Tanging ang Matandang Ito Lamang ang Nagmalasakit sa Baliw na Lalaki, Hanggang sa Buhay Nito ang Ginawang Kabayaran sa Lahat ng Kanyang Kabutihan

Madalas makita ng mga mamamayan ng Bacoor, Cavite ang baliw na si Nonoy. Kahit sinong makakita dito ay pinagtitripan at pinagtatawanan siya. Si Nonoy kasi ang tipo ng baliw na madalas magsalita mag-isa at nanghihingi ng barya sa mga taong dumaraan.

Ngunit dahil nga sa marumi at mabaho siya, madalas siyang iwasan at pagsalitaan ng masasama ng ibang tao. Mabuti na lamang at kahit papaano ay may mga tao pa ring may mabubuting puso. Isa na dito si Mang Damian na madalas abutan ng pagkain si Nonoy.

Dahil doon ay nakaka-ahon ang binatang baliw sa gutom at uhaw. Ngunit dahil mahirap lamang si Mang Damian, hindi niya kinakaya na pakainin araw-araw ang lalaki. Kung kaya naman gabi-gabi niya ring iniisip kung papaano ito matutulungan.

“Paano kaya ako makakagawa ng paraan upang matulungan si Nonoy?” tanong minsan ni Mang Damian habang kumakain sila ng asawa.

Napaismid si Aling Betchay, “Diyos ko, Damian kung ang pagkain nga natin ay hindi pa natin maitawid nang maayos sa pang-araw araw, iisipin mo pa ang baliw sa lansangan na hindi mo naman kaano-ano?”

Hinawakan ni Mang Damian ang kamay ng asawa, “Pasensya ka na, Betchay kung hindi ko maibigay ang lahat sayo ha? Ginagawa ko naman ang lahat kaso nga lang ay hindi talaga sapat ang buwanang pensyon ko sa mga bayarin dito sa bahay.”

Inis na tinanggal ng ginang ang pagkakahawak sa kanya ng asawa, “Kaya nga ang sinasabi ko kung dito palang ay hindi mo na kayang gampanan ang pagiging asawa mo, aba huwag ka nang magpakabayani sa ibang tao lalo na’t baliw naman ang gusto mong tulungan!”

Nang gabing iyon ay hindi pa rin makatulog si Mang Damian. Hindi pa rin mawaglit sa isipan niya ang kaawa-awang mukha ni Nonoy na alam niyang nagugutom at giniginaw na ngayon sa lakas ng hangin at ulan sa labas.

Advertisement

Kaya naman hindi na siya nakatiis at tumayo ng higaan. Dahan-dahang kumuha ng pagkain sa refrigerator at saka ibinalot iyon sa plastik.

Ngunit palabas palang siya ng kanilang tahanan nang bigla siyang may marinig na impit na sigaw. Dali-dali siyang lumabas ng bahay. At doon ay nakita niya ang duguang si Nonoy na agad rin siyang nakita. Umiling-iling ito sa kanya na tila ba may gustong ipahiwatig.

Nakita niya ang dalawang lalaking bumubugbog sa kaawa-awang lalaki. Lalapitan niya sana ang mga ito ngunit nakita niya ang matinding pag-iling ng lalaki at pagkawag ng kamay. Tila gusto nitong iparating na huwag siyang lumapit, ‘ni magpakita sa mga lalaki.

Napansin niya ring sira ang tarangkahan ng kanyang gate. Tila may nagtangkang pumasok sa kanilang tahanan. Doon ay napagtahi lahat ni Mang Damian ang pangyayari. At nabuo sa kanyang isipan ang ginawang pagligtas ni Nonoy sa kanilang mag-asawa. Agad siyang tumawag ng pulis at ambulansya.

Nahuli ang mga magnanakaw ngunit huli na rin para iligtas si Nonoy. Binawian na ito ng buhay dahil sa puso mismo ito nasaksak ng magnanakaw. Iyak nang iyak si Mang Damian sa nangyari. Hindi niya akalaing ganito kalaki ang magiging epekto niya sa baliw na binata. Na kahit kulang ito sa pag-iisip ay hindi naman ito nagkulang ng lakas ng loob nito upang tumulong sa kapwa.

Ang akala niya’y hindi nito nakikita ang kanyang pagtulong. Yun pala ay isinapuso nito ang bawat bagay na ibinigay niya dito at sobra-sobra pa ang ginawang kabayaran ng binata… ang kanyang buhay.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.