Mangkukulam na Pasahero Para sa Buwayang Driver

Palaging nakapwesto sa tapat ng airport si Banjo, isa siyang taxi driver at inaabangan niya ang mga OFW na bagong uwi lang sa bansa. Iyong mga tipong matagal nagtrabaho abroad kaya wala nang ideya sa halaga ng pamasahe, o kaya naman ay wala pang napapapalitang peso para dollar ang ibabayad sa kanya.

Minsan nga kahit na malapit lang ang destinasyon ay pinapaikot-ikot niya pa para tumaas ang halaga sa metro, hindi pa kasama roon ang paghingi niya ng dagdag dahil ‘lugi’ kuno siya sa traffic.

Sinasamantala niya ang kabaitan ng kapwa para makapanlamang.

“Pare, ang hina ng kita ngayon. Bakit kaya ano? Kahit foreigner ay matumal,” sabi ng kasamahan niya sa pila ng taxi na si Gener. Isa rin itong buwayang tulad niya.

“Oo nga eh. Buti nalang kamo nauto-uto ko iyong matandang kano kanina. Inabutan pa ako ng extrang 200,” nakangising wika niya. Nang makita niyang ini-start ng kasamahan ang taxi nito ay medyo nagtaka siya, “O saan na ang punta mo niyan?”

“Iikot ikot lang. Baka may ma-pick up akong pasahero sa MIA road.”

Napaisip si Banjo, kanina pa rin siya roon ay wala pa ngang masyadong pasahero. Mabuti na sigurong mag ikot rin siya. Ini-start niya ang taxi at sumunod kay Gener.

Lumalalim na ang gabi, bawi na ang boundary niya pero hindi pa masaya ang lalaki. Kadalasan kasi ay may extrang 500 siyang naiuuwi kaka-kotong niya sa mga pasahero.

Advertisement

Nagliwanag ang mukha niya nang matanaw ang isang dalaga na pumapara. Sulyap ito nang sulyap sa relo, halatang nagmamadali. Hah! Tiyak niyang kahit na magkano ang singilin niya rito ay papayag ang babae basta makasakay lang.

“Manong maghahatid ka po ba sa Ermita? Metro lang po sana,” sabi nito.

“Oo miss kaya lang pa-boundary na ako eh. Kung dagdagan mo kaya ng 50 pesos ang metro?” wika niya.

Sandaling nag-isip ang babae, “S-Sige po.”

Tumango si Banjo kaya sumakay na ang pasahero sa likuran. Sa isip-isip ng lalaki, mamaya na siya hihingi ng dagdag pag nakuha niya na ang loob nito. Ang 50 pesos na additional ay gagawin niyang 150, bukod pa sa metro. O edi jackpot!

“Grabe miss no, ang swerte mo pala at naisakay kita. Tingnan mo naman, wala nang bumabyahe,” sabi niya at sumulyap pa sa rearview mirror.

“Medyo OT po kasi sa trabaho.” nakangiting wika ng dalaga.

Ilang sandali pa ang nakalipas ay narating na nila ang destinasyon ng babae.

Advertisement

Inabutan siya nito ng 120 pesos para sa metro, at additional na 50 pesos na hiningi niya kanina. Bale 170 pesos.

“Miss baka naman pwedeng dagdagan mo. Hindi pa kasi ako nakaka-boundary. Tsaka swerte ka nga sinakay kita.”

“Naku, diba po ang usapan natin ay dagdag 50 lang?” gulat na wika ng babae.

Napataas ang kilay ni Banjo, kailangan niyang unahan ng takot ang pasahero. Lintik na babae, akala ba nito ay magpapadaig siya?

Mataas ang boses na muli siyang nagsalita, “Sinabi nang dagdagan mo! Kung hindi dahil sa akin edi naglalakad ka ngayon, o nakatunganga ka pa rin doon at mukha kang tangang pumapara! Dagdagan mo na, parang isang daan lang!”

Matapos iyon ay ini-lock niya pa ang taxi para hindi ito makalabas.

“Manong palabasin mo po ako, masama ito.” sabi ng babae, nagpa-panic na.

“Akin na muna ang 100 miss,” sabi niya, nakangisi.

Advertisement

Sandaling tumahimik ang babae, pumikit at pagdilat ay tinitigan siya. Nagsimulang kilabutan si Banjo, kakaiba ang aura nito. Dumukot ang babae sa bag, inilabas ang wallet at kumuha ng isang daang piso habang hindi iniaalis sa kanya ang paningin.

Bago nito iabot sa kanya ang pera ay inilapit iyon ng babae sa bibig nito, bumulong pero sapat na para makaabot sa pandinig ni Banjo.

“Hoc avarum virum satiat te faciem suus karma, non novi illum vultus amo a iocus..” sabi nito sa nakakatakot na boses. Parang sumusumpa iyon.

Parang tinutusok ang kaibuturan ng pagkatao ni Banjo. Tumitirik pa ang mata ng babae.

“Kuya bayad o, isang daan mo. Enjoy,” abot ng dalaga sa kanya, ngumiti pa ito ng nakakakilabot.

Marahas na pinalis ni Banjo ang kamay ng babae at hindi niya tinanggap ang pera. Tiyak niyang may kulam iyon, baka magkabukol bukol ang katawan niya kapag kinuha niya ang isinumpang pera. Dali-dali niyang tinanggal ang lock ng pinto at itinaboy ang babae.

“Umalis kana! Alis na miss! Wag kanang magpapakita pa sa akin!” nangangatog na wika niya, napa-sign of the cross pa.

Nag-drive si Banjo na nanginginig pa, sumumpa siya sa sariling hinding hindi na mangongotong sa buong buhay niya.

Advertisement

Samantala, napahagikgik naman ang dalagang si Carey. Umepekto ang acting niya para hindi siya malamangan ng buwayang taxi driver. Wala naman talaga siyang alam sa kulam, imbe-imbento niya lang ang mga salitang ibinulong kanina.

Baka ang kilabot na naramdaman ng driver ay hindi dahil sa kunwari niyang pangkukulam, tiyak niyang dahil iyon sa nang uusig nitong konsensya.

Kinabukasan ay inireport niya ang pangongotong ng driver sa operator nito. Napagalitang mabuti si Banjo.

Sabi nga nila, matalino man ang matsing, naiisahan rin.