Para Maangkin ng Misis ang Yaman ng Seaman Niyang Mister, Binalak Niyang Tapusin ang Buhay Nito; Tumalbog ang Plano Niya Dahil Anak Niya Mismo ang Kanyang Nakalaban

Matagal nang seaman si Eddie, kada-tatlong taon ay umuuwi siya sa Pilipinas upang magbakasyon kasama ang mag ina niya. Ang misis niya ay isang plain housewife, hindi na nito kailangan pang magtrabaho dahil ang laki laki na ng nabili niyang bahay para rito, mayroon silang dalawang kotse at ilang mga negosyo. Ang tanging ginagawa na lamang nito ay magbantay sa kanilang nag iisang anak na si Marky. May diperensya ang bata nang ipanganak niya, autistic ito at late ang pag iisip. Sa edad nitong walong taon ay para itong apat na taong gulang lamang kung makipag usap.

Lingid naman sa kaalaman ni Eddie, ang misis niya ay may relasyon sa kanyang nakababatang kapatid, si John. Humaling na humaling dito ang babae at sa lalaki na halos ipinapahawak ang mga ipinapadala niyang pera buwan-buwan.

“Uuwi ang kuya mo sa Biyernes, siguro sa Linggo pwede na nating gawin ang sinasabi mo. Sasabihan ko ang mga katulong na magday off at kunwari may family swimming tayo,hindi naman magiging problema si Marky. Wala namang alam ang abnormal na batang iyan, manang mana sa ama niya. Hindi ko nga alam kung bakit minalas ako at ganyan ang naging anak ko. Basta sure mo lang na walang sabit ha baby?” sabi ng misis ni Eddie na si Margarett.

“Oo, may mga nakausap na akong tao. Basta iwan mong hindi naka-lock yung gate. May mga bonete naman sila kaya di sila makikilala sa CCTV. Tapos, gagalusan namin kayo ni Marky para kunwari ay sinaktan rin kayo at hindi ka mapagbintangan. Kunwari, nanlaban si Kuya at sya ang binaril namin, tapos tumakbo na kami. Iyan ang sasabihin mong statement sa mga pulis pag nagkataon,” pag uusap ng magkalaguyo. Magkatabi sila ngayon sa kama.

Ang saya saya ni John, bata pa lamang kasi siya ay malaki na ang inggit niya sa kanyang kuya. Palagi kasi itong MAS kaysa sa kanya. Mas gwapo, mas magaling, mas mabait. Ito ang nagpaaral sa kanya sa kolehiyo, pero imbes na matuwa ay ito pa ang iginanti niya, inagaw niya ang misis nito. At ngayon ay nagpaplano pa silang paslangin na ito upang tuluyan nang ma-solo ni Margarett ang yaman nito, syempre ay malaki ang hati niya roon. Sapat na ang naipon ng mag-asawa, ito na ang matagal niyang pinakahihintay.

Mabilis lumipas ang mga araw at dumating na si Eddie sa Pilipinas, masaya ang lalaki dahil dalawang buwan ang kanyang magiging bakasyon, matagal tagal niyang makakasama ang kanyang mag-ina. Lahat ay may pasalubong, pati mga katulong. Inabutan niya pa ng sampung libo ang kanyang kapatid na si John, natutuwa siya dahil yumakap pa ito sa kanya. Nakasanayan niya kasing medyo malamig ang pakitungo ng kapatid.

“Kuya, welcome back.” nakangising sabi nito.

“Honey, naisip ko lang since matagal kang nawala bakit kaya hindi tayo mag-swimming sa Sunday? Tutal matagal na ring hindi nakapag day off ang mga katulong. Tayong pamilya lang, si Marky, si John..isama natin ang mga pinsan mo kung gusto mo. Doon nalang magkita kita sa resort.” mungkahi ni Margarett, nagkatinginan pa sila ni John.

Advertisement

“Sige! Good idea hon,” pag sang-ayon naman ni Eddie, walang ka ide-ideya na iyon na ang mitsa ng kanyang buhay.

Pagsapit ng Linggo ay maagang nagising si Margarett upang asikasuhin ang kanilang mga gamit, nasa salas ang mag ama at naglalaro ng baril-barilan.

“Ah! Talo mo si daddy! Baril pa! Ah. galing mo baby!” sabi ni Eddie sa anak, bidang bida naman si Marky na lalo pang niratrat ang laruang baril.

“Dyan ka nalang sa salas honey, ako na ang bahala sa gamit. Relax ka nalang dyan. Marky, go to your room muna at pabayaan mong mag-iglip si Daddy mo habang nag-aayos ako ng pang swimming mo, go.” utos niya sa anak, tumalima naman ang bata. Maya-maya ay iti-next niya na si John na maaari nang pumasok ang mga ito.

Ganoon nga ang ginawa ng lalaki, kasama ang apat pa nitong kasama na lahat nakatakip ang mukha ay dire-diretso silang pumasok sa bahay ng pamilya. May mga dala silang baril. Tinangkang manlaban ni Eddie pero nahawakan agad siya ng dalawa, sinuntok ng isa ang braso ng misis niya pero sa halip na sumigaw ay nagulat pa siya nang tumayo ang babae na nakangisi.

“Sorry hon,” sabi nito.

Maya-maya pa ay inakbayan ito ng nakatakip na mukhang lalaki, tinanggal ni Margarett ang takip noon at nagulat pa si Eddie nang makita ang kanyang kapatid!

“John, ano ito?!” sigaw niya rito. Bilang pagsagot ay hinalikan nito ang kanyang misis na buong puso namang tumugon. Halos magwala si Eddie sa pagkakakapit ng dalawang kawatan.

Advertisement

“Mamamatay ka na rin lang today, dalhin mo na sa hukay ang sikreto naming dalawa. Matagal na kaming may relasyon, mas magaling kasi siya,” sabi ng kanyang misis.

“Wag kang mag-alala kuya, ako na ang bahala sa mag-ina mo, at sa yaman mo!” sabi ni John, tumawa pa ito na sinundan rin ng tawa ng mga kasama nito.

“Mga hayop kayo!” sigaw ni Eddie pero dahil exclusive subdivision iyon at bibihira ang nakakabili ng bahay at wala pa siyang mga kapitbahay na malapit sa kanya, magkakalayo ang kinatitirikan ng kabahayan doon. Wala tuloy nakakarinig sa kanya.

“Alam ko, matagal ko nang gustong gawin ito Kuya. Masyado ka kasing nagmamarunong sa lahat eh,” sabi ng binata. Ibinaba pa nito ang hawak na baril sa isang mesa para lang hawakan ng mahigpit ang dalawang pisngi niya. Tapos noon ay sinuntok siya nito.

Maya-maya pa ay sinenyasan nito ang isang kasama na tapusin na ang buhay niya pero bago pa man nito magawa iyon ay nagulat silang lahat na naroon si Marky sa ibaba ng hagdan, napasilip pala ito sa kwarto nang marinig na sumisigaw ang kanyang ama. Hawak-hawak nito ang baril na ibinaba ni John kanina.

“Marky! Ibaba mo yan! Peste kang bata ka!” sabi ni Margarett pero di ito iniintindi ni Marky.

“Yehey! Panalo Marky, baril baril,” sabi nito at pinaputok ng sunud sunod ang baril sa kanyang ina at sa tito John niya, “Talo mommy! Baril baril.” sabi nito at tuluy-tuloy sa pagpapaputok ng baril kung saan saan, nakakuha ng tyempo si Eddie kaya nakawala siya sa pagkakahawak ng dalawang kawatan na noon ay natataranta na. May mga tama rin ang mga ito, si Eddie ay tinamaan ng kanyang anak sa binti. Mabuti na lamang at ubos na ang bala ng hawak nitong baril.

Hindi alam ni Eddie kung paano sila nakaligtas roon basta ang susunod na niyang natatandaan ay may mga dumating na pulis upang escortan sila ni Marky papunta sa ospital. Nakulong ang tatlong kawatan habang ang isa naman, kasama ni John at Margarett ay masama ang naging tama dahilan upang ikamatay ng mga ito.

Advertisement

“Daddy, galing ba Marky?” inosenteng tanong ng anak habang nakasakay sila sa ambulansya.

“Galing galing, salamat anak.” bulong ni Eddie rito.

Ngayon ay silang dalawa na lamang, malaki ang pasasalamat niya sa Diyos at hindi natuloy ang maitim na plano ng kanyang kapatid at misis dahil kung sakali ay baka abandonahin rin ng mga ito ang kanyang kawawang anak. Nangako siya sa sarili na hinding hindi niya pababayaan at susukuan si Marky, ang kanyang munting tagapagligtas.