Tinalikuran ng Ama na Ito ang Boksing nang Minsang Dayain Siya ng Kalaban, Laking Panlulumo Niya nang Sumunod sa Yapak Niya ang Anak na Babae

Si Mang Ben ay isang sawing boksingero noong kanyang kabataan. Nasa rurok na sana siya ng tagumpay nang madaya siya ng isang mayamang kalaban, at kapwa rin boksingero.

Patuntong na sana siya ng National Division noon nang mabalian ang kanyang likod dahil sa sadyang paniniko ng kalaban. Akala niya’y katapusan na niya noon sa sobrang sakit na nadama sa bandang likuran niya.

Ngunit hindi lang doon natapos lahat ng kanyang pagdurusa. Mas lalo siyang nasaktan nang malaman niya ang katotohanang binayaran pala ang referree kaya hindi nito tinawagan ng technical decision ang laban.

Dahil doon ay tuluyan nang kinalimutan ni Mang Ben ang mundo ng boxing. Lalo na ang mundong hindi pantay ang trato sa tao. Ang mundong pera ang nangingibabaw.

Umuwi siya ng probinsya at binuhay ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka. Ngunit habang lumalaki ang kanyang panganay na anak na si Venus, ay nakikita niyang bumabalik na naman siya sa mundong tinalikuran niya noon.

“Saan ka galing, Venus?” tanong niya sa anak na dalaga.

“Sa…sa labas lang po ‘tay. Nagpractice po ng volleyball,” halatang nagsisinungaling ito.

Tinignan niya ang kamay ng anak, “Volleyball? Pero kamao ang namamaga sayo? Kamao na pala ang pantama sa bola?”

Advertisement

Yumuko ito, “Sorry po, Tay.”

Doon palang ay nakumpirma na niya ang katotohanan. Agad na nagdilim ang kanyang paningin at binato ang basong hawak sa pader ng bahay.

“Bakit ikaw pa?!” galit na galit niyang sigaw sa anak. “Bakit ikaw pa na anak kong babae ang gustong sumunod sa yapak ko?”

Hindi umiiyak ang kanyang anak. Wala rin siyang takot na nakikita dito. Alam niyang matapang ito. At iyon ang minana nito sa kanya. Kaya nga gusto rin nitong pasukin ang mundo ng boxing tulad niya. Pero hindi niya papayagan iyon. Tama nang ang buhay niya ang nasira dahil doon.

“Tay, gusto ko pong maging boksingera.”

Tila siya aatakihin sa sinabi ng panganay na anak. Gusto niyang saktan ang sarili sa nangyayari. Kasalanan niya ito. Kasalanan niya kung bakit nahiligan ng anak ang sports na ito.

“Pasensya ka na anak. Alam kong kasalanan ko. Pero bakit…” umiiyak na siya, “Bakit kailangang maging katulad pa kita? Huwag mong gayahin ang buhay ko. Isa akong malaking bigo sa buhay.”

Umiling ang anak, “Hindi Tay. Hindi ka po ganoon para sa akin.”

Advertisement

Hinawakan nito ang kamay ng ama at dinala sa maliit na kwarto niya. Kinuha niya ang baul kung saan nakatago ang lahat ng sikreto niya.

Gulat na gulat si Mang Ben sa nakita. Naroon lahat ang mga dyaryo kung saan siya naka-feature noong sikat pa siyang boksingero. Naroon rin lahat ng mga championship belt niya na pinagtatapon niya na noon.

“Pinulot ko po, Tay. Ayoko pong mawala sa memorya niyo na isa kayong magaling na boksingero,” paliwanag ng anak dito. “Gusto ko rin pong gawing inspirasyon ‘yan upang sundan ang pangarap niyong naudlot noon. At pangako Tay, sa tulong ng suporta’t pagmamahal niyo nila nanay at ng mga kapatid ko, magtatagumpay ako at hindi kailanman madadapa sa larangang ito.”

Hilam sa luha ang mga mata ni Mang Ben. Niyakap niya nang mahigpit ang anak. At doo’y pinakawalan na niya ang mapapait na pangyayari ng nakaraan. Handa na rin siyang yakapin ang kinabukasang sasalubong para sa pangarap ng anak.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.