Akala ng Babae ay Katapusan na ng Lahat nang Iwan Siya ni Mister; Nabuhay ang Pag-asa Dahil sa mga Anak Niya

Mag iisang buwan na mula nang iwan ng mister si Delia, matapos ang labintatlong taon nilang pagsasama ay sumama na ito sa ibang babaeng nakilala nito habang namamasada ng jeep. Bale ba ay naiwan kay Delia ang tatlo niyang anak, hindi nakatapos sa pag aaral ang babae kaya wala siyang mapasukang matinong trabaho. Ang ipinangbubuhay niya ngayon sa mga anak ay pagtanggap ng labada at pagpe-pedicure.

“Nay kain na po tayo,” sabi ni Marites, ang kanyang panganay na anak. Labindalawang taong gulang pa lamang ang bata pero parang matanda na kung mag-isip ito, siguro ay naisip ng bata na dapat magpakatatag siya lalo ngayon at tila nanghihina ang kanyang nanay.

Tulala lang naman si Marites, dinaramdam pa rin ang pag-alis ng asawa. Puno ng tanong ang isip niya kung bakit sila nagawang iwanan at ipagpalit ni Rodolfo gayong ginawa niya naman ang lahat para sa kanyang pamilya.

“Nanay, lika na. Ang bango ng noodles na iniluto ng ate,” tawag naman sa kanya ni Precious, ang kanilang ikalawang anak. Siyam na taong gulang ang bata, sa tabi nito ay nakaupo at nakangiti rin sa kanya si Meredith, ang bunso. Pitong taong gulang naman ito.

“Sige na mauna na kayo, tirhan ninyo na lamang ako. Takpan nyo ang ulam ha at ang kaldero lagyan ipatong nyo sa tasang may tubig para hindi lalanggamin,” matamlay na sabi niya, naghalu halo na kasi ang problema at pagod na rin sa maghapong pagkayod kaya wala na siyang ganang kumain.

Nalungkot man ang tatlong bata ay di na nila pinilit pa ang ina, baka nga kailangan lang nitong mag isa. Tulad noong mga nakaraang araw. Minsan nag iisip si Marites, kung bakit ganito ang buhay nila. Bakit naman ang iba niyang kaklase, may nanay at tatay? Bakit para sa iba, madali lang ang lahat? Pero di nagpapatalo sa mga ganoong isipin ang bata, nariyan pa ang mga kapatid niyang tumitingala sa kanya. Kung mahina ang nanay niya, kailangan niyang maging malakas para dito.

Kinabukasan ay maagang nagising si Delia, kumatok agad siya sa bahay ng kanyang suki sa paglalabada, tiyak niyang maraming damit ang ipapalaba nito at sasakit nanaman nang husto ang mga kamay niya pero ayos na iyon, basta may kita. Hindi naman siya makakapulot ng 150 pesos basta- basta. Aba, pambili rin ng bigas at ulam iyon.

Sinimulan niya nang kusutin isa isa ang isang bundok ng mga maruruming damit, siguro aabutin siya ng siyam-siyam dito kung hindi niya bibilisan. Kailangan matapos ako bago magtanghali para maka-ikot pa ako a barangay kung sinong gusto ng pedicure, sa isip-isip ng pawisang babae. Nang matapos siya sa labada ay umuwi muna siya nang kanilang bahay, sisilipin niya lang ang mga bata. Nag-iwan naman siya ng sinaing kanina at ulam ng mga ito pero maganda na iyong masiguro niyang kumain nga ang mga ito.

Advertisement

Pagdating niya roon ay wala na ng mga pagkain sa mesa, mabuti naaman at nananghalian na. Napansin niya ring walang mga maruming pinggan sa lababo, masipag talaga ang mga bata lalo na ang kanyang panganay, ateng ate na talaga ito. Pero nasaan naman kaya ang mga anak niya?

“Marites, Precious..Meredith!” tawag niya sa mga ito, wala sa kwarto. Ah, baka nasa kapitbahay at naglaro, ganoon naman lagi ang libangan ng mga bata.

Nagbihis siya at inihanda na ang lalagyan ng kanyang mga kagamitan sa paglilinis ng kuko. Tapos noon ay nagsimula na siyang umikot sa mga bahay-bahay.

“Ate Myrns, palinis po kayong kuko?” tanong niya sa tindera ng sari-sari store.

“Kalilinis mo lang sa akin nung isang araw Delia, baka ma-murder mo na ang kuko ko niyan,” natatawang biro nito. Napangiti rin si Delia at nasulyapan ang kuko nitong may bakat pa ng gamot na pula.

“Pasensya na po, nakalimutan ko,” sabi niya sa may edad nang babae.

“Pero si Helen magpapalinis raw. Bumili rito kanina, nagtatanong kung naglilinis ka pa rin ba ng kuko,” sambit nito. Nagliwanag naman ang mukha nya, salamat at may customer!

Pinuntahan niya ang bahay ni Helen at namangha siya pagpasok sa loob. Napakaraming mga rebulto ng mga santo, palibhasa ay isa ito sa mga kilalang deboto sa lugar nila. Ang pinaka-tawag pansin para sa kanya ay ang humahalimuyak na amoy ng sampaguita.

Advertisement

“Pasok ka, nagulat ka no, mahilig talaga ako sa mga yan, isang paraan ng debosyon,” sabi ni Helen na pumwesto na at iniabot sa kanya ang paa.

“Ang nanay ko rin noong nabubuhay pa mahilig sa mga santo.. namamangha lang ako kasi ang bangu-bango ng amoy ng sampaguita. Talagang bumibili ka ng sampaguita araw araw para sa kanila?” usisa niya rito.

“Oo! salamat sa mga anak mo, hindi na ako kailangan pang dumayo sa simbahan para bumili. Nakita ko silang ma-tyagng naglalako riyan sa tapat at naawa ako, sabi ko rasyunan ako tuwing may tinda sila,” nakangiting kwento nito.

Tulala naman si Delia. Naglalako ang mga anak niya?

Matapos linisan ng kuko si Helen ay agad na umuwi ang babae, naabutan doon ang mga anak na nagbibilang ng barya.

“Bakit kayo naglalako?!”

Magkahalong gulat at takot naman ang nasa mata ng mga bata. Magsasalita palang ang mga ito nang patakbong yakapin ni Delia ang mga bata, lumuluha. Napakaswerte niya sa mga bata, sa mga panahong nalulumbay siya ay ang mga ito ang nagsilbing lakas niya, ngayon ay napatunayan niya na, kaya niyang mabuhay nang walang asawa.

Pero hindi niya kayang mabuhay kapag nawala ang mga anak niya.