Kakaiba ang Sikreto ng Lalaking Galing sa Hirap na Isa nang Milyonaryo Ngayon

“Siya si boss, ang pogi no?” bulungan ng mga babaeng empleyado ng dumating si Arthur Marinais. Ang may-ari ng isang sikat na patahian ng mga barong at magagarang damit ng mayayaman dito sa Pinas.

Siya ay 27 taong gulang, nakapagtapos ng Business Administration Major in Marketing Management sa isang sikat at pampublikong paaralan dito sa bansa. Sa edad niyang iyon ay may sarili na siyang kumpanya at marami na rin ang naiinggit at naninira sa kanya.

“Boss Arthur ano po ba ang sikreto niyo at dumating kayo sa ganitong estado sa buhay?” tanong ni John, isa sa mga empleyado niya.

“Naku, sipag at tyaga tsaka pagtitiwala lang sa Panginoon ang tanging lihim ko,” sabay tawa niya. “At saka sandamakmak na utang pala,” dagdag ng binata sabay taas ng kanilang mga baso.

Mahirap lamang sila Arthur at sa tuwing sinasabi niya iyon ay walang naniniwala sa kaniya. Pogi at kutis mayaman kasi ng binata. Ang nanay niya ay isang kasambahay sa Australia na naanakan ng kano ngunit hindi pinanagutan at siya ang naging bunga. Iniwan si Arthur sa kanyang lola Nita na siyang nagpalaki sa kanya.

Nagpapadala lang ng pera ang nanay niya noon para mabuhay sila ng lola niya.

“Anak, pasensya kana at lumaki kang wala ako sa tabi mo. Sobrang hirap ng buhay natin at hindi ako makahinto. Si nanay ay kailangan lagi ng gamot, ikaw naman ay papasok na sa kolehiyo.” wika ng ina ni Arthur sa telepono.

“Ma, hindi mo kailangan magpaliwanag. Naiintindihan kopo. At pag nakapagtapos ako ng kolehiyo ay hihinto na po kayo sa pagtratrabaho,” sagot ng binata sa kanyang ina.

Advertisement

Naging masipag si Arthur sa buhay. Ipinagsasabay niya ang pag-aaral at pagtratrabaho. Namamasukan siya bilang isang modelo. Maganda ang pangangatawan ng binata at kaya naman ginamit niya ito para pagkakitaan.

Ngunit noong pumasok na siya sa kolehiyo ay naging matumal ang kuha sa kanya sa pagmomodelo kaya lalo siyang nagigipit lalo na pag bayaran na ng matrikula at may polisiya sa kanilang eskwelahan na hindi maaring kumuha ng pagsusulit kapag hindi pa nakakapagbayad ng matrikula.

“Ma’am Wendy, sige napo payagan niyo na ako mag promissory note, exam napo namin mamaya,” nakikiusap na pahayag ng binata kay Wendy, ang kahera sa eskwelahan nila.

“Naku naman Arthur, di mo pa nga nababayaran yung una mong balanse o. Hindi talaga pwede,” sagot ng babae sa kaniya.

“Ma’am Wendy, pangako ko mamaya pagnatapos yung exam ko e babayaran ko kaagad ang unang balanse. Pero ngayon sige napo, payagan niyo na ako,” saad ng binata sa kanya.

“Jusmiyo kang bata ka. Siya, siya ito. Pag ito hindi mo na bayaran hindi irerecord yung magiging grade mo,” baling ni Wendy at binigyan na ito ng papel para sulatan.

Nabuhay si Arthur sa ganoong scenario, umuutang ito kahit kanino dahil hindi siya nanghihingi sa kaniyang ina. Bagkus kung magpapadala man ito ay inilalagay niya sa bangko na siyang nakasugal sa stock market.

“Pare, maganda ba talaga yang stock market? Baka naman malugi ka. Kita mo halos nasa 50,000 na iyang ipon mo e baka mapunta sa wala. E kung ginagamit mo nalang yan pambayad sa mga utang mo,” usisa ng kaibigan niyang si Armando habang nag-aaral sila sa darating na pagsusulit.

Advertisement

“Pare, sugal to. Naaawa na kasi ako sa nanay ko. Kahit pa makapagtapos ako at maging modelo, hindi naman agad kami yayaman at makukuha ko siya kaagad. Kung trabaho lang rin dito sa pinas ang aasahan ko e sa dami ng kompetisyon at sa baba ng bigayan ngayon ng sweldo, ang hirap ng buhay baka isang kahig isang tuka parin kami. Tsaka pilit kong tinatabi yan para sa nanay ko dahil alam kong hindi iyon nagtira para sa sarili niya,” sagot ng binata.

“E ano bang plano mo diyan?” tanong ulit ni Armando. “Pag nakapagtapos na tayo, tsaka ko ito ilalaban. Tapos bibili ako ng kumpanya at yun ang patatakbuhin ko,” saad ng binata.

“Sige pare, balitaan mo nalang ako pag mayaman kana.” tumatawang sagot ni Armando.

At nakapagtapos na nga sila ng kolehiyo.Hindi nakauwi ang kanyang ina dahil sa tuwing pasko ang uwi nito sa kanila. Gayon pa man ay itinuloy lang ni Arthur ang kanyang binubuong pangarap.

Itinuloy ni Arthur ang pagmomodelo niya ng mga barong at damit, nagbebenta rin siya ng mga bahay at lupa. At umiihip ang isang malaking swerte sa kanya. Nakabenta siya ng isang bahay at lupa na ang naging kimisyon niya ay halos mag iisang milyon. Nalulunod sa kaligayahan si Arthur noon.

“Arthur ito na. Ito na ang oras mo, dininig na ng Diyos ang dasal mo!” bulong ng lalaki sa sarili.

Sa mga pagkakataong iyon ay pinuntahan niya ang tindahan ng mga barong na kanyang pinagmomodelohan dahil magbabayad siya roon ng utang at gusto narin niyang kamustahin ang may-ari.

“Uy Arthur ikaw pala yan. Pasensya kana ha kung di na kita natatawagan. Palugi na kasi itong aking negosyo. Ang dami kasing nagsusulputan ngayon na bago at mga artista pa ang kanilang modelo,” wika ni Mang Xandor. Ang may-ari ng tindahan na isang chinese.

Advertisement

“Nasa magkano po ba ang kailangan para buhayin ang negosyo?” tanong ng binata.

“Mga nasa kalahating milyon rin Arthur bakit mo natanong?” saad ng matanda.

“E kung makipagsosyo po ako sa inyo? Sagot ko na po ang kalahating milyon at tutulungan ko rin kayong buhayin muli ito.” Diretsong pahayag ng binata.

Pumayag ang matanda sa alok ni Arthur. Isinugal niya ang kalahating milyon na pwede na sanang makapagpauwi sa kanyang ina. Pero dahil alam niyang mauubos ang pera hindi niya muna ito ipinaalam sa ina.

Hangang sa tinutukan niya ang patahian. Naghanap siya ng mga makabagong desenyo, isinuot ito at minodelo. Nagpuyat, kuma-usap ng ibat-ibang tao, nagdasal, pinagtawanan at umiyak.

Hanggang sa dumating ang araw na naibagon niya ang patahian. Bumalik si Mang Xandor sa China at ginawa siyang may-ari ng tindahan sa kasunduang babayaran niya ang matanda ng kalahating milyon rin para sa buong kumpanya.

“Kung nasaan man ako ngayon at kung ano man ang narating ko, iyon ay dahil sa mga taong nagpautang at nagtiwala sakin,” wika ni Arthur sa mga empleyado niya.

Naiuwi na rin niya ang kanyang ina at siyang tumutulong sa kanya sa pagpapatakbo ng negosyo ngayon. Ang pera niya sa bangko ay iniregalo niya sa kanyang ina at nanataling 50,000 ang nasa stock market. Masaya ngayon si Arthur sa narating at malaki ang pasasalamat nita sa lahat nang nagpa utang sa kanya noon. At kung dati ay promissory note, ngayon naman ay tseke na ang sinusulatan niya para magbigay ng pera.