyos ko. Paano na lang ang pangarap ko na ikasal at magkapamilya?” gulong-gulo na tanong ni Betty.

Advertisement

“Kailangan mo na lang tanggapin na tatanda kang dalaga. Tignan mo kasi ang hitsura mo, mukhang hindi ka natulog ng tatlong araw tapos parang isang bandehado ang kinakain mo bago magpunta dito.

Tsaka mag-ingat ka ha? Nakikita ko na may kamalasan kang pagdaraanan. Noong nagalit siguro ang Diyos, doon ka ipinanganak,” muling saad ng babae.

Napataas naman ang kilay ni Betty sa sinabi ng manghuhula. “Ano ba ate? Hinihulaan mo ba ako o nilalait? Nakakasakit ka na ng damdamin ha?!” nangingilid na luhang sabi ng babae sa manghuhula.

“Tapos na. Limang daan na lang para sa’yo,” paniningil naman ng manghuhula.

“Aba, babayaran kita ng limang daan para sa panlalait mo sa akin? Hoy ate, yung totoo?” di makapaniwalang tanong naman ng matandang dalaga.

“Nagpahula ka, ginawa ko. Akin na bayad mo! Baka lalo ko pang dagdagan ang kamalasan mo,” pananakot naman ng manghuhula.

Wala naman nang ibang nagawa si Betty kundi ang magbayad na lamang. Habang binabaybay ang kahabaan ng Recto Ave. sa Maynila, hindi sinasadyang nahagip siya ng isang kotse, dahilan matumba siya sa nilalakaran.

“Diyos ko, eto na ata yung kamalasang sinasabi ng manghuhula sa akin,” bulong ni Betty sa kanyang sarili habang nakahiga sa gilid ng kalsada.

Advertisement

Nagkumpulan ang mga tao at agad naman ding bumaba ang drayber. “Ayos ka lamang ba? Teka, dadalhin kita sa ospital,” nag-aalalang sabi ng drayber.

Iminulat ni Betty ang mata niya ng kaunti. Laking gulat niya na gwapong lalaki pala ang nakasagasa sa kanya.

“OMG! Mahimatay ka! Mahimatay ka!” mga salitang umiikot sa isipan ng babae habang napapakapit ng madiin sa kanyang damit.

“Nawalan ata ng malay yung babae. Dalhin niyo agad sa ospital!” sigaw ng isang lalaking nakikinood.

At kunwari ngang nahimatay ang babae. Feel na feel niya ang pagkarga ng mga bruskong braso sa kanya ng mga lalaki.

“Kung ganito kagwapo ba naman ang makakabangga sa akin, araw-araw na akong magpapasaga,” nangingiting usal ni Betty sa kanyang isipan.

Nang makarating sa ospital ay nagkunwari pa ring walang malay ang babae. Hanggang sa narinig na niya na nagsalita ang lalaki.

“Ipa-X ray agad ha? Icheck kung may nabaling buto. Pakigawa lahat to make sure na she’s okay,” saad ng lalaki.

Advertisement

“Yes doc!” sagot naman ng babaeng nars.

Napalunok si Betty sa kanyang narinig. Doktor pala ang lalaking nakahagip sa kanya. Wala na siyang ibang magawa kundi imulat na lamang ang mga mata niya at magkunwaring nagkamalay na.

“N-nasaan ako? Anong nangyari?” tanong ng babae habang kunwaring kinukusot ang mata.

“You’re here sa hospital kung saan ako nagdu-duty. Are you okay? May masakit ba sa’yo?” tanong ng gwapong doktor.

“W-wala naman. Okay na ako. Nakapahinga naman na din ako. Baka pwedeng umuwi na ako.”

“I have to make sure na you’re okay, before kita pakawalan… I mean paalisin,” inilahad ng lalaki ang kamay niya at saka nagpakilala, “I am Dr. Luke Sanchez pala, I am sorry sa nangyari kanina.”

Nakipagkamay si Betty at halos tumulo ang laway sa kagwapuhan ng doktor. “B-Betty. Salamat sa pagdala sa akin dito ha?” nakangiti niyang tugon.

Matapos ang X-ray at iba pang pagsusuri, nakitang okay naman si Betty at tanging galos lamang ang nakuha. Nag-alok ang doktor na ihatid na lamang ang babae sa kanilang tahanan, na hindi naman tinanggihan ni Betty.

Advertisement

Habang nasa sasakyan nagkwentuhan ang dalawa. Laking gulat nila na ang dami pala nilang pagkakapareho. Tatlumpu’t walong taong gulang na si Luke at single din tulad ni Betty.

“Pasensya ka na talaga ha? Medyo wala lang ako sa sarili kanina kaya nahagip kita,” muling paghingi ng paumanhin ng doktor.

“Ayos lang. Salamat dahil pinagamot mo agad ako,” tipid na sagot ng babae. Halatang nahihiya ito.

“Alam mo kung anong nakakatawa? Nagpunta ako sa Quiapo kanina para magsimba, tapos tinawag ako ng isang matandang babae. Huhulaan daw ako, sabihin ba naman sa’kin na tatandang binata ako! As much as I don’t want to believe, kasi doktor ako, pero natakot din ako. Gusto ko rin magkapamilya naman,” kwento pa ng Luke.

“Iyan ba yung babaeng nakakulay asul?”

“Oo, kilala mo siya?” tanong ng lalaki.

“Hinulaan din niya ako. Parehas na parehas yung sinabi niya sa atin. Alam mo kung ano pa yung malala?” tanong naman ni Betty.

“Baog daw ako!” sabay na sabi ng dalawa. Nagkatinginan sila saglit at saka sabay na nagtawanan.

Advertisement

Bago bumaba ng sasakyan si Betty ay nagpaalam muna siya. Subalit ang mga salitang binitawan ni Luke ay nagpatigil ng mundo niya.

“By the way, Betty, alam ko pala na gising ka kanina. Nakikita ko kasi na nagmumulat yung mata mo. Tapos napakagat ka ng labi nung binuhat kita. Gusto ko lang sabihin na ang cute mo kanina,” saad ng doktor habang binibigyan ng nakakalokong ngiti ang babae.

Halos nangamatis naman sa sobrang pamumula ang mukha ni Betty. Hindi niya alam ang sasabihin kaya idinaan na lang niya sa tawa ang labis na hiyang nadarama.

“Sana hindi pa ito ang huling beses tayong magkikita. I had fun today! Salamat sa mga kwento mo,” pagpapaalam ng doktor.

Pumikit-pikit na lamang ang mga mata ni Betty at saka hinawi ang mga buhok, sabay pabebeng kumaway sa gwapong doktor.

Makalipas ang tatlong taon, bumalik ang dalawa sa Quiapo Church upang doon magsimba. Sa pagkakataong ito, mag-asawa na sila kasama ang kambal nilang anak.

Nadaanan nilang muli ang matandang manghuhula na nagbaraha sa kanila noon. Nagkatawanan na lamang ang mag-asawa dahil lahat ng hula ng matanda sa kanila ay kabaligtaran ang nangyari.

Tandaan natin na hindi sa hula o swerte nababase ang mangyayari sa hinaharap natin. Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran at tayo rin mismo ang may kakayahang baguhin ito.

Advertisement

Pinagpala lamang ata talaga sina Betty at Luke dahil aksidenteng pinagtagpo ang kanilang mga landas. Sino nga namang mag-aakala na ang dalawang taong sinabihang tatandang walang kasama sa buhay ay sila rin palang magkakatuluyan? Kaibigan, may pag-asa pa tayong baguhin ang ating kapalaran!