Hindi Pa Nakakatapos sa Pag-aaral ay Ninais na ng Dalaga na Mangibang Bansa Upang Masuportahan ang Inang Baldado, Ngunit Isang Pangyayari ang Naging Dahilan Upang Di Siya Tumuloy

Si Belle ay isang ulirang anak. Siya ang mag-isang tumataguyod sa kanyang baldadong ina at dalawang nakababatang kapatid. Bata pa siya nang iwan sila ng ama at madisgrasya naman ang ina na naging sanhi ng tuluyan nitong pagkakabaldado.

Dahil doon ay halos lahat na ‘ata ng trabaho ay pinasukan niya. Pinagsasabay niya rin ang pag-aaral sa pagtatrabaho.

Sa kabila ng hirap sa ilang part-time jobs ni Belle ay hindi naging dahilan iyon upang pabayaan niya ang kanyang pag-aaral. Pilit pa rin siyang pumapasok araw-araw sa eskwela at pagkauwi naman sa bahay ay ginagampanan niya ang responsibilidad sa pamilya.

“Nay, kain na po,” tawag niya sa ina matapos niyang maghain ng pagkain. “Bagong-sahod po ako ‘nay. Masarap po itong binili kong ulam.”

Madalas ay napapaluha nalang bigla ang kanyang ina sa tuwing makikita siyang nahihirapan pagkagaling sa trabaho.

“Anak, pasensya ka na kung walang-silbi ang nanay mo ha? Ako ang ina dito, dapat ako ang bumubuhay sa inyo. Pero sa halip ay pasanin niyo pa ako.”

Hinawakan niya nang marahan ang kamay ng ina, “Nay, diba po ilang beses ko nang sinasabi sa inyo na masaya ako sa ginagawa ko? Kaya huwag ka pong mag-alala, kasi gusto ko rin naman po ang ginagawa ko para sa inyo at sa mga kapatid ko.”

Sa gitna ng pagkain ay hindi malaman ni Belle kung paano sisimulan ang gustong sabihin sa ina. Natatakot siyang ipaalam dito ang balak niya.

Advertisement

“Nay, makikituloy daw po muna si Tita Anjie dito sa isang linggo.”

Kumunot ang noon ng ina, “Hindi niya ‘ata nabanggit sa akin iyon nang magkausap kami sa telepono?”

Nauumid ang kanyang dila, “Kasi po ‘nay…”

Tinignan siya ng ina nang diretso sa mga mata, “May problema ba, anak?”

“Gusto ko po sanang tanggapin ang alok ni Tita Anjie na trabaho sa Saudi bilang katulong.”

Napabitaw sa kutsara ang ina, “Ano bang iniisip mo, Belle?”

“Kasi po ‘nay mababa rin naman po ang grado ko sa eskwelahan at sa tingin ko po ay hindi na ako dapat magkolehiyo pa. Kaya gusto ko nalang po sanang magtrabaho sa abroad para mas malaki ang kita. Sabi naman po sa akin ni Tita Anjie, siya na daw po ang bahalang tumingin sa inyo–”

Napatigil siya nang biglang nagdabog ang kanyang ina, “Belle, anong gusto mong mangyari sa buhay mo? Maging wala ring silbi, tulad ko?”

Advertisement

Hinawakan niya ang kamay nito, “Hindi po sa ganun ‘nay pero…”

“Kung mahina ang utak mo, hindi dahilan iyon para tumigil ka sa pag-aaral. Huwag mong sayangin ang kinabukasan mo, Belle.”

Tinalikuran sila ng ina gamit ang wheelchair nito. Nagtungo ito sa kwarto nang may pagdaramdam sa kanya. Doon ay napag-isip-isip ni Belle ang mga bagay-bagay. Sasabihin niya na sa ina ang katotohanan.

Pumasok siya sa kwarto nito dala ang kanyang class card at iniabot iyon sa ina, “Nay, sorry po kung nagsinungaling ako sa inyo.”

Tinignan ng ina ang mga grado niya sa eskwela at ganoon nalang ang pagkabigla nito nang makitang matataas lahat ng grado niya. Napahagulgol nalang ito sa iyak, “Pasensya ka na anak, kung walang silbi ang nanay mo. Dahil tuloy sa akin, naiisip mo ang mga ganitong bagay.”

Niyakap niya ang ina, “Sorry din ‘nay. Pangako po, tatapusin ko muna ang pag-aaral ko bago mangarap ng mas magandang trabaho.”

Sa buhay ng tao, madalas na naisasaalang-alang natin ang ating pag-aaral para makaraos ng gutom. Ngunit lingid sa kaalaman natin na sa pamamagitan ng edukasyon, mas malaki ang tsansa na makabangon tayo mula sa kahirapan.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.