Hindi Inakala ng Babae na Makikita Niya ang Tunay na Kulay ng Manliligaw Niyang Maginoo, Muntik Niya pa Namang Sagutin na Ito

Mahigit isang buwan nang nanliligaw ni Seth kay Guia, sa totoo lang ay nahulog na talaga ang loob ng babae rito una pa lamang pero nais niya munang kilalaning mabuti ang manliligaw. Ayaw niya namang pumasok sa relasyon na hindi pa handa, kahit pa 23 years old na silang pareho.

“Okay lang, maghihintay naman ako eh,” malambing na sabi ng lalaki sa kanya, isang gabing kausap niya ito sa telepono.

“Thank you, na-appreciate ko talaga ang patience mo Seth. Nga pala, bukas.. may sasabihin sana ako sayo,” nakangiting sabi niya, balak niya na kasing sagutin ito.

“O? Sasagutin mo na ako babe?” nakakahalatang sabi ng lalaki, di maitago ang kilig sa boses.

“Baliw ka, basta bukas na lang. Kung.. kung gusto mo dumaan ka doon sa coffee shop or, basta bahala na bukas,” sabi niya ulit. Ang pangit naman kasi kung sa telepono niya sasabihing mahal niya na rin ito, diba? Si Seth ang unang boyfriend niya at syempre, mahalaga sa kanya ang pagkakataong ito.

“Okay, pupunta na lang ako doon. May dadaanan lang ako saglit, mga what time ba yan?” tanong nito.

“Mga 3pm, yun ang out ko diba,” paalala niya rito.

“Yup! Tamang tama, sakto lang pala. Andun na ako ng 2:30,” ilang sandali pa ay ibinaba na nila ang tawag. Maaga pa ang pasok nila pareho bukas, sabi ni Seth ay magha-halfday ito sa trabaho dahil may dadaanan pa nga raw bago siya puntahan.

Advertisement

Kinabukasan, talaga namang nagpaganda si Guia. Lalong naningkad ang maputi niyang kutis dahil sa pulang bestidang isinuot niya, kahit pa may suot siyang apron at sumbrero ng pinagtatrabahuhang coffee shop bilang uniporme ay napapalingon pa rin sa kanya ang ilang binatang customer. Sinusuklian niya naman iyon ng isang simple at magalang na ngiti.

Sumapit ang oras ng pananghalian kaya lumabas muna siya upang bumili ng pagkain sa isang fast food chain, nagsasawa na rin kasi siya sa libreng pagkaing ibinibigay ng coffee shop. Ipinaubaya niya na iyon sa kasama niya. Patawid pa lamang siya nang matanaw niya ang isang pamilyar na pigura sa loob ng isang flower shop.

Si Seth.

“Ano’ng ginagawa niya, ibinibili niya ba ako ng bulaklak?” kinikilig na sabi niya. Sobrang aga naman yata, di kaya malanta ang mga iyon? Teka, alas dose pa lang. Ang hilig talaga sa surprises ng future boyfriend niya.

Matapos bumili ng bulaklak ay agad lumabas si Seth pero taliwas sa inaasahan ni Guia, hindi patungo sa coffee shop na pinapasukan niya ang direksyon na tinutungo nito. Nagsisimula nang mapuno ng katanungan ang isipan ng dalaga.

Huminto ito sa tapat ng isang mamahaling restaurant, teka.. iba ang kaba niya!

Sinundan niya ito, bawat hakbang niya ay doble ng tibok ng kanyang puso. Diyos ko, sana ay mali ang hinala niya. Saglit itong nakipag usap sa isang waiter doon, aba at may reservation ang loko!

Nang maupo si Seth ay pumasok rin siya sa loob, mabuti na lang at may bakante pang mga table kaya di siya hinanapan ng reservation. Sa di kalayuan siya nakaupo, sapat na upang matanaw niya ang binata. Maya’t maya ang sulyap nito sa orasan, tinignan ni Guia ang cellphone ngunit wala naman itong text sa kanya na doon sila magkita ibig sabihin, iba at hindi siya ang hinihintay nito.

Advertisement

Ilang sandali pa ang lumipas ay tumayo ang binata at may kinawayan, sinasabi niya na nga ba!

Sinalubong nito ang isang babae at hinalikan iyon sa pisngi, tapos ay iginiya ito upang maupo sa bangkuan sa tapat niya. Grabe, akala niya kilalang kilala niya na si Seth, mali pala siya. Muntik na siyang mabiktima sa panloloko ng lalaki, muntik na niyang aminin dito na mahal niya na rin ito.

Mabuti na lang at tila tinutulungan siya ng tadhana, marahil ay nais ng Diyos na matauhan siya at wag magpadala sa mga matatamis na salita ng inakala niyang maginoong lalaki. Pinahid niya ang butil ng luha na tumulo sa kanyang mata, ang sakit sakit ng puso niya.

Saglit niyang kinalma ang sarili, mamaya siya konti tatayo at baka makita siya ng dalawa. Magmukha pa siyang kawawa. Medyo nagtaka siya nang matitigan ang babaeng kaharap ni Seth, may edad na ito!

Susmaryosep, ganoon pala ang mga type nito. Di niya tuloy lubos na maisip kung ano ang nakita rito ng lalaki, hindi naman nakabihis ang kaharap, bagamat maganda ito. Ang tipo nito ang di niya aakalaing papatol sa mas bata dahil mukha itong karespe-respeto at disenteng babae, pero wag talaga dapat magpapadala sa panlabas na kaanyuan ng isang tao.

Nagpasya siyang umalis na sa lugar na yon, tatawagan niya na lang si Seth mamaya at ica-cancel ang pagkikita nila. Pero dahil na rin siguro sa pinagsama-samang emosyon, pinangunahan ng matinding kaba na baka mahuli siya sa lugar na iyon ay di niya napansin ang kasalubong na waiter na may bitbit na mga pagkain.

Nagmamadali siya at ganon din ang waiter kaya ang lakas ng banggaan nila, sapat na para matawag ang atensyon ng lahat ng kumakain sa lugar na iyon.

“Sht, sht,” bulong niya sa sarili, nagkandaletse-letse na. Patayo pa lang siya nang marinig niya ang isang pamilyar na boses.

Advertisement

“Guia? Baby? Oh my Gosh! Come on, are you okay?” sabi ni Seth at inalalayan pa siyang makatayo. Hindi siya makasagot dito, tinititigan niya lang ito ng mataman.

Talaga ba? Ang kapal! Di man lang mangilabot! Pero sige, sasakyan ko ang trip mo.

Nagtataka man ang lalaki ay iginiya pa rin siya nito palapit sa table ng mga ito, tahimik lang si Guia at nagmamasid.

“Ma, this is Guia, siya dapat iyong ipapakilala ko sayo mamaya pero nauna na siya dito,” sabi ng lalaki, natatawa.

Bigla namang nanlaki ang mata ni Guia, hala! Nanay pala ni Seth ito?! Ano bang iniisip niya?!

“Anak, sa tingin ko mahal ka na niya, kanina pa siya nagmamasid sa ating dalawa eh,” nakangiting sabi ng nanay ni Seth, niyakap siya nito. At alam rin pala nito ang pag a-ala FBI niya kung mag imbestiga kanina, gusto niya na lang kainin ng lupa dahil sa hiya.

Natawa naman si Seth at sumulyap sa kanya kaya wala siyang magawa kundi tumango at amining mahal niya na rin ito.

Isang napakahalagang aral ang natutunan ni Guia nang araw na iyon, bukod sa pagmamahal, ang pundasyon ng isang matibay na relasyon, ay tiwala.

Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.