Panay ang Reklamo ng Dalaga sa Tuwing Magbibigay ng Pera sa Kanyang Pamilya, Natauhan Siya Nang Marinig ang Saloobin ng Kuya Niya

Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas mula nang nagtapos ng pag-aaral si Sherly. Hindi na siya nagpahinga at nagsimula na rin agad sa pagtatrabaho, katwiran niya’y baka tamarin na siya kapag nagpahinga pa.

Walang reklamo ang kanyang inang si Catherine noong hindi man lang nagbigay ni piso ang anak nang unang beses itong sumweldo. Ngunit nang mga sumunod na buwan ay nanghingi na rin ang tulong ang ginang sa kanyang anak sa pagbabayad ng mga bayarin sa kanilang bahay.

“Anak? Baka pwedeng makahingi sa’yo kahit dalawang libo lamang? Pangdagdag lang sana sa pambayad ng kuryente,” mahinahong sabi ni Catherine.

“Dalawang libo? Ano ba ‘yan! E paano ako makakaipon kung palagi kayong manghihingi sa akin?” bulyaw ng dalaga.

“Kaunting tulong lang naman, anak,” malungkot na sagot ng ina.

Bukod kasi sa mga bayarin sa bahay, lumaki ang gastusin ng kanilang pamilya nang masangkot sa isang aksidente ang kuya ni Sherly na si Niño. Malaki ang kinikita nito noon bilang isang seaman, ngunit lahat ay naglaho nang ‘di inaasahang maputulan siya ng paa dahil sa pagpalya ng isang makinarya sa barko.

“Oo na! Heto oh, isang libo. Ayan na lang ang extra ko,” matigas na sagot ng dalaga.

Imbis na magalit ay pinigilan na lamang ni Catherine ang kanyang bibig sa takot na kung anong masasakit na salita ang lumabas dito. Sinubukan na lamang niyang intindihin ang bunsong anak.

Advertisement

Lumipas ang mga araw, at buwan-buwan nang nanghihingi si Catherine sa kanyang bunsong anak.

“Sherly, nabalitaan kong tumaas ang sweldo mo. Ilang buwan ka pa lamang ngunit na-promote ka agad,” nakangiting sabi ni Catherine sa anak.

“Nako, ma. Hindi porket lumaki ang sahod ko ay lalakihan niyo na rin ang hingi ah? Maawa naman kayo sa’kin. Paano ako makakaipon?”

Natahimik na lamang ang ginang. Gusto lamang naman niyang i-congratulate ang anak, ngunit ganito na agad ang naisip nito.

Isang gabi, habang nasa labas at gumigimik si Sherly kasama ang mga kaibigan ay naglabas ito ng sama ng loob.

“Alam niyo? Kung hindi ako palaging hinihingan sa bahay, baka mayaman na ako e! T*ngina, hindi ko naman sila responsibilidad!” reklamo ni Sherly.

“Bakit? Magkano ba ang hinihingi sa’yo? Nako, sana naman ay nagtitira sila ng panggastos mo,” sagot nito.

“Mahalaga pa ba iyon? E, basta! Imbis na idagdag ko sa ipon ko e napupunta lang sa kanila.”

Advertisement

Nasanay na ang kanyang mga kaibigan dahil sa tuwing sila ay magkakasama ay ganoon na ang reklamo ng dalaga.

“Kawawa rin iyang si Sherly, e ‘no? Siguro ang laki-laki ng hinihingi sa kanya lagi ng mama niya,” kwento ng isa niyang kaibigan sa isa pa nang sila ay lumabas nang wala si Sherly.

“Kaya nga e. Siguro e halos dalawang libo na lang ang natitira sa kanya kada sweldo,” sagot nito.

Kinagabihan, umuwi si Sherly sa kanilang bahay nang may ngiti sa kanyang mga labi. 13th month pay bonus kasi nila, at halos mahigit sa tatlumpung libong piso ang natanggap niya. Ngunit lahat ng saya niya ay napalitan ng inis nang siya ay lapitan ng kanyang ina.

“Sherly, ang kuya mo, nagpa-check-up kanina. May pag-asa pa raw siyang makalakad kung mabibigyan siya ng prosthetics. Nasa isang daang libo raw ang magagastos kung tayo ay magpapagawa, ngunit sabi ng doktor ay kasama na ang therapy doon. Kaya manghihingi sana ako sa’yo ng malaki-laking tulong,” nakayukong sabi ng kanyang mama.

“Ano ba ‘yan? Nalaman niyo na namang nagka-bonus ako, ano? Ayos ah! Talagang wala na akong karapatang gastusan ang sarili ko eh, ‘no?” sagot ng walang utang na loob na dalaga.

Magmamakaawa pa sana si Catherine, nang biglang lumabas sa kwarto ang naka-wheelchair na kuya ni Sherly. Nakakunot ang noo nito, at may luha sa mga mata.

“Bakit mo tinataasan ng boses si mama? Alam mo, Sherly, namumuro ka na. Kung makapagreklamo ka ay akala mo naman e napakalaki palagi ng regular na hinihingi sa’yo,” wika ni Niño.

Advertisement

“Sasali ka pa? Baldado ka na nga, at alam mong wala kang naitutulong sa mga gastusin sa bahay. Kaya pwede ba? Huwag ka nang mangialam!” bwelta ni Sherly.

“Sherly! Tama na! Bastos kang bata ka! Ganyan ba kita pinalaki?!” sigaw ni Catherine na hindi na makapagtimpi sa kabastusan ng anak. Hindi rin nito napigilan ang sariling patikimin ng lumalagutok na sampal ang dalaga, nang matauhan ito sa kanyang mga pinaggagagawa.

Nanlaki ang mga mata ni Sherly nang masampal siya ng ina. Kailanma’y hindi pa niya natitikman ang palad ng nanay niya, kaya naman agad tumulo ang mga luha niya. Ngunit matapang pa rin itong sumagot.

“Ano? Magkakampihan kayo?! Kung wala kayo, masagana na ang buhay ko! Mga linta!” palabang sigaw ni Sherly.

“E paano pa ang kuya mo?! Ang kapal ng mukha mo! Hindi pa nag-asawa ang kuya mo noong kalakasan ng kita niya sa barko, dahil gusto niya ay mapagtapos ka muna ng pag-aaral. Limang taon, Sherly, limang taon!” hagulgol ni Catherine habang dinuduro ang anak.

“Napakalaki ng sakripisyo niya para sa iyo. Hindi niya responsibilidad na pag-aralin at tustusan ka, pero ginawa niya dahil mahal na mahal ka niya! Ngayong nakapagtapos ka ng pag-aaral, ganyan ang igaganti mo?” dagdag pa nito.

Sa ilang taong pagbabarko ni Niño ay wala siyang naipundar kundi ang edukasyon ng kanyang kapatid, at ang bagong tayo nilang bahat at lupa. Kahit hindi inuusig ng kanyang ina ay kusang nakatatak na sa puso ng binata ang pagtulong sa kanyang pamilya. Para sa kanya’y pagtanaw ito ng utang na loob sa paggapang ng kanyang ina upang mapag-aral siya. Kaya naman ibinalik niya ang pabor nang pag-aralin niya si Sherly.

Hindi naman lubos maisip ni Niño na magiging gahaman sa pera ang kapatid.

Advertisement

Nang makita ni Sherly ang ina at kanyang kuya na umaagos ang luha, at matapos marinig ang mga litanya ng kanyang ina ay tila natauhan ang dalaga.

“Mama! Kuya! Patawarin niyo ako. Patawad!” hagulgol nito habang nakaluhod sa harap ng kanyang pamilya.

“Hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote ko. Malaki ang utang na loob ko sa’yo, kuya. Patawarin mo ako dahil nabulag ako sa perang aking kinikita,” patuloy nito.

Lumapit ang ina niya sa kanya sabay akay sa kanya.

“Tumayo ka na riyan, anak. Tahan na.”

Nagyakapan ang tatlo habang humihingi ng kapatawaran si Sherly. Magmula noon ay naging bukal na sa puso ng dalaga ng pagbibigay sa kanyang pamilya. Hindi na kailangan pang manghingi ng mga ito, dahil madalas ay kusang siya pa ang nagbibigay.

Hindi nagtagal at napa-operahan na rin ang kanyang kuya. Lumipas ang ilang taon at nakabalik na si Niño pagbabarko, at ngayon ay isa nang chef sa sikat na cruise ship. Naging inspirasyon din si Niño sa mga taong nakaalam ng storya niya.

Naging masaya ang buhay ng mag-anak. Lahat sila ay may natutunang mahalaga sa kanilang buhay sa kabila ng mga pagsubok na kanilang pinagdaanan, na lalong nagpatibay sa kanilang pagmamahalan.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!