Hindi Sineseryoso at Palaging Niloloko ang Dalaga Dahil Hindi Siya Katangkaran, Gulat ang Lahat nang Makita ang Kaya Nitong Gawin

Bente tres anyos na ang dalagang si Katrina ngunit hindi ito halata dahil sa kanyang pagiging maliit na babae. Hindi pa umabot sa limang talampakan ang kanyang tangkad, kaya naman madalas ay maging tampulan siya ng tukso dahil dito.

Mula pagkabata, hanggang sa magkatrabaho ay palaging ginagawang katatawanan ang pagiging maliit ng dalaga. Maganda ang mukha ni Katrina. Kahit na kinulang siya sa tangkad ay binawi naman ito sa kanyang mukha, pangangatawan, at kutis. Kaya naman sa tuwing may mga katrabaho siyang naiinggit sa kanyang galing at ganda, madalas nilang tinitira ang tanging kahinaan nito upang panghinaan ng loob ang dalaga. Gayunpaman, imbis na panghinaan siya ng loob ay lalo pa siyang nagsumikap upang patunayan sa lahat na hindi sa tangkad nasusukat ang lahat.

Isang umaga, napansin ni Katrina na flat ang isa sa mga gulong ng kanyang sasakyan. Nagmamadali na siya dahil mahuhuli na siya sa kanyang trabaho kaya naman napagdesisyunan niyang sumakay na lamang ng pampublikong sasakyan. Wala namang naging problema noong sumakay siya upang makapunta, ngunit nag-iba ang lahat nang gumabi na at pauwi na siya mula sa trabaho.

Tayuan na ang bus na kanyang nasakyan. Hindi naman siya nabigla dahil alas sais na ito ng gabi at alam niyang rush hour na at dagsa na ang mga pasaherong nais makauwi ng maaga. At dahil maliit siya, madalas ay tamaan siya ng mga taong dumadaan upang sumakay o bumaba.

“Dahan-dahan naman ho! Kaunting ingat po,” paki-usap ni Katrina sa mga pasahero nang matamaan siya ng isang lalaki ng malaki nitong bag sa ulo.

“Ay! Pasensiya na! Hindi ko kasi napansin na may tao,” sagot ng lalaki.

Maya-maya pa, isang lalaki ang napukaw ang atensyon kay Katrina. Nang titigan niya ito, napabulong pa siya sa kanyang sarili.

“Ayos ah! Mukhang yayamanin itong batang ‘to. Bakit kasi pinababayaan na bumiyahe ng mag-isa. Lagot ka sa’kin,” nakangising bulong ni Mark sa sarili. Nakahanap na siya ng bibiktimahin sa gabing iyon.

Advertisement

Nilapitan ng lalaki ang inaakala niyang walang muwang na bata. Dahil siksikan sa loob ng bus, wala namang nakapansin sa masama niyang balak. Nang matapat kay Katrina ay dahan-dahan niyang ginalaw ang kanyang kamay papasok sa bag nito.

Nanlaki ang mata ni Katrina nang maramdaman ang malamig na kamay na nakapasok sa bag niya na tila may kinakapa. Nang makita ni Mark na napansin na ni Katrina ang kanyang ginagawa, binulungan niya ito.

“Huwag kang sisigaw. Subukan mong magreklamo at makakatikim ka sa’kin,” mahinang boses na bulong ni Mark kay Katrina.

Hindi na nagsalita si Katrina. Nagulat na lamang ang mga pasahero nang makitang nakahandusay na sa masikip na bus at namimilipit sa sakit ang lalaki.

“Anong nangyari sa lalaki?!” sigaw ng isang matanda.

“Tumawag po kayo ng pulis! Mandurukot ‘yang t*rantadong ‘yan,” sagot ng isa sa mga pasaherong nakakilala sa kanya.

Nang dumating ang mga pulis, agad nilang dinampot ang lalaki. Kinuhanan din ng pulisya ng pahayag ang ilan sa mga pasahero.

“Hindi ko nga ho alam. Nakita na lang ho namin na nakahandusay na siya sa sahig,” ‘ika ng isa.

Advertisement

“Bali ho kasi ang isang kamay ng mandurukot,” paliwanag ng pulisya na naghahanap ng taong gumawa noon sa lalaki.

“Yang batang ‘yan! ‘Yan ang gumawa nito sa’kin!” sigaw ni Mark nang magka-malay na ito. Wala pala siyang kamalay-malay na alam na ng lahat na isa siyang mandurukot at nais pang ipa-reklamo si Katrina sa kanyang ginawa.

“Ah.. eh… ako nga po. Sinubukan niyang dukutan ang bag ko. Hindi na ako nakapag-timpi at naibalibag ko na lamang siya,” paliwanag ng nahihiya pang si Katrina.

Isang black belter pala ng Taekwondo ang dalaga. Dahil sa pagmamaliit sa kanya noong siya ay bata pa, naisipan niyang mag-aral ng Taekwondo upang maipagtanggol ang sarili mula sa masasamang damo.

Labis namang namangha ang mga kapwa niya pasahero sa ginawa ng dalaga. Hindi nila inaasahang kayang gawin iyon ng isang maliit at mukhang inosenteng dalaga. Bukod sa kanila, isang reporter pa ang napadaan at agad kinuhanan ng panayam ni Katrina tungkol sa nangyari.

Dahil doon, nag-trending pa si Katrina sa balita at maging sa social media. Dahil sa kanya, nag-iba ang tingin ng mga tao sa mga maliliit na babae. Binansagan pa siyang “small but terrible” ng ilan sa mga tao. Magmula noon ay imbis na maging tampulan ng tukso ay naging idolo pa siya ng ilan sa mga batang kababaihan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!