Ang Liham ni Leah sa Diyos

Dear Papa God, sana po, magkaroon po ako ng malaking cake sa birthday ko. Salamat po!

Matapos isulat sa isang maliit at malinis na papel ang kanyang munting dasal sa Diyos, kinuha ni Leah ang alagang kalapati ng kanyang Itay—si Puti, at itinali sa isang paa nito ang binilot na papel. Pagkaraan, umakyat siya sa kanilang bubungan, dahan-dahan, sapagkat lumalagutok na ang kanilang atip, at inihagis paitaas ang kalapati. Ikinampay ni Puti ang mga bagwis, hanggang sa pumalaot ito sa dako pa roon. Mamaya, babalik at uuwi rito, at wala na ang kanyang binilot na papel.

Turo sa kanya ng kanyang Itay ang ganoong gawain. Likas na madasalin ang kanyang Itay at Inay. Parehong relihiyoso. Musmos pa lamang si Leah, tinuruan na siyang magdasal ng kanyang mga magulang. Mas nauna pa siyang umusal ng panalangin kaysa magbasa. Lagi niyang nakikita ang kanyang Itay at Inay na lumuluhod sa paanan ng Birhen ng Antipolo tuwing alas sais ng gabi, habang hawak ang rosaryo.

Isang simpleng karpintero lamang ang kanyang Itay, at ang Inay naman niya ay simpleng maybahay. Dalawa silang magkapatid: ang Kuya Jonas niya ay nasa Grade 8 na habang siya naman, si Leah, ay nasa Kinder pa lamang. Sila ay mahirap lamang. Tuwing gabi, lagi niyang naririnig ang pabulong na pagtatalo ng kanyang Itay at Inay. Kapos na kapos daw ang kanilang pera. Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng kapos, kaya kinabukasan, tinanong niya ang kanyang Inay kung ano ang kahulugan ng kapos. Kulang pala ang ibig sabihin nito.

Kabilin-bilinan sa kanya ng Itay na huwag palilipasin ang buong araw o magdamag na hindi nagdarasal.

“Mahalaga ang pagdarasal, anak. Pagpapalain ng Diyos ang lahat ng tumatawag sa Kanya,” laging paalala ng kanyang Itay kay Leah.

“Nasaan po ba ang Diyos, Itay? Karpintero din po ba siya? Mahirap din po ba o mayaman? Kapos din po ba?” inosenteng tanong ni Leah.

“Hindi, anak. Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Siya din ang pinakamayaman. Hindi siya kapos. Labis, siksik, at umaapaw nga ang pagmamahal Niya sa atin,” paliwanag ng kanyang Itay.

Advertisement

“Basta anak, lagi kang magdarasal. Libre lang iyon. Libre ang pakikipag-usap sa Kanya. Hindi natin kailangan ng cellphone o load. At para mas maipaabot natin sa Diyos ang dasal mo, lagi mo itong isusulat sa papel. Ibilot at itali mo sap aa ni Puti. Si Puti ang magdadala nito sa Diyos.”

Mula noon, lagi na niyang ginagawa ang pagsulat ng munting dasal sa papel, pagbilot dito at pagtali sa paa ni Puti. Paliliparin niya si Puti, mawawala ito ng ilang oras, at sa pag-uwi, wala na ang papel. Kaya naman inggit na inggit siya sa kanilang kalapati sa pag-aakalang nakakaharap nito ang Diyos. Gusto niya sanang sumama rito, subalit hindi naman siya marunong lumipad.

Matagal na panahon na ring ginagawa ito ni Leah, subalit halos lahat ng kanyang mga hiling ay hindi pa natutupad. Halimbawa, humiling siya na magkaroon ng Barbie dolls, bagong bestida at sapatos, o makapunta sa Disneyland sa loob lamang ng isang araw, subalit lahat ng ito ay hindi pa rin ipinagkakaloob ng Diyos sa kanya.

Naisip niya, baka hindi naman ito nakakarating sa Diyos. Baka sa ibang tao dinadala ni Puti. Sabi ng kanyang Itay, huwag siyang mawawalan ng pag-asa. Baka abala lang daw ang Diyos sa pagtupad sa kahilingan ng iba pang taong may mabigat na suliranin sa buhay.

Isang araw, masamang balita ang bumungad kina Leah. Naaksidente sa trabaho ang kanyang Itay. Nahulog daw ito mula sa ikalawang palapag at kritikal ang kondisyon ngayon. Kinakailangan daw itong maoperahan sa madaling panahon. Takot na takot si Leah. Iyak nang iyak ang kanyang Inay dahil wala silang sapat na pera para sa operasyon at gamot.

Umiiyak na kinuha ni Leah ang kanyang lapis at papel. Susulat siya sa Diyos.

Dear Papa God, huwag N’yo na pong ibigay sa akin ang malaking cake para sa birthday ko, ang Barbie dolls, ang bagong mga damit at shoes, at lahat ng hiling ko. Pagalingin N’yo lang po si Itay. Kawawa naman po siya. Sana po tulungan N’yo po kami sa pampaopera niya. Magpadala po sana kayo ng pera. Salamat po.

Kinuha niya si Puti at itinali rito ang binilot na papel. Pinakawalan niya ang kalapati. Umaasam siyang diringgin ng Diyos ang kanyang panalangin.

Advertisement

Kinabukasan, nagulat na lamang sila nang operahan ng mga manggagamot ang kanyang Itay. Bayad na raw ito, at naglaan din ng salapi ang taong iyon para sa mga allowance sa gamot. Ayaw magpakilala ng naturang tao. Himalang gumaling naman ang kanyang Itay. Hindi ito masyadong napuruhan nang mahulog mula sa ikalawang palapag sapagkat bumagsak pala ito sa buhanginan.

Naiuwi na nila ang kanyang Itay matapos ang dalawang linggo sa ospital. Tamang-tama dahil birthday niya na ng araw na iyon. Laking-gulat niya nang may biglang dumating na delivery man sa kanila, bitbit ang kanyang hinihiling na Barbie dolls, bagong bestida at sapatos, at maging malaking cake na matagal na niyang inaasam! Kalakip ng lahat ng ito ay isang liham. Binasa ito nang malakas ng kanyang Inay.

Dear Leah,

Nagagalak ako dahil isa kang mabuting bata! Napansin ko ang mga liham mong itinatali sa alaga mong puting kalapati dahil madalas itong napapadapo sa tapat ng bintana ng aking mansyon. Kinukuha ko ang papel na nakabilot at binabasa. Pinasundan ko sa isa sa aking mga tauhan kung saan umuuwi ang kalapati kaya nakilala kita. Ako rin ang taong nagpagamot sa iyong ama. Habang binabasa mo ang liham na ito, sana’y masaya ka sa munting regalo ko sa iyo. Ipagpatuloy mo lamang ang pagdarasal sa Diyos. Pagpapalain ka pa Niya!

Hindi nagpakilala ang naturang Mabuting Samaritano, subalit labis-labis itong pinasalamatan ni Leah at ng kanyang Inay. Isinulat nila ang pasasalamat sa papel at itinali kay Puti upang ipaabot nito ang kanilang munting mensahe ng pasasalamat. Napagtanto ni Leah na totoong may Diyos—ginagawa Niyang kasangkapan ang ibang mga tao upang ipadama at iparating ang Kanyang walang hanggang biyaya sa mga taong nananalig sa Kaniya.