Ayan Sige, Yabang Pa!

Lumabas muna saglit ng talyer si Paulo upang bumili ng yosi sa tindahang katapat ng talyer kung saan siya nagme-mekaniko ngayon. Doon na rin niya naisipang hithitin ang biniling sigarilyo. Maya-mayaʼy may motorsiklong huminto sa tapat ng talyer, sakay ang isang pamilyar na lalaki. Kung hindi siya nagkakamali ay kaklase niya ito noong highschool, si Alexander.

“Pare!” tinawag niya ito. Itinapon niya ang hawak na sigarilyo at inubos ang usok na nahithit na niya bago siya tumawid muli papunta sa kabilang bahagi ng kalye.

“Teka, ikaw si Paulo, ʼdi ba? Kaklase ko noʼng highschool?” tanong nito na agad naman niyang tinanguan nang nakangiti.

“Ayos ang porma natin, Pare, ah!” bati niya sa suot nitong long-sleeved polo at kurbata na tinernuhan ng itim na slacks. Ayos na ayos din ang buhok nito. Mukha na itong bigatin.

Tumawa naman si Alexander. “Ah, ito ba? Wala, e. Ganiyan talaga kapag medyo sinusuwerte. Na-promote ako sa trabaho, kahapon lang,” may tono ng kayabangang sagot nito.

Nagsigalawan ang mga kilay ni Alexander at muntik na siyang mapangiwi, ngunit minabuti niyang huwag na lang pansinin iyon. “Aba, ayos ʼyon,” sabi na lamang niya. “Nga pala, ipapalinis mo ba itong motorsiklo mo?” Nag-o-offer din kasi ng car wash ang kanilang talyer.

“Oo sana, e, teka.. diyan ka ba nagtatrabaho?”

Muling tinanguan ni Paulo ang tanong nito, ngunit sa pagkakataong ito ay wala na ang malawak niyang ngiti.

Advertisement

“Sabi ko na nga ba, e. Halata sa hitsura mo.”

Medyo napipika na si Paulo sa asal at tabas ng dila ng kausap ngunit pinilit niyang ikalma ang sarili. Isa pa, ganito naman na talaga ito noon pa. Medyo sanay na siya.

“Sabi ko naman kasi sa ʼyo noon, Pare, magsikap kang mabuti. Tingnan mo ako, sumasahod na ako nang mahigit fifty thousand a month sa pagtatrabaho ko sa company. May sarili na akong motorsiklo, nakapagpagawa na ako kahit papaano ng bahay at sa private school nag-aaral ang anak ko. Si Misis naman, petiks na lang. May savings na rin kami sa bangko. E, ikaw? May asawa ka na ba?” paglilitanya ni Alexander kay Paulo.

“Ah, oo. Parehas kaming may kaniya-kaniyang pinagkakakitaan ng misis ko. Bale, mahilig naman kasing magpaganda si misis kaya pinasok niya ang cosmetics industry,” payak lamang namang sagot ni Paulo.

Biglang napapitik sa hangin si Alexander. “Aba, sakto! Isang sikat na cosmetic line din kasi ang company ng boss ko. Ano baʼng trabaho ng misis mo? Retailer?”

“Ah, hindi. Investor siya ngayon sa isa ring cosmetic line,” muli ay simpleng sagot lamang ni Paulo sa madaldal na si Alexander.

“Ah, ʼyong mga small time na ʼtulad ng mga naglalabasan ngayong bagong brand?”

Sasagot pa lang sana si Paulo sa tanong na iyon ni Alexander nang biglang may tumawag sa kaniya.

Advertisement

“Pau!”

Parehas silang napalingon ni Alexander sa babaeng papalapit sa kanila ngayon. Kabababa lang nito mula sa kotse nito.

“Maʼam?” nasambit naman ni Alexander nang makilala kung sino ang babae. Ito ang amo niya.

“Oh, Mr. Tenorio, what a co-incidence. Magkakilala ba kayo nitong si Paulo?” tanong ng ginang na nakasuot ng eleganteng damit.

“Yes, Maʼam, heʼs a former friend,” magalang namang sagot ni Alexander. Ang nasa isip niyaʼy baka regular na costumer ng talyer na ito ang kaniyang boss.

“Thatʼs great! Perhaps you could help me convince his wife to be in partnership with me na at hindi lang basta maging investor ng company natin,” sabi nito.

Biglang pinanlakihan ng mga mata si Alexander sa narinig.

Nabibingi na ba ako? Nagkamali ba ako ng dinig? napatanong siya sa sarili.

Advertisement

“M-maʼam?” napatanong din siya sa kaniyang boss.

“Oh yes, Dear! Hindi mo ba alam? Itong kaibigan mong ito ang asawa ng bago nating investor. He and his wife are great business personalities. But as you can see, heʼs very down to earth. Kahit pa nga may-ari na iyan ng ibaʼt ibang businesses, e, hindi mo agad mahahalata, dahil napaka-humble ng taong ʼyan.” natawa ang boss na iyon ni Alexander. “Ito talagang si Paulo ang living proof ng kasabihang, donʼt judge a book by its cover,” biro pa nito. “Seriously, Mr. Tenorio, you should learn a lot from this man. Ask him kung paano ba mas maging successful sa lahat ng pinapasok mo sa buhay.”

Nakaalis naʼt lahat ang boss ni Alexander, ngunit naiwan siyang tulala at nakanganga. Ni hindi siya makatingin sa mga mata ni Paulo.

“Ah, Pare?” Tinapik-tapik nito ang kaniyang braso, dahilan upang mabalik siya sa katinuan.

“O-o, P-pare?” Ppnilit niyang magsalita nang hindi tumitingin sa mukha ng kausap.

“Magpapalinis ka pa ba ng motorsiklo?” tanong ni Paulo.

“H-hindi na pala, Pare. May pupuntahan pa ako. S-sige, ha?” Hindi na hinintay pa ni Alexander na makasagot ang dating kaklase at pinaharurot na niya ang kaniyang motorsiklo. Iyon lang ang naiisip niyang paraan upang makatakas sa kahihiyan. Laking pagsisisi niya na minaliit niya nang ganoʼn si Paulo, nang hindi nalalaman ang tunay nitong katayuan sa buhay. Ngayon ay kinakabahan siya para sa kaniyang sariling katayuan, dahil isang salita lang pala nitoʼt maaari siyang masibak sa trabaho!

Samantala, naiwan namang kakamot-kamot sa ulo si Paulo. Gusto niyang matawa ngunit napailing na lang siya. Ibang klase ang dating kaklase niyang iyon. Ngunit mas mabuting kalimutan na lang ang lahat. Alam ni Paulo na ngayon ay natutunan na nito ang leksyon nito.