Ikinahiya ng Binatilyo ang Amang Putol ang Isang Paa, Napaiyak Siya nang Malamang May Kinalaman Siya sa Kapansanan Nito

“Nak makikiabot nga ng screw,” masuyong sabi ni Mang Norman sa binatilyong si Jordan.

Napapakamot sa ulo namang tumalima ang binata at padabog na sumunod sa ama. Ngayon na nga lang ang bakasyon niya sa eskwela, imbes na makapagpahinga ay uutusan pa siya nang uutusan nito.

Mayroon silang maliit na electric repair shop sa tapat ng kanilang bahay. Hindi sila mayaman pero hindi rin naman mahirap, sapat lang ang kinikita ng kanyang ama bilang electrician para makakain sila ng tatlong beses sa isang araw at mabayaran ang mga kailangan niya sa school. Nasa 3rd year high school na siya.

“Kailan ba ang kuhanan ninyo ng card nak?” tanong ni Mang Norman habang nagbubutingting ng sirang electric fan na ipinapagawa ng kapitbahay nila.

“Matagal pa po, ako nalang ang kukuha.” sabi niya.

“Sigurado ka? Baka hindi ibigay ng teacher mo, hindi ba dapat magulang ang kumukuha noon?” sabi nito na hinubad ang salamin at tumingin sa kanya.

Umilap naman ang mata ni Jordan, “Hindi ‘tay. Ayos lang raw sabi ni ma’am kahit kami- kami nalang ang kumuha.”

Ang totoo kasi, ikinakahiya niya ang kanyang ama. Hindi dahil marumi ang ayos nito kung hindi dahil, pilay kasi ito.

Advertisement

Putol ang isang paa at may saklay kung maglakad. Tiyak niyang kapag pumunta ito sa eskwela ay katakut-takot na pang-aasar ang aabutin niya.

“O bakit nakatitig ka sa mahiwaga kong invicible binti? Ba, noong may binti ako matindi ang powers nyan. Ang kisig ko noon nak, maraming nasisilaw na chicks sa akin. Lalo iyong gelpren kong si Girlie, napakaselosa noon! Habulin ako eh, alam mo naman, fireman,” sabi nito at kumindat pa.

Hay, eto na naman. Balik na naman sa paulit-ulit nitong kwento. Narinig niya na iyon eh. Dati itong bumbero at kaya naputol ang paa ay dahil nagpaka-bayani sa sunog. Kaya ito, bumagsak sa pagiging electrician. Nakakatuwa ba ang kwentong iyon? Parang hindi naman nakaka-proud, katangahan kasi eh.Ang pumayag kang maputulan ng paa para lang magligtas ng iba, engot diba?

Kung hindi nga ito nagpakita ng mga picture ay iisipin niyang nag-iimbento lang ito.

Kinahapunan ay napalabas ng kwarto si Jordan nang marinig ang tiya Dely niya, kapatid ng kanyang ama na sumigaw.

“Diyos ko po!” sabi ng ginang. Paglabas niya ay nakita niya si Mang Norman na nakahandusay sa tapat ng kanilang bahay, yakap ito ng tiya Dely niya at naroon rin ang isang may edad na babaeng di niya namumukhaan.

“Walanghiya ka, matapos ninyong itakwil ang bata at di intindihin, babalik balik kayo ngayon!” bulyaw pa ng tiya Dely niya sa babaeng kaharap. Magtatanong pa sana si Jordan pero kailangan nang dalhin sa ospital ang kanyang ama.

Nang madala na roon ang matanda ay saglit siyang hinila ng di niya kilalang babae. Lumabas sila ng kwarto.

Advertisement

“Jordan. Ako ang lola Bebeth mo. Ako ang nanay ng tunay mong ina, sumama ka na sa akin. Hindi mo kaano-ano ang pilay na iyan, sa akin kana. Mas maganda ang buhay na maibibigay ko sayo,” nagmamadaling sabi nito. Bago pa man siya makasagot ay lumabas rin ng kwarto ang kanyang tiya Dely.

“T-Tiyang, siya raw ang lola ko..” naguguluhang sabi niya rito. Tumango si tiya Dely.

“P-Pero may isa pa ho siyang sinabi, hindi ko raw kaano-ano si tatay..t-totoo rin po ba iyon?” naiiyak na sabi niya.

Tumango muli ang babae, gulong gulo siya sa mga nangyayari. Di niya alam kung ano na ang totoo sa kanyang buhay.

Doon nagsalita ang kanyang tiya Dely,”Bumbero ang tatay mo, alam mo naman diba? M-Magpapakasal na sana sila ng girlfriend niya, si Girlie isang Linggo bago ang sunog. Isa siya sa mga rumesponde nang masunog ang apartment na tinitirhan ninyo ng nanay mo.

H-Hindi mo siya kaano-ano, pero nang marinig niyang umiiyak ang isang sanggol sa loob ay di siya nagdalawang isip na pumasok. Naabutan niya ang iyong ina na wala nang hininga, sinuong niya ang apoy para makuha ka. D-dahil doon, naputol ang kanang paa niya.

Sinubukan naming ibalik ka sa mga lola mo pero ayaw ka nilang tanggapin. I-Iniwan ni Girlie ang tatay mo dahil inutil na raw ito. Ikaw nalang ang mayroon si Norman. Itinuring ka niyang anak.Labis ka niyang mahal Jordan, kaya nahimatay siya nang bumalik ang lola mo at nagsabing kukunin kana..” tuloy tuloy ang daloy ng luhang sabi nito.

Napahawak sa dibdib niya si Jordan.

Advertisement

Siya pala ang dahilan kung bakit putol ang paa ng kanyang ama. Kahit na hindi siya kadugo ng lalaki ay iniligtas nito ang buhay niya, pinalaki pa siya at pinag-aral!

Dali-dali siyang pumasok at hinawakan ang kamay ng amang nagkamalay na.

“A-Alam mo na siguro na hindi ako ang tatay mo, kung gusto mo nang sumama sa kanila ay wala naman akong karapatang-“

“Kayo ang bayani ko, mahal na mahal ko po kayo at salamat sa lahat..tatay. Hayaan nyong ako naman ang mag-alaga sa inyo ngayon.”

Mula noon ay hindi na ikinahiya pa ni Jordan ang ama. Buong pagmamalaki niyang ikinuwento sa lahat ang kabayanihan nito. Bagamat hindi na siya nagtanim pa ng galit sa kanyang tunay na lola ay hiniling niyang hayaan nalang siya ng mga itong tumira kay Mang Norman, tutal ay may pag iisip na naman siya upang pumili.

Nag-aral siyang mabuti at napagawaan ng malaking bahay ang ama. Napalago rin nila ang repair shop at ngayon ay may mga tauhan na si Mang Norman, di na ito kailangang magtrabaho pa.