Gantimpala Mula sa Sinto-Sinto

Nakipagsapalaran si Eddie kasama ang kanyang asawang si Tina at dalawang anak sa Maynila. Nanggaling sila sa probinsya at ang dati nilang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay at pagsasaka. Lumuwas sila sa lungsod dahil ang akala nila ay mas giginhawa ang kanilang buhay ngunit iyon ang malaking pagkakamali nilang mag-anak.

Mula nang magtrabaho si Eddie sa Maynila ay hindi na siya nakapag-ipon. Kulang na kulang ang kinikita niya sa pagtitinda ng mais sa kalsada. Kung dati noong nasa probinsya sila ay nakakakain sila ng tatlong beses isang araw, ngayon ay dalawang beses na lang dahil sa mahal ng mga bilihin. Kung dati, kahit nakatira sila kubo ay kumportable ang kanilang dalawang anak, ngayon ay sa gilid ng bangketa na lamang sila nananatili.

“Sana pala Eddie ay hindi na lang tayo pumunta dito sa Maynila, sana ay nanatili na lang tayo sa probinsya. Buti pa doon kahit paano ay nakakaraos tayo. Mula nang tumira tayo dito ay palagi nang nagugutom ang mga anak natin. Kulang na kulang ang kinikita mo sa paglalako ng mais ng buong araw,” himutok ni Tina.

“Hayaan niyo at may awa rin ang Diyos. Pasasaan ba at susuwertehin din tayo,” tangi niyang nasabi sa kanyang misis.

“Naku, noong una tayong pumunta dito ay iyan na rin ang sinabi mo. Magli-limang buwan na tayo dito ay iyan pa rin ang paulit-ulit mong sinasabi. Haynaku, kapag natapos ang buwan na ito at wala pa ring nangyari ay babalik ako sa probinsya at isasama ko ang mga bata!” matigas na sabi ng babae.

Gaya ng dati ay pinababayaan na lang ni Eddie ang mga hinaing ng asawa. Mainitin lang talaga ang ulo ni Tina kaya iniintindi na lang niya ito.

Isang gabi ay nagulat si Tina nang makitang may pasa sa mukha ang mister.

“O, anong nangyari sa mukha mo? Eddie naman, hirap na hirap na tayo ay napapaaway ka pa? Sino ang may gawa niyan sa iyo?” tanong ng kanyang misis habang sinisipat-sipat ang gilid ng kanyang pisngi.

Advertisement

“Naawa kasi ako dun sa matandang lalaki na kinakantiyawan at pinaglalaruan ng mga binatilyo sa may palengke. Mukhang may problema sa pag-iisip ang matanda tapos ay hinahampas-hampas pa nila at binabatuk-batukan kaya nainis ako at sinermunan ko sila. Pero ang mga kabataang iyon ay sadyang mabangis at mapusok. Pinagtulungan ako, mabuti na lamang at may dumating na tanod at nagsitakbuhan paalis ang mga walang modong bata. Iba na talaga ang mga kabataan ngayon, tsk tsk…” hayag ni Eddie.

“Dapat kasi ay hindi ka na nakikialam sa mga ganyan, paano kung may mga dalang patalim ang mga binatilyong iyon at nadale ka? Paano kami ng mga anak mo? Mag-isip ka nga minsan Eddie, pinapasakit mo naman ang ulo ko, e!” inis na sabi ng asawa.

Hindi naman siya masisi ni Tina dahil natural na talaga iyon na ugali ng asawa. Napaka-matulungin ng kanyang mister at ito ang isa sa mga nagustuhan niya sa lalaki bukod sa pagiging masipag at mapagmahal.

“Hindi ko naman kayang pabayaan na binabastos at sinasaktan iyong matandang lalaki kanina sa palengke. Naalala ko sa kanya si itay. Kung alam mo lang kung ano ang kalagayan nung matanda kanina, parang ilang linggo na hindi naliligo at ilang araw na hindi kumakain kaya parang nanghihina na,” paliwanag pa ng lalaki.

“E, nasaan na ang matanda?” tanong ni Tina.

“Iyon nga ang pinagtataka ko, e bigla siyang nawala kanina. Bibigyan ko sana ng makakain pero hindi ko na nahanap, nawala na lang na parang bula,” aniya.

Mabilis na lumipas ang isang linggo, malapit nang matapos ang buwan at hindi pa rin nagbabago ang takbo ng buhay ng pamilya ni Eddie. Isang kahig isang tuka pa rin sila. Mahina pa rin ang benta at kulang na kulang ang paglalako niya ng mais. Mukhang magtatagumpay ang kanyang misis na bumalik sa probinsya. Sa isip niya ay baka iyon nga ang mabisang solusyon para kahit paano ay gumaan-gaan ang buhay nilang mag-anak. Kaya napagpasyahan niya na sa katapusan ng buwan ay babalik na sila sa lugar na kanilang pinanggalingan. Nag-iipon lang siya ng pamasahe pabalik.

Nang biglang may lumapit sa kanya na isang matandang lalaki.

Advertisement

“Pagbilhan mo nga ako niyan, hijo!”

Nang itingala niya ang kanyang ulo ay laking gulat niya dahil ang bumibili ng kanyang panindang mais ay ang matandang lalaki na ipinagtanggol niya sa mga mapagsamantalang binatilyo.

“K-kayo? P-pero paano…” hindi makapagsalita si Eddie dahil ibang-iba ang bihis ng matanda kumpara nung nakita niya ito sa palengke na walang suot na pang-itaas na damit. Nakasuot ito ng kulay itim na polo shirt na may kurbata.

“Ako nga pala si Mauricio Dela Tavera at isa akong negosyante. Hindi totoo na isa akong sinto-sinto at pulubi. Linggo-linggo akong nagpapanggap na marungis at tila wala sa tamang pag-iisip dahil gusto kong makakita ng mga taong nakahanda pa ring tumulong sa kabila ng aking kalagayan at tanging ikaw lang ang nagtagumpay, ikaw lang ang naglakas loob na tumulong sa akin. Dahil sa iyong ginawa ay mayroon kang gantimpala. Simula ngayon ay hindi ka na magtitinda ng mais sa kalye dahil bibigyan kita puhunan para makapagtayo ka ng iyong sariling negosyo. Ginagawa ko ang pagtulong na ito dahil binabalik ko lang sa aking kapwa ang mga naitulong din sa akin noong mga panahon na walang-wala rin ako. May mga simpleng tao na nagmagandang loob na tulungan ako hanggang sa narating ko kung ano ang mayroon ako ngayon,” bunyag ng matanda na isa palang mayamang negosyante.

Hindi pa rin makapaniwala si Eddie sa mga sinabi nito sa kanya. Hindi na natuloy ang balak nilang pagbalik sa probinsya dahil ang puhunang ibinigay sa kanya ng mabait na matanda ay pinalago niya. Sa ngayon ay malaki na ang kinikita ng kanyang itinayong restaurant at madadagdagan pa ang puwesto nito sa iba’t ibang lugar. Kung dati ay sa gilid ng bangketa sila nakatira ay nakapagpatayo na siya ng magandang bahay para sa kanyang mag-iina.

Tunay nga na ang kabutihan na itinanim ay babalik at babalik sa kung sinuman ang nagtanim nito. May kaakibat na magandang bunga ang pagtulong sa kapwa lalo na sa mga taong hindi naghihintay ng anumang kapalit.