Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Model na Magnanakaw - Inday Trending

Model na Magnanakaw

Si Alliyah ay isang mahiyaing dalaga na may angking talento sa pagdidisenyo ng mga damit. Nagmamay-ari siya ng isang maliit na boutique sa Quezon City. Dahil ayaw niyang humarap sa mga kostumers, ang fashionista niyang kaibigang si Cassy ang kumakausap sa kaniyang mga kliyente tuwing may magpapadisenyo sa kaniya ng damit.

Ang kaibigan din ang namamahala sa pagpapatakbo ng boutique habang siya ay nakatutok sa pagdidisenyo at pananahi ng mga damit.

“Alliyah, ang daming mong nakaimbak na gown sa bodega. Bakit hindi mo i-display sa harap ng boutique? Sayang naman ang gaganda pa naman,” wika ni Cassy.

“Maliit lang ‘yung pwesto. Hindi sila kakasya,” tugon ng babae.

“May suhestiyon ako. Tutal nagmomodel naman ako paminsan-minsan, bakit hindi na lang ‘yung mga dinesenyo mo ang suotin ko tuwing pupunta ako sa mga fashion events? Magandang pagkakataon ‘yon para ma-promote ‘yung mga disenyo mo.” Pumayag si Alliyah sa suhestiyon ng kaibigan basta ang pangalan niya ang ibibigay ng kaibigan kapag itinanong kung sino ang nagdisenyo ng suot niyang damit.

Nakilala ang mga disenyo ni Alliyah at ang patunay nito ay ang pagdami ng mga kostumers na pumupunta sa boutique. Patuloy ang paglakas ng negosyo kaya nakapagpatayo siya ng isa pang branch.

“Gusto nang makita ni Kath ‘yung disenyo ng wedding gown niya para kung sakaling may gusto siyang palitan ay mapalitan agad,” pang-iistorbo ni Cassy kay Alliyah.

“Tingnan mo na lang diyan sa laptop ko. Hindi ko maiwan ‘tong tinatahi kong beads,” tugon ng babae.

“Hindi ko alam ‘yung password mo,” wika ni Cassy.

“Alli’sMasterpiece ‘yung password. Nasa wedding designs folder. Hanapin mo na lang ‘yung pangalan ni Kath.”

Nitong mga nakaraang buwan ay madalas wala si Cassy dahil kinuha siyang modelo ng isang sikat na kompanya ng alahas. Dahil hindi humaharap si Alliyah sa mga kliyente ay kumuha ng manager ang babae para sa kaibigan. Ito ang humaharap sa mga kostumer at namamahala sa pagpapatakbo ng boutique habang wala siya.

“Beth, nakausap mo na ba si Cassy. Kanina ko pa siya tinatawagan, eh, pero hindi niya sinasagot ang tawag ko. Nag-iwan na rin ako ng mensahe pero di naman nagreply. Napansin ko kasing ilang gowns ang nawawala sa Majestic Collections na dinesenyo ko nung isang buwan. Alam mo ba kung nasaan ‘yung mga gowns?” Tanong ni Alliyah sa manager.

“Hindi po, eh. Baka po hiniram ni Ma’am Cassy para may suotin siya sa isang fashion event na dadaluhan niya sa Espanya.”

Lumipas ang ilang buwan at hindi na muling nagpakita si Cassy sa boutique. Hindi din niya sinasagot ang mga tawag ni Alliyah. Sa umpisa ay iniisip ni Alliyah na malamang ay abala lang ang kaibigan sa pagmomodelo pero sa bandang huli ay iba na ang kutob niya sa kaibigan.

Lumakas ang kaniyang suspetsa nung napansin niyang marami sa mga idinisenyo niyang damit na nakatabi sa bodega ang nawawala. Ilan din sa mga naka-save niyang disenyo sa laptop ang nawawala. Ang pinakakapansin-pansin sa lahat ay ang pagkawala ng kaniyang mga kostumer kasabay ng di pagpapakita sa kaniya ng kaibigan.

Napatunayan ni Aaliyah ang kaniyang suspetsa nung inimbita siya ng dati niyang kaklase na dumalo sa isang fashion design competition. Isa si Cassy sa mga kalahok at ang mga disenyong sinali ng kaibigan ay ilan sa kaniyang mga obra na nawawala sa kaniyang laptop. Nagsinungaling ito sa kaniya. Hindi ito nagpapakita sa kaniya hindi dahil sa pagmomodelo nito kung hindi dahil sumasali ito sa mga kompetisyon gamit ang kaniyang mga disenyo.

Si Cassy ang nanalo sa kompetisyon pero bago pa igawad sa kaniya ang kaniyang pagkapanalo ay may sumigaw ng malakas mula sa mga nanonood.

“Magnanakaw! Hindi ikaw ang nagdisenyo ng mga damit na iyan. Ako ang nagdesign ng mga iyan!” Namumula ang buong mukha ni Alliyah sa galit matapos niyang mabisto ang kaibigan.

Walang naniwala kay Alliyah dahil kilala na si Cassy sa larangan ng fashion design. Matagal ng sumasali si Cassy sa mga fashion design competition at ang babae ang palaging tinatanghal na panalo samantalang si Alliyah ay hindi kilala sa mundo ng fashion kaya imposibleng mangyari ang ibinibintang nito.

“Kaya kong patunayan na ako ang nagdisenyo ng mga damit na iyan,” matapang na pahayag ng babae.

“Kung sinunod ni Cassy ang ginuhit kong disenyo hanggang sa pinakamaliit na detalye, sigurado ako na ang lahat ng damit na pineresenta niya dito ay may pangalang Alliyah.”

Napangisi si Cassy sa dating kaibigan, “Talaga? Ako ang nagdisenyo ng mga damit na ito kaya imposible ang sinasabi mo. Saan? Saan sa mga damit na dinisenyo ko nakalagay ang pangalan mo,” hamon ng babae.

Kasama ang mga hurado ng kompetisyon ay isa-isang ininspeksyon ni Alliyah ang mga damit. Itinuro niya kung saan bahagi ng damit makikita ang kaniyang pangalan. Hindi ito mahahalata sa unang tingin dahil bahagi ito ng disenyo pero pag inusisa mo ng mabuti ang disenyo ng damit ay maliwanag mong mababasa ang pangalang Alliyah.

Nabulgar ang pinakatatagong sekreto ni Cassy na ninakaw lang niya ang lahat ng kaniyang mga disenyo. Mula sa kompetisyon ay diretso sa kulungan ang babae para pagbayaran niya ang pagtatraydor niya sa kaibigan.

Nabawi ni Alliyah ang ninakaw na katanyagan mula sa kaibigan. Nakilala ang kaniyang pangalan sa larangan ng fashion design. Bumalik din ang mga kostumers ng kaniyang boutique.

Bagama’t mahiyain pa rin ang dalaga hindi na niya basta-basta ipinagkakatiwala ang kaniyang mga disenyo sa iba. Siya na ang humaharap sa mga kliyente at personal na niyang pinamamahalaan ang kaniyang mga boutique. Pinalitan din niya ang password ng kaniyang laptop.

Nasira ang pangalan ni Cassy sa mundo ng fashion. Nawala ang lahat ng natamasa niya. Pero ang pinakamalaking kawalan sa kaniyang buhay ay ang pagkawala ng isang matalik na kaibigan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.