Pinaghinalaan na Hinalay at Pinaslang ng Lalaki ang Sariling Anak, Malungkot Pala ang Dahilan ng Totoong Pagkawala Nito

Bagong lipat si Enya sa boarding house na pag-aari ni Mang Gani. Sa una ay ayaw niyang tumira sa nilipatan dahil bukod sa luma na ang boarding house ay nakakatakot pa ito, ngunit wala siyang magawa dahil ito lang ang pinakamalapit sa pinapasukan niyang unibersidad. Madilim kasi ang daranaan bago makarating sa kanyang kuwarto sa pinakamataas na palagag. Mag-isa lang siyang umookupa roon at walang ibang kasama.

“Nakakakilabot naman ng lugar na ito. Bakit pa kasi dito pa ako napunta?!” inis na wika ng dalaga.

Minsan ay natatakot din siya kay Mang Gani dahil bukod sa palagi itong lasing ay masama pa kung makatingin sa kanya ang lalaki.

“Diyos ko, parang adik pa ang mamang ito! Sana mabilis nang matapos ang semestre para makauwi na ako sa amin,” bulong pa niya sa sarili.

Isang araw ay may nakita siyang batang babae na nakaupo sa pinakataas na baitang ng hagdan. Dahil nagmamadali siya ay sinaway niya ito.

“Hoy, bata tumabi ka nga riyan at bababa ako!”

Tumingin lang sa kanya ang bata at mayamaya ay hinila nito ang kanyang braso pababa ng hagdan. Nagulat si Enya sa ginawa sa kanya nito.

“Sandali, saan mo ba ako dadalhing bata ka? Male-late na ako sa klase ko!”

Advertisement

Dinala siya nito sa likod ng boarding house at itinuro nito ang lumang balon na naroon.

“Bakit mo ako dinala rito at ano ang mayroon diyan sa balon na iyan?” tanong niya sa bata.

Hindi umimik ang batang babae sa halip ay itinuro din ang naglalakad na si Mang Gani na papasok sa boarding house. May hawak na namang bote ng alak ang lalaki.

“Si Mang Gani iyon! Naku may dala na namang alak, siguradong maglalasing na naman!” inis niyang sabi.

Patuloy na itunuturo ng bata ang lumang balon na tinakpan na ng malaking bato. Ang isa namang daliri ay nakaturo kay Mang Gani. Naguluhan na si Enya sa gustong iparating sa kanya nito.

“Bakit, kilala mo ba si Mang Gani? Bakit mo siya palaging itinuturo at ang lumang balon?” takang tanong niya rito.

Hindi pa rin nagsalita ang bata. Nang bigla itong tumakbo palayo sa kanya. Pinilit niyang habulin ito ngunit bigla itong nawala sa paningin niya.

“Saan kaya nagpunta ang batang iyon?”

Advertisement

Nang sumunod na araw ay may nakilala siyang babae na nag-aayos ng mga bagahe nito sa labas ng boarding house.

“Hi, bagong lipat ka?” tanong niya sa babae.

“Ay hindi. Aalis na ako sa boarding house na iyan!” sagot nito.

“Ha, bakit naman?”

“May narinig kasi akong tsismis na masamang tao raw si Mang Gani na may-ari ng boarding house,” sumbong nito.

“Ano, paano mong nasabi?”

“Ayon sa nasagap kong tsismis, pinagsamantalahan raw at pinaslang niya ang sariling anak at itinapon ang bangkay nito sa balon na nasa likod ng boarding house ngunit hindi siya nakulong dahil walang matibay na ebidensiya,” bunyag ng babae.

Mas lalong natakot si Enya sa ibinalita ng babae.

Advertisement

“Kaya kung ako sa iyo, maghanap ka ng bago mong lilipatan at umalis ka na riyan!” anito.

Biglang naalala ng dalaga ang batang babae na nakilala niya nang nakaraang araw. Palagi nitong itinuturo si Mang Gani at ang lumang balon sa likod ng boarding house. Naisip niya na baka ito ang saksi sa ginawang kasamaan ng lalaki.

Kinahapunan ay pagod na pagod siyang umuwi galing sa klase nang mapadaan siya sa isang kuwartong nakabukas ang pinto. Nang pasukin niya iyon ay nakita niya na isa pala iyong lumang kuwarto kung saan nakalagay ang mga lumang gamit. Sa di malamang dahilan ay inusisa niya ang mga gamit na naroon. Nakita niya ang isang lumang photo album at nang buklatin niya iyon ay nagulat siya sa natuklasan. Kitang-kita niya ang mga lumang litrato ni Mang Gani kasama ang isang batang babae. Kinilabutan siya dahil ang batang nakilala niya sa boarding house at ang bata sa litrato ay iisa.

“Diyos ko, siya ang sinasabi nung babae na anak ni Mang Gani. Nagpakita sa akin ang multo ng bata!”

Naisip ni Enya na baka nagpakita ito sa kanya dahil para mabigyan ng hustisya ang ginawa rito ng ama.

Di sinasadyang pumasok si Mang Gani sa loob ng kuwarto at nakita nitong hawak niya ang photo album.

“Anong ginagawa mo rito at bakit mo pinakikialaman ang mga gamit ko?!” sigaw ng lasing na lalaki.

Sa sobrang takot ay mabilis na lumabas ng kuwarto si Enya at tumakbo pababa ng hagdan. Hindi niya namalayan na sinundan pala siya ng lalaki ngunit dahil sa epekto ng alak ay nahulog si Mang Gani sa hagdan.

Advertisement

“Ughhh…” ungol ng lalaki nang sumayad ang katawan sa lapag.

Laking gulat ni Enya nang biglang magpakita ang batang babae at agad na nilapitan ang ama. Labis ang pagtataka ng dalaga nang yakapin ng bata si Mang Gani at nagsalita.

“Itay, itay!” iyak ng bata.

“J-Joana, ikaw ba iyan anak? Patawarin mo si tatay, ha?” anito.

“Itay, wala po kayong kasalanan sa pagkawala ko. Aksidente ang nangyari, huwag niyo pong sisihin ang sarili niyo. Itigil niyo na po ang pag-inom dahil masama po iyan sa kalusugan niyo!” sabi ng bata.

“Huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat para sa iyo. Miss na miss na kita, anak. Hayaan mo at magkakasama rin tayo,” wika ni Mang Gani habang yakap ng mahigpit ang anak.

Halos hindi nakakilos si Enya sa tagpong iyon ng mag-ama. Hindi niya namalayan na dumadaloy na pala ang masaganang luha sa kanyang mga mata.

Sa pangyayaring iyon ay nabunyag na hindi pala totoong may ginawang krimen si Mang Gani sa anak. Nagpakita pala ang bata dahil gusto nitong ipaalam na inosente ang ama at aksidente ang dahilan ng pagkasawi niya. Di sinasadyang nahulog ang bata sa balon at walang sinuman ang nakaalam noon.

Advertisement

Nagulat na lang si Mang Gani nang makita ang wala nang buhay na anak sa loob ng balon. Pinagbintangan pa ang lalaki na pinagsamantalahan saka pinaslang nito ang anak ng mga tsismosang kapitbahay ngunit hindi iyon napatunayan.

Mula noon ay sinisi ng lalaki ang sarili sa pagkawala ni Joana. Ipinasara rin nito ang balon para hindi na maalala ang masamang nangyari sa anak. Itinuon nito ang sarili sa pag-inom at paglalasing para kalimutan ang sakit na nararamdaman.

Nang magpakita ang kaluluwa ng anak ay nagbago na si Mang Gani. Itinigil na nito ang pag-inom at bumalik na sa pagiging masiyahin ang lalaki dahil iyon ang ipinangako nito sa anak na si Joana.

“Pasensya na po kayo, Mang Gani kung pinag-isipan ko kayo ng masama,” sabi niya sa lalaki.

“Kalimutan na natin iyon, hija. Alam kong masaya na ang anak ko kung nasaan man siya ngayon,” wika nito.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa ang kaluluwa ni Joana sa boarding house. Nagawa na kasi nitong linisin ang pangalan ng ama at ipaalam kung ano ang tunay na nangyari.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!