Humihingi ng Tulong sa Mayamang Babaeng Ito ang Pinsan Niyang Nang-Maltrato at Namahiya sa Kanya Noon

Kinse anyos pa lang si Grace nang pumanaw ang ama niyang jeepney driver, ang nanay niya naman ay napilitang mag abroad para buhayin silang anim na magkakapatid. Nagkahiwa-hiwalay sila ng mga kuya niya sa iba’t ibang tiyahin sila nakatira. Si Grace ay napunta sa kanyang Tita Cris, nakatira sa Cavite. Maganda ang bahay ng kanyang tita at natuwa ang dalaga nang unang beses na makita ang titirahan. Pero hindi pala magiging madali ang pananatili niya roon dahil imbes na pamangkin ay naging katulong ang turing ng mga ito sa kanya.

Palagi siyang pinahihirapan, late kung pakainin at pinapahiya pa siya, harap harapang sinasabi sa mga kapitbahay na kasambahay siya ng mga ito. Kung tutuusin ay wala namang sahod ang dalaga, ang pananatili niya raw doon ay ang pinakasweldo na niya kaya dapat lang na magsilbi siya sa mga ito.

“Buti nga pinatigil ka ni Mommy dito, edi sana nasa lansangan ka ngayon kasi iniwan kayo ng nanay mo.” sabi ni Cheche, ang anak ng Tita Cris niya. Hindi naman sumagot si Grace dahil alam niyang hindi naman siya mananalo dito.

“Che! Andito na ang mga bisita mo!” buti na lang at tinawag na ito ng Tita Cris niya kung hindi ay hindi nanaman ito titigil sa pang aaway sa kanya. Hindi niya alam bakit sobrang init ng dugo ng pinsan sa kanya.

“Ay Che, sino siya?” tanong ng mga kaibigan ni Cheche nang makita ang dalagita. Nagpunta ang mga ito dahil ngayon ay 16th birthday ni Cheche.Ang swerte niya may party party pa, samantalang ang nanay hindi man lang ako sinulatan noong birthday ko,sa isip ni Grace.

Narinig niya mula sa kanyang Tita Cris na nag asawa na raw ng Arabo ang kanyang ina sa abroad at kinalimutan na sila, noong una ay ayaw niyang maniwala, pero makalipas ang ilang buwang hindi pagpaparamdam ng kanyang ina, tila nagsisimula na siyang maniwala sa mga sabi-sabi tungkol dito.

“Katulong namin,”mataray na sagot ni Cheche sa nagtanong na kaibigan.

“Ang ganda naman.Maganda pa sayo. Joke! hahaha!” sabi nito at nagtawanan ang iba pang mga bisita.

Advertisement

Nagpanting ang tenga ni Cheche dahil aminin man niya o hindi, totoo iyon. Matangos ang ilong at mestizahin si Grace samantalang siya ay kabaligtaran. Dahil napahiya ay kumuha ang babae ng baso na may juice at ibinuhos iyon sa pinsan, kailangang mapahiya rin ito!

Walang nagawa ang kawawang si Grace kung hindi ang tumakbo sa likod bahay at doon magmukmok.

Makalipas ang ilang taon.

“Ma’am Grace, may naghahanap po sa labas. Pinsan nyo raw, Cherry Ann.” sabi ng kasambahay niya.

Si Cheche?Pinapasok niya ang pinsan at namasdan ang itsura nito, luma ang suot na Tshirt, marumi ang paa.

Kabaligtaran sa mga paa nito noong palaging naka-pedicure. Nawala na rin ang taas noong Cheche na nakilala niya, ang nasa harapan niya ngayon ay isang babaeng tinalo ng tadhana, laglag ang balikat at pagod ang mukha.

“Che, kumusta ka?”tanong niya rito.

Tila nahihiya ang babae na sumagot. Pagkatapos ng lahat ng ginawa nito sa kanya ay nararapat lang na maramdaman nito iyon.

Advertisement

“Grace..ang asawa ko, kailangang dialysis. Maliit pa ang anak namin at..sana maintindihan mo, sinubukan ko nang lumapit sa iba pero..pero talagang..” hindi maituloy nito ang sasabihin, marahil ay sa sobrang hiya sa kanya.

“Pero talagang ako na lang ang malalapitan mo?” Tanong niya rito. Tumango ang babae.

Tumayo si Grace at tumalikod dito. Naisip ni Cheche na hindi pa rin talaga siya napapatawad ng pinsan, napakasama niya kasi talaga noon.Siguro nga ay ito na ang karma niya ngayon. Tumayo na rin siya sa kinauupuan at akmang lalabas na ng biglang..

“Ako na ang sasagot sa dialysis ng asawa mo.” nagsalita si Grace.

Kahit anong galit niya sa pinsan ay hindi niya magawang maging masama rito dahil kapag ginawa niya iyon, wala na rin siyang pinagkaiba rito. Hindi siya ganoong klase ng tao, mas nangibabaw ang pagpapatawad at kabutihan sa kanya.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang natutunan mong aral sa kwentong ito? Kung ikaw si Grace, pagbibigyan mo rin ba si Cheche? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.