Ipinahiwatig ng Matanda ang Pananabik Niya sa Sumakabilang Buhay na Asawa, Isang Surpresa ang Ginawa ng Apo Niya Para sa Kanya

Malapit lang ang bahay ng lolo at lola ni Kenneth sa bahay nila, kung kaya halos dito na siya lumaki. Palagi siyang nasa bahay ng dalawang matanda lalo pa nang pumanaw ang kanyang lolo noong isang taon, nais niyang samahan ang kanyang lola na alam niyang malulungkot kapag naiwang mag isa.

Isang hapon, masayang nagkukwentuhan ang dalawa sa balkonahe sa ibaba ng bahay ng matanda. Nagluto ang lola ni Kenneth ng maruya at masaya nilang pinagsasaluhan ang meryenda.

“Lola, totoo po bang tinarayan ninyo noon si Lolo noong una kayong nagkita? Iyon ang kwento niya sa akin dati eh,” nakangiting tanong ni Kenneth.

Umirap ang matanda, bagamat nakangiti rin naman. “Ang lolo mo talaga, puro kalokohan. Mabait naman ako sa kanya noon, siguro ay medyo umiiwas lang dahil kaga-graduate ko pa lang ng high school. Kukurutin ako sa singit ng inang kung magno-nobyo ako agad, importanteng makatapos ako ng kolehiyo dahil ako ang inaasahan nilang magpaaral sa mga Lola Chit mo, mga kapatid ko,” kwento nito.

“Ano po ang first impression ninyo kay Lolo?” interesadong tanong ni Kenneth, nawiwili siya sa mga ganitong kwentuhan. Bukod doon ay alam niyang napapasaya niya ang kanyang lola kapag may kausap ito, tila nangangarap ang matanda habang nagkukwento ng nakaraan.

“Hmm, noong una akala ko ay mayabang. Sumobra kasi ang daldal ng lolo mo, iyon pala ay nagpapasikat lang sa akin dahil natitipuhan ako. Yan ang sabi niya ha, pero nang magtagal, masarap palang kausap. Syempre gwapo at simpatiko, naisip ko nga, sayang eh,” sabi nito na naiiling-iling pa.

“Sayang po? Hindi naman siguro, masaya na naman siya sa kinalalagyan niya ngayon, nasa langit na po siya,” sabi niya na hinawakan pa ang kamay ng matanda.

“Loko kang bata ka. Hindi iyon.. sayang dahil magkokolehiyo ko na siya nakilala. O di sana’y naiparada ko sya sa eskwela noong JS Prom namin ng high school, hindi tuloy ako nakadalo dahil wala namang nag-anyaya sa akin noon na maging partner ko,” sabi nito.

Advertisement

“Ay talaga po? May JS Prom na pala noon?” tanong ulit ni Kenneth, akala niya kasi ay ngayon na lang nauso ang mga ganoong party.

“Oo naman! Pero di ako nakadalo dahil wala akong konsorte, kung napaaga lang ang pagkakilala namin ng lolo mo edi siya sana ang escort ko.” sabi nito.

“Ang cute naman po, kami nga rin may JS Prom matagal pa naman, 6 months pa,” sabi ni Kenneth.

“Aba, paghandaan mo iyan apo. Isang beses lang nangyayari iyan sa buhay ng kabataan, habangbuhay mong maaalala ang memories niyan. Tutulungan kitang mag ipon para naman di ka mapahiya sa babaeng nais mong anyayahan,” sabi ng lola ni Kenneth at kumindat pa.

Natawa na lang ang binatilyo, syempre ayaw niya naman ng ganoon. Hindi siya hihingi ng pera sa kanyang lola, nais niyang siya lang ang mag-iipon para naman mas matuwa ang ka-date niya, mas pogi points.

Mabilis lumipas ang mga buwan at kinabukasan na ang JS Prom ni Kenneth. Sapat na ang naipon ng binatilyo upang makabili ng magandang polo at pantalon, bago ang sapatos niya. Bumili pa siya ng isang bungkos ng bulaklak at chocolate, mayroon rin siyang dalang paper bag.

“Ma, alis na ako.” sabi ng binatilyo, syempre may pang taxi rin siya para hindi naman nakakahiya sa babaeng ide-date niya.

Samantala, ang lola niya ay nakangiting nag-dial sa telepono. Tatawag siya sa bahay nina Kenneth at kukumustahin ang apo. Ang alam niya kasi, alas siyete ang simula ng prom nito at 6:45 na ng gabi, kinse minutos na lang. Siya ang excited para sa binatilyo!

Advertisement

Nagri-ring pa lang sa kabilang linya nang marinig niyang bumukas ang pinto ng bahay, nagulat siya nang iluwa noon ang apo, gwapong-gwapo sa suot na polo.

“O, aba’y tatawag pa lang ako sa mommy mo para kumustahin ka. Bakit nandito ka pa? Mahuhuli ka sa prom mo!” sabi niya rito, ang batang to talaga!

“Wala pa yung ka-date ko lola,” nakangiting sabi ng binatilyo.

“Sunduin mo sa kanila, ano ka ba naman! Ganoon ang maginoo, hindi maari iyang doon na kayo magkikita, doon pa lang ay bagsak ka na.” napapakamot sa ulo ang matanda.

“Hindi pa po siya bihis eh,” sagot nito sa kanya.

“Ay ano ba naman kayong mga kabataan kayo lagi kayong nahuhuli kumilos-” hindi natapos ng matanda ang kanyang sasabihin nang iabot sa kanya ng apo ang paperbag. Nagtatakang tumingin siya rito, tapos ay binuklat ang nasa loob noon.

Isang magandang bestida, tila ba sinukat sa kanya.

“Lahat po ng babae dapat makaranas ng prom, kahit pa 18 o 80 years old. At ikaw lola, ang pinakamagandang babaeng ide-date ko,”

Advertisement

Napangiti ang matanda, at siya pala ang pinag-iipunan ni Kenneth. Habang sakay sa taxi ay sumandal ito sa balikat niya, pinahid niya naman ang butil ng luha na pumatak sa kanyang mga mata.

Napakaswerte niya sa apo.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.