Chicks Naming Kapitbahay

Unang taon palang sa kolehiyo si Bryle, nasa probinsya ang kanyang mga magulang at siya ay sa Maynila nag-aaral. Kaya naman para makatipid sa pamasahe ay napagkasunduan nila na kukuha nalang siya ng apartment. Tamang-tama dahil may mga ka-eskwela siyang naghahanap rin ng mauupahan, hati-hati nalang sila sa renta.

“Oho nay, okay naman ho. Maganda naman ang lugar. Dalawang kwarto ho ang nakuha namin. Mag iingat ho ako. Opo, yes Nay. Sige po, love you!” kausap ng binata ang ina sa telepono na sunud-sunod ang bilin.

Nang matapos ang tawag ay noon niya lang napansin na naghahagikgikan na ang mga kasama niya sa apartment, sina Jigs, Kiefer at Edge.

“Yes Nay, yes po. Nay, dedede po ako,” pang-aasar ni Jigs na ginaya pa ang boses niya. Umiling nalang ang binata, hindi niya naman ikinakahiya na malapit siya sa magulang dahil tingin niya ay wala namang masama roon.

Sanay na siya sa pang-aasar ng mga ka-eskwela, hindi na lamang siya kumikibo dahil syempre ay kailangan niya rin ng kahati sa upa. Hindi sila ganoon ka-close dahil di niya masyadong gusto ang ginagawa ng mga ito tulad ng sobrang pag-iinom at cutting classes, pero hindi rin naman sila magkakaaway. Tamang pakisama lang.

“Brylle, pakopya naman sa subject ni Sir Rodil. T*ngina kasi nakatulog ako nung nagdi-discuss siya, kakaantok eh.” tatawa-tawang sabi ni Kiefer.

Napapailing na inilabas niya ang homework, ganoon rin ang ginawa ng dalawa pa niyang kasama. Tatlong taon na sa 1st year college ang tatlo pero dahil nga bulakbol ay hindi makausad-usad. Habang nagsusulat ay nagkwento pa si Edge.

“Pare may nakita akong chikababy dyan sa kabila, sh*t mukhang mayaman kamo tsaka ang kinis niya sobra,” nakangising sabi nito.

Advertisement

“Saan?” kunot ang noo namang tanong ni Jigs.

“Dyan sa kanang pinto. Parang mag-isa lang siya eh, nag-Hi nga ako pero ngumiti lang naman.” kwento pa nito.

Na-curious ang magkakaibigan, ayon kay Edge ay tuwing alas otso ng gabi niya lamang nakikita ang dalaga. Kaya susukot-sukot silang naghintay sa gilid ng pinto ng kanilang apartment, kunwari ay nakatambay pero tinatanaw ang magandang babae.

Maging si Bryle ay napukaw rin ang atensyon, ewan niya ba. Wala pa naman sa isip niya ang pagno-nobya, gusto niya lang makita ang babaeng tinutukoy ng kasama.

Ilang sandali pa ay lumabas na nga ito sa apartment, aba, totoo nga. Ubod nga ng ganda! Eh halos magningning na ito sa sobrang puti ng kutis.

“H-Hi,” lakas loob na sabi ni Jigs pero tulad ng ginawa nito kay Edge ay ngumiti lang ang babae.

Ilang gabing ganoon ang senaryo, kunwari ay tatambay ang tatlo pero ang totoo ay nagpapa-cute lang naman. Hanggang may isang sandali na nag-uwi si Edge ng alak.

Nag-inuman ang magkakaibigan, si Bryle naman ay naki-shot lang dahil masasabihan na naman siya ng ‘KJ’.

Advertisement

“Alam mo, nagsasawa na ako sa pacute-cute eh,” iiling iling na sabi ni Kiefer.

“Ako rin pare. Hindi naman tayo pinapansin ng chicks dyan sa kabila. Nagpapakipot pa, papatikim rin naman,” komento ni Edge.

“Edi pwersahin natin. Tatlo naman tayo ah? Tara na. Ano naman ang laban nyan. Hoy ikaw, pre atin atin lang to ha?” tingin sa kanya ni Jigs.

Hindi nakakibo si Bryle, parang sumobra na yata ang plano ng mga ito. Tumayo siya at inabala ang sarili sa pagre-review. Ilang sandali pa ay umalis na ang tatlo, narinig niyang kumakatok na ang mga ito sa kabilang unit.

Pilit niyang nilabanan ang kagustuhang makialam, kailangan niya kasi talaga ng kahati sa renta. Kawawa naman ang magulang niya kung gagastos ng malaki.

Makalipas ang ilang minuto ay naririnig niyang nagsisigaw na ang babae.

“Huwag! Parang awa ninyo na! Huwag!” iyak nito.

Tinakpan ni Bryle ang dalawa niyang tenga.

Advertisement

“Huwag, tulong!”

Namumula ang binata at halos pumutok ang ugat sa braso sa sobrang diin niya sa kanyang mga pandinig. Pero hindi rin niya natiis, siguro naman ay di siya pababayaan ng Diyos. Tumayo siya at pinuntahan ang mga kaibigan.

“T*ngina pare wag ganyan! Masama yan!” sigaw niya sa labas ng unit.

Nakarinig siya ng ilang kalabog sa loob. Pinilit niyang buksan ang pinto pero naka-lock iyon kaya binalya niya na. Ilang pagbangga at pagtadyak, bumigay rin ang harang.

Sinalubong siya ng malakas na hangin, napakagulo sa loob ng kwarto at may mga agiw pa. Nakita niyang nakahiga ang tatlong kaibigan, si Kiefer ay tulala.

“Sorry Rose, sorry Rose sorry Rose..” paulit-ulit na bulong nito sa kawalan.

Si Jigs naman ay duguan habang walang malay si Edge.

“R-Rose?” tawag ni Bryle pero nag-echo lang ang boses niya at walang babaeng lumabas.

Advertisement

Mabilis siyang tumawag ng ambulansya at pulis, nadala rin sa ospital ang tatlo.

Makalipas ang dalawang araw

Naka-empake na ang mga gamit ni Bryle, buti nalang ay nakahanap rin siya agad ng malilipatan. Nasa ospital pa rin ang tatlo, malala ang kalagayan nina Edge at Jigs, si Kiefer naman ay dinala na sa doktor sa utak dahil parang nabaliw ito.

Hinihintay niya na lamang ngayon ang landlord nilang matanda upang ibigay ang huling bayad niya. Nakatanaw pa siya sa pinto ng kabilang apartment, paano kaya nangyari na nawala ang babae? Nakatakas ba ito? Pero hindi ba at naka-lock ang pinto? Bukod doon, sobrang lakas naman yata nito para magawa iyon sa kanyang mga kasama. Ano pa man, hiling niyang ligtas ito at hindi napasama.

Napapitlag siya nang magsalita si Mang Rene, “Pwede ka pa namang manatili kung wala ka pang malilipatan. Mabait ka naman eh,”

Nakangiti siyang umiling, “Salamat po pero meron na naman po. Tsaka ang dami na rin kasing nangyari.” pag-amin niya.

Malungkot itong bumuntong hininga nang sundan ang tinitingnan niyang pinto ng kabilang apartment, “May mga nabiktima na naman siya.” bulong nito.

Kumunot ang noo ni Bryle,”H-Ho?”

Advertisement

“Bago lang itong apartment ko noon nang mangupahan sa akin si Rose. Isa siyang kolehiyala, taong 1987. Kaya lang pinagsamantalahan siya at walang awang winakasan ang buhay, hanggang ngayon ay di kilala ang salarin. Para makaganti ay lahat ng lalaking kapitbahay, inaakit niya at ipinapahamak.

Wala siyang inililigtas. Kahit iyong mga hindi naman kasali sa paggawa ng kasamaan sa kanya,” kwento nito.

Kaya pala abandonado ang apartment! Ibig sabihin ay wala nang nakatira rito, multo na lamang ang kanilang nakikita!

Nangangatog pa si Bryle na nagtanong, “K-Kung lahat po, bakit po hindi niya ako..hindi niya ako sinaktan?”

“Ganyang ganyan rin ang nangyari. Apat na magkakaibigan, hindi sumali ang isa sa krimen. Basta hindi lang nakialam at nagkulong sa kwarto. Ayon pa nga sa imbestigasyon, sa labas raw natagpuan ang katawan ng dalaga. Ibig sabihin ay nagtangka pa siyang humingi ng tulong pero nagbingi-bingihan ang tao sa loob. Kung naging matapang lang ang lalaking iyon ay buhay pa sana si Rose ngayon.

Naiisip ko hijo, baka kaya hindi ka niya sinaktan ay dahil sa kauna-unahang pagkakataon.. may naglakas loob na pagbuksan siya ng pinto at tulungan.”

Nakaalis na si Mang Rene ay tulala pa rin si Bryle sa mga rebelasyon. Nag-alay siya ng taimtim na panalangin para sa kaluluwa ni Rose at bago siya tuluyang makaalis ay tila may narinig siyang bumulong.

“Salamat..”