Mga Anak Mo, o Ako?

Si Kenneth ay isang mayamang biyudo na may dalawang anak, isang lalaki at isang babae. Halos sampung taon na rin ang lumipas mula noong pumanaw ang kanyang pinakamamahal na asawa. Kaya ngayon ay nagpapaalam siya sa kanyang mga anak na sina Lucas at Kate kung papayagan na ba siya ng mga itong muling mag-asawa.

“Sino naman ang iyong napupusuan, Papa?” tanong ni Lucas, ang kanyang panganay na anak na ngayon ay nasa bente siyete na ang edad.

“Huwag mong sabihin na si Bridget. My god Papa, halos ka edad nalang iyon ni Kuya.” singit pa ni Kate.

“Pero mahal ko siya. Nagmamahalan kaming dalawa. Hindi ba pwedeng ako naman ngayon ang hayaan niyong sumaya? Napalaki ko na rin naman kayo ng tama, naalagaan. Baka pwedeng sa ngayon ay ako naman ang maghanap ng pagmamahal?”

Sa kawalang magawa ay hindi nila napigilan si Kenneth na pakasalan ang sekretarya nitong si Bridget.

Noong simula ay masaya ang pagsasama nila, hanggang sa makalaunan ay biglang nagbago si Bridget. Umaalis ito ng umaga at uuwi kinabukasan na, madalas pa ay lasing na lasing. Kapag naman nasa bahay lang ito’y wala ng ibang ginawa kundi tingnan ang galaw ng mga anak ni Kenneth.

Lagi itong nasa mall at bumibili ng kung anu-anong hindi naman importante. Minsan naman ay magugulat nalang siya dahil puro kaltas ng bar ang naka-rehistro sa kanyang credit cards na ibinigay niya rito. Hindi niya na naiintidihan ang asawa.

“Ano bang nangyayari sa’yo, Bridget?” hindi na napigilan ni Kenneth ang tanungin ito dahil wala na itong ginawa kundi ang awayin si Kate at si Lucas, kaya tuloy nakapagdesisyon ang dalawang bumukod na lamang na matigas naman niyang tinutulan.

Advertisement

“Bakit ba kasi ayaw mong umalis ‘yang mga anak mo dito? Mga kontrabida ng buhay ko!” pairap niyang sagot.

“Kailan naman naging kontrabida sa’yo ang mga anak ko?”

“Lagi! Lagi naman, lagi nalang nilang binabantayan ang bawat galaw ko. Kaya nahihirapan akong gumalaw sa bahay mo kahit na ang laki-laki nito kasi pakiramdam ko nasa akin ang lahat ng mga mata nila!”

“Hindi iyon totoo, Bridget.” mahinahong sambit ni Kenneth, pinipigilan niyang tuluyang magalit sa babaeng buong puso niyang ipinaglaban noon sa kanyang mga anak.

“Hay! Naku naman Kenneth. Sabagay lumang tugtugin na ito, kailan mo ba kasi mabibitawan iyang mga anak mo. Tsk! Ayoko silang kasama sa pamamahay na ito!” maktol nito at akmang tatalikuran na siya’y biglang nagsalita si Lucas na kanina pa pala nakikinig sa usapan nila.

“Kami nalang po ang aalis, Papa. Nakahanda na po ang mga gamit namin ni Kate sa pag-alis.”

“Hay! Salamat naman kung gano’n.” pinag-krus nito sa dibdib ang dalawang braso at mataray na tinitigan ang antipatikong anak ni Kenneth.

Hindi naman nag-abala pa si Lucas na tignan si Bridget, diretso lamang itong nakatitig sa mukha ng Ama. “Mag-iingat po sana kayo rito, Papa.”

Advertisement

Iyon lang at tumalikod na si Lucas upang kunin ang mga bagaheng kanilang naihanda ni Kate. Kung saan man sila pupunta ay hindi pa nila alam, basta ang importante ay makaalis silang dalawa ng kapatid sa bahay na ito na pinag-rereynahan na ng kanilang madrastang wala nang ginawa kundi ang pagselosan sila.

“Walang aalis, Lucas!” matigas na wika ni Kenneth.

“Ano! Kung ayaw mong paalisin ang mga anak mo ay ako na lamang ang aalis dito! Wala kanang ibang inatupag at ginawa kundi ang alagaan at bantayan ‘yang mga anak mo. Pakiramdam ko nga, pinakasalan mo lang ako dahil nangungulila ka lang sa isang asawa pero hindi talaga asawa ang gusto mo. Dahil kumg gusto mo ng asawa ay magbubukod tayo!”

“Nag-asawa ako ulit dahil minahal kita Bridget, kahit na kasing tigas ng punong Narra ang pagtutol ng dalawa kong anak na huwag ikaw dahil halos ka-edad ka na lamang nila. Pero pinili pa rin kita dahil akala ko’y lubos na kitang kilala, pero nagkamali ako.

Hindi ko alam kung bakit bigla-bigla ka nalang nagbago na pakiramdam ko’y pinakasalan mo lang ako dahil isa akong mayamang tao. Naghanap ako ng asawa dahil nais kong may maging katuwang ako sa pagmamahal at pag-aalaga ng mga anak ko, kaya bakit ako magbubukod kung sa laki ng bahay ko’y kasyang-kasya naman tayo.

Kung nais mong umalis ay hindi kita pipigilan, bukas na bukas ay ipapadala ko sa’yo ang annulment papers. Pero ang sabihin mong paalisin ko sa pamamahay na ito ang sarili kong anak, ay hindi ko mapapayagan. Ang asawa ay mabilis palitan, pero ang anak na ipinagkaloob sa’min noon ng Diyos ay hindi Bridget, hindi mo pa siguro ako naiintindihan sa ngayon dahil hindi ka pa minsanman naging Ina. Pero mas mamabutihin ko pang ikaw ang mawala kesa sa mga anak ko.”

Nakita niya kung paano nanlisik ang mga mata ni Bridget sa galit bago ito padabog na umalis sa harapan nilang tatlo.

“Papa,” umiiyak naman na nilapitan siya ni Kate at niyakap, ganoon din ang ginawa ni Lucas.

Advertisement

“Hindi ko kakayanin kapag kayo ang nawala sa’kin mga anak. Mahal na mahal ko kayo,” wika niya habang yakap-yakap ang dalawa.

“I love you Papa,” wika ni Kate.

“I love you din Pa,” halos mangiyak-iyak naman na sambit ni Lucas.

“Mahal na mahal ko din kayo mga anak. Kayo ang yaman ko,” aniya na mas lalo pang hinigpitan ang yakap sa dalawa.

Hindi masamang maghanap ng sariling kaligayahan. Pero kung sakit lang naman sa ulo ang hatid nito ay mas mabuti na lamang na ito’y iyong bitawan.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!