Magdalena Kung Ako’y Tawagin

Sa labis na takot ni Myrna sa kaniyang amain ay nakapagdesisyon siyang umalis sa baryo nila at magpakalayo-layo. Pinagnanasahan siya nito at ilang beses na niyang nahuli ang kanyang amain na binobosohan siya. Hindi lang iyon. Ilang beses na rin niyang nagisnan ang lalaki na nakaupo sa kaniyang kama. Dahil tulog siya ay hindi niya alam kung ano ang ginawa nito habang natutulog siya.

Ilang beses na niyang sinumbong ang lalaki sa kaniyang ina ngunit hindi ito naniniwala sa kaniya. Masyado lang daw siyang nakikinig kay Tulfo kaya nagiging mapagduda na siya.

Hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan ng kaniyang pag-alis sa baryo nila basta ang mahalaga lamang ay makaalis siya sa poder nito upang hindi siya mapahamak.

“Saan ka pupunta, ineng?” tanong ng isang ale. “Sa Manila po,” sagot niya. “Ikaw lang ba mag-isa? Anong gagawin mo doon?” “Maghahanap po sana ng trabaho,” aniya. “Tamang-tama may alam akong trabaho. Kung gusto mo ay sumama ka sa’kin.”

Mabilis naman siyang nagtiwala sa ale kaya sumama siya rito. Hindi niya akalaing inihatid lang pala siya ng ale sa mas lalong madilim na mundo. Ipinasok siya nito sa isang bar. Ibinenta siya nito sa hindi niya malamang halaga. Ang t*ng* niya upang magtiwala sa taong hindi niya lubos na kilala.

Noong una ay sinubukan niyang umalis ngunit lagi siyang bigo dahil maraming lalaking may malalaki ang katawan na nakaharang sa may pintuan kaya wala siyang magawa kundi tanggapin ang kapalarang nakalaan sa kanya.

Lumipas ang tatlong taon at nasanay na rin si Myrna sa buhay kung nasaan siya ngayon. Sumasayaw siya ng walang damit na suot sa gitna ng entabladong may malikot na ilaw. Isa siya sa mga babaeng tulog sa umaga at gising sa gabi. Babaeng binabayaran ng ilang oras ang katawan. Babaeng wala ng maipagmamalaking dangal.

Magdalena kung tawagin ng karamihan.

Advertisement

Tinanggap na niya ang kaniyang kapalaran at alam niyang wala ng makakalinis sa kalat ng kaniyang pagkatao.

Habang abala siya sa pagsasayaw upang pagpugayan ang mga mata nang lalaking uhaw sa laman ay biglang may tumawag ng kanyang pangalan.

“Myrna?” wika ng lalaking hindi niya maaninag masyado ang mukha dahil sa dilim ng paligid at sa kakapiranggot na ilaw. “Myrna, ikaw nga. Alam mo bang ang tagal kitang hinanap noon. Dito lang pala kita matatagpuan.”

“Eric, anong ginagawa mo rito?” bigla siyang tinubuan ng hiya nung makita niya ang matalik na kaibigang si Eric. “Nagkatuwaan kami ng mga kaibigan kong pumunta sa ganitong lugar dahil sweldo. Ikaw, bakit ka napadpad sa ganitong lugar?” “Mahabang kwento.” “Pero gusto ko pa ring marinig Myrna. Nalungkot ako noong bigla kang nawala sa baryo natin kaya sana naman pagbigyan mo na ako kung nais kong malaman ang dahilan mo.” Tinitigan niya ang mukha ni Eric at nakaramdam siya ng habag sa sarili.

Hinintay ng lalaking magsara ang bar at sumama siya rito para mas makapag-usap sila ng masinsinan. Ikinuwento niya rito ang lahat-lahat, walang labis walang kulang dahilan upang makaramdam ito ng habag sa kaniya.

“Magkano ka ba nila nabili?” mayamaya ay tanong ni Eric. “Hindi ko alam,” kibit-balikat niya. “Bibilhin kita sa kanila, Myrna, para makalaya ka na sa ganyang klaseng trabaho.”

“Huwag na. Kahit bawiin mo pa ako sa kanila hindi ko na maibabalik ang panahong malinis pa ako. Wala ng makakalinis sa kalat ko, Eric. Sanay na rin naman ako sa ganitong buhay at tanggap ko nang hanggang ganito na lang talaga ang kaya ko. Maduming-madumi na ako. Kahit walisin ko pa sarili ko, maligo ng Zonrox hinding-hindi ko na maiaalis ang katotohanang nakatabon sa pagkatao ko kaya huwag ka na lang mag-aksaya ng pera.”

Iyon na ang naging huling pag-uusap nila ni Eric. Kahit sa sarili niya’y hindi niya alam kung paano lilisanin ang madilim na lugar na kinasasadlakan niya ngayon, patuloy ang buhay! Ito na talaga ang kaniyang buhay.

Advertisement

“Hoy! Myrna, bukas pala pwede ka nang hindi pumasok,” kausap sa kaniya ni Banjo. “Ano?” “May nagbayad na sa’yo. Iyong kaibigang sinamahan mo noong nakaraang linggo. Binayaran ka na niya. Pati ang tubo ay bayad na kaya pwede ka nang hindi pumasok simula bukas.”

Hindi nagpakita sa kanya si Eric. Bitbit ang mga gamit ay pinuntahan niya ang isinulat nitong address na ibinigay nito sa kanya noong nagkausap sila.

“Eric, ‘di ba sinabi ko naman sa’yo na huwag ka nang mag-aksaya pa ng pera. Bakit binayaran mo pa ako?” naiinis niyang bungad sa lalaki. “Kasi gusto kitang makalaya sa impyernong lugar na iyon, Myrna. Naawa ako sa’yo dahil nasira ang buhay mo dahil lamang sa limang libo. Ibinenta ka lang ng babae sa halagang limang libo, limang libo na halos tatlong taon mong pinagserbisyuhan. Kung nahanap lang kita ng maaga sana noon pa man ay nakuha na kita.”

Naiyak siya sa nalaman. Nagpauto siya sa babae at kasalanan niya iyon dahil ang t*ng* niya. Umalis siya sa baryo nila para takasan ang peligrong pwedeng mangyari sa kanya. Hindi niya akalain na sa impiyernong lugar pala siya babagsak.

“Sabi mo wala nang walis na makakalinis sa kalat ng pagkatao mo, Myrna, pero para sa’kin hindi ko kailangang walisin ang kalat mo. Maraming paraan para malinis ang kalat at balak ko iyong simulan sa pagkuha sa’yo sa madilim na lugar na iyon. Handa akong tanggapin ang madumi mong pagkatao, Myrna, dahil mahal kita. Hindi mo kailangang maligo ng Zonrox o kahit muriatic araw-araw. Mahalin mo lang ako at kalimutan ang iyong nakaraan ay sapat na sapat na.”

Mas lalo siyang naiyak sa sinabi ni Eric. Ang buong akala niya ay wala nang lalaking tatanggap at magmamahal sa kaniya dahil sa klase ng trabaho niya pero pinatunayan ni Eric na mali ang lahat ng inisip niya.

Niyakap niya ng mahigpit ang lalaki at siniil ng halik. Nung maghiwalay sila ay tsaka siya nagsalita.

“Sa buong katawan ko, ang labi ko na lang ang kaya kong ipagmalaki sa’yo, Eric. Maraming, maraming salamat sa pagtanggap sa’kin. Salamat at sinagip mo ako sa lugar na iyon. Kulang ang pasasalamat ko sa lahat ng ginawa mo. Mahal na mahal kita,” humihikbi niyang wika.

Advertisement

“Mahal din kita, Myrna, magbagong buhay ka na at magsimula tayong muli,” siniil siya ng halik ni Eric.

Makalipas ang dalawang buwan ay umuwi silang dalawa sa baryo nila at hindi matigil ang kanyang ina sa pagyakap sa kanya at lubos na nagpapasalamat kay Eric dahil ibinalik siya ng lalaki sa kanila. P*tay na rin ang kaniyang amain.

Isang buwan mula ng bumalik sila ay nabuntis si Myrna sa panganay nila at nagpakasal silang dalawa ni Eric.

Hindi na sumagi sa isip ni Myrna na pwede pang magbago ang buhay niya ngunit dumating si Eric upang iligtas at kunin siya sa putik na kanyang kinasadlakan.