Sa Kabila ng Kataksilang Naranasan Ko

Mahigit tatlong taon ng magkarelasyon sina Carlo at Krislene, halos mag-iisang taon na rin silang magka-live in at nagsasama sa isang bubong. Pareho pa silang mga estudyante at nag-aaral sa isang kilalang unibersidad sa Maynila, nakatakda na silang magtapos sa susunod na taon.

Laking Maynila si Carlo. Isa siyang anak ng may-ari ng isang kompanya. Pinanganak man na mayaman, naging mapagkumbaba naman ng binata. Lumaki siyang mabait at lubos kung magmahal. Kaya ganoon na lamang kalabis ang pamamahal niya sa kasintahang si Krislene. Lahat ng gusto at luho ng babae ay ibinibigay niya.

May lahing Chinese si Carlo, kaya naman talagang utak negosyante at madiskarte. Mayaman man ang mga magulang, hindi na siya umaasa pa sa mga ito simula ng siya ay tumuntong sa edad na labing-walo. Siya na ang bumubuhay sa kanyang sarili.

Si Krislene naman ay laking probinsya. Maganda, seksi at napakahinhin. Kung titignan ito ay para bang di makabasag pinggan. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, may tinatago pala itong kati sa katawan.

Nagkakilala ang dalawa noong naging magkaklase sila sa ilang major subjects sa kanilang kursong kinuha. Laking probinsya ang dalaga kaya naman tinutulungan siya ni Carlo kung paano mabuhay sa Maynila. Nagkamabutihan silang dalawa at hindi nagtagal, nanligaw si Carlo sa dalaga. Hindi rin naman pinatagal pa ni Krislena lahat, sinagot agad niya ito.

Nang umabot sa dalawang taon ang kanilang relasyon, napagpasyahan nilang dalawa na magsama na lamang sa condo unit ng binata. Ginawa nila ito ng lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Dumating ang araw ng ikatlong anibersaryo ng pagiging magkasintahan ng dalawa. Susurpresahin sana ni Carlo ang nobya. Ang alam kasi nito ay bukas pa siya babalik galing China. Sabik na sabik na siyang makita ang magiging reaksyon nito, kapag nasurpresa habang dala niya ang isang miniature design ng dream house nila, cake at isang tangkay ng bulaklak.

Ngunit parang gumuho ang mundo ng binata nang datnan niya sa condo unit niya kasintahan at matalik na kaibigan na magkasama. Nakita niya ang dalawa sa kama na walang saplot at gumagawa ng milagro.

Advertisement

Nabitawan niya ang hawak na surpresa para sa taksil na nobya. Nagdilim ang kanyang paningin at sinugod ang matalik na kaibigang si George.

Hindi talaga siya makapaniwala na nagawa siyang pagtaksilan ng dalawang taong napakahalaga sa kanya. Lalong lalo na ng matalik na kaibigan. Matalik silang magkaibigan ng mahigit pa sa sampung taon. Sabay silang nagbinata at magkasama sa napakaraming okasyon sa kanilang buhay. Paano nito nagawa ito sa kanya?

“Tama na! Tama na! Tumigil ka na please!” pagmamakaawa ni Krislene kay Carlo ng makitang basag na basag na ang mukha ng kalaguyong si George.

“W*langhiya ka! G*go ka! P*patayin kitang h*yop ka!” Sunod-sunod na mura ni Carlo habang pinagsususuntok pa rin ang taksil na kaibigan. Hindi talaga siya tumigil hanggat hindi nawawalan ng malay ang lalaki. Walang tigil naman ang pag-iyak ni Krislene.

Hinarap niya ang taksil na kasintahan ng may umaapoy na mga mata. Nasusuklam siya habang tinitingnan ito. Hindi man lang nito nagawang takpan ang walang saplot na katawan. Nandidiri at nasusuka siya sa dalawa. Mga halang ang mga bituka! Mga w*langhiya!

“Carlo please,” humahagulhol na tawag nito sa kanya. Parang bumaliktad ang kanyang sikmura ng marinig itong tawagin ang pangalan niya. Ano ang karapatan nitong tawagin ang pangalan niya sa kabila ng nagawa nitong pagtataksil sa kanya? Pilit niyang pinakalma muna ang sarili bago siya nagsalita.

“Bukas, pagdating ko, dapat wala na akong makikitang kahit na anong gamit mo dito sa condo ko. Wag na wag na rin ninyong ipapakitang dalawa sa akin yang mga w*langhiyang mga mukha niyo kahit kailan!” pigil ang galit na pagbabanta niya kay Krislene bago umalis ng kanyang condo.

Muntik ng hindi makapagtapos si Carlo sa takdang oras dahil sa labis niyang dinibdib ang pagtataksil na nagawa sa kanya ng nobya at matalik na kaibagan.

Advertisement

Hindi na siya parating pumapasok at kung pumasok man ay maaamoy ang alak sa kanyang hininga. Lagi nalang siyang umiinom at nahilig sa pagpunta sa mga bar. Ang dating matatapas na marka ay mga naging palakol na. Nawalan na siya ng ganang mabuhay.

Sa gabi-gabi ay itinatanong niya sa sarili kung saan ba siya nagkulang? Saan ba siya nagkamali? Siya ba ang may problema? May mali ba sa kanya? Paano nilang nagawa iyon sa kanya.

Pero gaya nga ng sabi nila, kapag may umaalis, may dumarating. Dumating sa buhay ni Carlo si Joana. Kinulit siya nito ng kinulit hanggang sa umayos siya.

Ipinakita nito sa kanya na hindi pa katapusan ng mundo at hindi niya dapat sinasayang ang oras niya para sa mga taong wala namang ibang ginawa kundi wasakin siya. Na mayroong ibang taong nararapat sa pag-ibig niya. Binuksan ulit ng dalaga ang nakakandadong puso ni Carlo.

Nang araw ng kanilang pagtatapos ay nagtapat din ng kanyang pag-ibig si Carlo kay Joana. Hiningi niya ang pahintulot nito na ligawan ang dalaga. Pumayag naman ang dalaga.

Matapos ang isang taong panliligaw ay sinagot niya na din si Carlo. Naging makasintahan sila ng limang taon bago pormal na hiningi ni Carlo ang kamay ng dalaga sa mga magulang nito.

Wala ng naging balita pa si Carlo tungkol sa dating nobyang si Krislene at matalik na kaibigang si George. Ang sabi ng iba nilang mga kaibigan ay pareho na daw itong nasa labas ng bansa at dun na nanirahan at nagtrabaho. Pero wala na siyang pakialam sa mga ito, ang alam niya lang, ay masaya na siya sa piling ng asawa at ng kanilang munting anghel.

Sa kabila ng kataksilang naranasan ni Carlo ay pinili niya pa ring bumangon at magmahal muli. Naghinagpis man, pilit niyang sinikap tumayo at ipagpatuloy ang buhay. Sana kahit anong sakit ang ating maranasan sa ating buhay, piliin pa rin nating magpatuloy at wag sumabay lamang sa agos. Pasasaan pa’t maaayos din ang lahat. Makakamit din natin ang ating happily ever after.