Pinagkalat ng Babae na May Kabit ang Mister ng Kaibigan, Di Niya Alam na Asawa Niya Naman Pala ang Totoong Gumagawa ng Milagro

Matagal nang nakatira sa lugar nila si Lucy, ang mister niya ay nagtatrabaho sa isang pabrika sa malapit. Habang siya naman, sa bahay lang. Asikaso niya ang dalawang anak na pumapasok sa eskwela. Ang panganay niya ay high school na at grade 4 naman ang bunso.

Kapag may klase ang mga bata ay ugali na niyang tumambay sa labas ng gate at usisain ang buhay ng mga kapitbahay. Gabi na siyang kung makauwi dahil napapasarap ang tsismis niya sa tindahan, kung saan lahat silang tsismosa ay nagtitipon-tipon. Lahat siguro ng kwento ay alam na niya, minsan nga ay sinasadya niya pang dagdagan at bawasan para naman mas mainit ang tsismis.

Bukod kasi sa usisera ay inggitera pa siya. Mahilig siyang manira lalo na ng mga kapitbahay na mas angat sa kanya. Isa na roon si Rosenda, ang bagong lipat.

“Tao po,” tawag niya sa bahay ng babae isang hapon.

“Lucy, halika pasok.” nakangiting sabi ni Rosenda sa kanya, sinadya niyang makipaglapit ng loob rito. Para nakakalabas at nakakapasok siya sa bahay nito, nagmamasid siya at naghahanap ng mali na pwede niyang mai-tsismis tungkol sa babae.

“Ang aga mo namang magluto, amoy na amoy ko na ang nilagang baboy,” bati niya.

“Oo eh, maagang umuuwi si Reinard ko.” nakangiting sabi nito, namumula pa ang pisngi at halatang kinikilig nang mabanggit ang pangalan ng mister.

Palihim naman na tumaas ang kilay ni Lucy. Ang balita niya kasi ay maganda ang trabaho ng lalaki, di-kotse pa nga eh. Bukod doon, sweet na sweet ito sa asawa kahit pa may dalawang anak na rin ang dalawa.

Advertisement

Ang perfect ng buhay ni Rosenda, nakakaasar.

Mahahanapan rin kita ng butas na bruha ka, sa isip-isip niya.

“Ang sweet nyo ano? Tapos gwapings pa ang mister mo. Hindi ka ba kinakabahan na baka maraming umaaligid sa kanya sa trabaho?” usisa niya. Abala naman si Rosenda sa paghahain sa kanya ng sandwich.

Saglit itong nag-isip, “Naroon ang agam-agam dahil sabi mo nga, gwapings siya. Pero sa kabila noon, proud ako dahil akin siya at malaki ang tiwala ko kay Reinard. Siguro sapat na iyon kaysa mabaliw ako kaiisip hindi ba?”

Tumango nalang naman si Lucy.

Habang tumatagal ay lalong naiipon ang galit niya kay Rosenda kahit wala namang ibang ipinakita ang babae kundi kabutihan sa kanya. Wala na siyang ibang ginawa kundi usisain ang buhay nito, maging sa facebook ay in-add niya ang kapitbahay para lang maki-usyoso.

Pero lalo siyang naasar sa mga post nito, happy family. Palaging nanonood ng sine, ipinagluluto ang mister at kung anu-anong bonding ng pamilya lalo pa kung walang pasok sa opisina si Reinard.

Hanggang isang gabi, alas diyes na noon at kasasara lang ng tindahan na tinambayan niya nang mapatigil siya sa paglalakad. Walang masyadong tao noon sa paligid at kitang-kita niya ang sasakyan ni Reinard.

Advertisement

May sumakay na isang seksing babae na blonde ang buhok, nakababa ang bintana ni Reinard kaya napansin niyang kinabahan ang lalaki. Lalo pa nang mapalingon ito sa kanya, may ibinulong rito ang katabing babae kaya pinaharurot nito ang sasakyan.

Napangisi naman si Lucy, “Akala mo Santo, may itinatago rin palang baho. Humanda ka ngayon Rosenda, may bala na ako sa’yo.”

Pumasok na siya sa bahay nila at inabutan ang mister na nanonood ng TV sa salas.

“Saan ka galing? Gabi na,” sabi nito. Paos ang boses dahil siguro sa pagod sa trabaho.

“Diyan lang Nolie, kumain kana. Initin mo nalang ang niluto ko kaninang tanghali,” sabi niya at umakyat na. Wala ang mga anak niya dahil nagpaalam kagabi na sa mga lola raw matutulog. Nakangiti siyang nahimbing ng gabing iyon dahil may malaki siyang pasabog bukas.

Araw ng Linggo, kahit pa pinakiusapan siya ni Rosenda na huwag munang pupunta pag Linggo dahil oras iyon para sa pamilya ay kinalampag niya pa rin ito. Nagsama pa siya ng tatlong tsismosa para may witness siya sa pasabog niya.

“Lucy? Ang aga mo.. ano ang maipaglilingkod ko?” nagtatakang tanong ng babae.

“Papasukin mo kami, may kailangan kang malaman,” mariin niyang sagot.

Advertisement

Binuksan naman ni Rosenda ang gate at pinatuloy sila. Naroon si Reinard at nagka-kape, medyo namutla nang makita siya.

“Ano? Bakit hindi ka makatingin? Dahil alam ko ang baho mo!” sabi niya sa lalaki.

“H-Ha?” gulat at nagtatakang tanong ni Reinard, wow. Praktisado ang acting, ang galing magmaang-maangan!

“Sandali, ano ba ang nangyayari rito?” naguguluhang tanong ni Rosenda.

“Yang asawa mong Santo-Santito, may isinakay na babae kagabi! O diba? Akala mo hindi ako magsasalita, ayan, naririnig ng mga kapitbahay saksi sila, putulin man ang daliri ko hindi ako nagsisinungaling talaga! Magsabi ka ng totoo Reinard, nakita ko kayo nung blondina mo!” sigaw niya sa lalaki.

Pinigil niya ang pagngisi nang makitang rumehistro ang sakit sa mukha ni Rosenda, tagumpay siya. Ito lang ang bagay rito, feeling perfect kasi.

“H-Hon?” tanong nito sa mister.

Hindi makasagot si Reinard.

Advertisement

“Tingnan mo na, tameme ka ngayon! May babae nga kasi,” pambubuyo pa ni Lucy, nakatawag sila ng atensyon dahil sa sigaw niya at may mga kapitbahay na ring nakasilip sa bintana.

Tumayo si Reinard at hinawakan sa balikat ang humahagulgol na misis.

“T-Totoong may isinakay ako kagabi para ihatid sa labas ng subdivision. Hindi ko iyon itatanggi hon pero..pero..” hindi maituloy nito ang sasabihin.

“Pero ano? Ay sus, alam ko na yang ganyang excuse,” sabat ni Lucy.

Napalingon siya nang may magsalita sa likod, “Pero hindi niya babae iyon. Dahil.. babae ko iyon. Walang kinalaman si Reinard,”

“N-Nolie?” hindi makapaniwalang sabi ni Lucy. Nanikip ang dibdib niya, lumuhod ang kanyang mister.

“Patawarin mo ako Lucy. Nagpadala ako sa tukso. Noong mga panahong abala ka sa paninira sa ibang tao ay nanlamig ako, dahil mas inuuna mo pa iyon kaysa sa amin ng mga bata. Pero natauhan na ako.. inayawan ko na si Tessa.

Kaya lang ay tinatakot niya ako na sasabihin sa’yo lahat, kagabi ay pumunta siya sa bahay para mabuking kami. Buti ay natakot na ipapakulong mo kami kaya umalis na.. saktong daan ng kotse ni Reinard, pinara niya at sumakay. Iyon ang nakita mo. Walang alam si Reinard, nagmagandang loob lang siya na ihatid si Tessa dahil naipit na rin siya sa sitwasyon.”

Advertisement

Hindi makapaniwala si Lucy sa mga naririnig. Ang plano niyang pamamahiya sa pamilya ni Rosenda ay sa kanya lahat tumalbog ngayon. Siya pala ang niloloko.

Patakbo siyang umuwi sa kanila, dala ang matinding hinanakit at pagsisisi.