Pekeng Manggagamot ang Babae, Nagparamdam ang Nanay Niya sa Panaginip Kaya Napilitan Siyang Itigil ang Panloloko

Kalilipat lamang ni Wiwi sa tinitirhan nya ngayon sa probinsya, kasama ang kanyang asawa at isang anak. Walang trabaho ang lalaki at batugan, naiwan kay Wiwi ang responsibilidad na tustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Hirap ding makahanap ng trabaho ang babae dahil high school lamang ang kanyang natapos.

Walang nakakakilala sa kanila sa Isabela, pero ayos lang iyon dahil pawang mababait ang naging kapitbahay ng mag-anak. Ang mga araw na aabutan sila ng gutom sa Maynila ay di na nila nararanasan dahil palaging may nagbibigay sa kanila ng gulay o kadalasan ay ulam na mismo.

“Wi, tinola. Luto ng Kuya Rolly mo..” masuyong wika ni Aling Ikang, isa sa mga kapitbahay nila.

“Salamat ‘te..” sagot naman ni Wiwi at isinalin na sa kanilang tasa ang ulam, bago isinauli ang tupperware ni Aling Ikang.

“Para ho kayong may sakit? Tila ba nangingitim ang mata nyo..” bati ni Wiwi, halata naman kasing pagod si Aling Ikang dahil rin siguro sa pagsasaka, panahon ng ani ngayon.

“Paano mo nalaman? Di yata’t may itinatago kang galing sa paggamot ha?” nakangiting sagot ng matanda, hindi inisip na ang sinabi naman ni Wiwi ay mapapansin ng kahit na sinong makakausap niya.

Kanina pa pala nakikinig si Simon, ang asawa ni Wiwi.

“Ay oho Aling Ikang, di nyo naitatanong sa Maynila ay maraming napagaling iyang misis ko.” sabi ng lalaki.

Advertisement

Gulat na napatingin si Wiwi sa kanyang asawa, naguguluhan sa pinagsasabi nito. Wala siyang alam sa sinasabi nitong panggagamot!

Sadyang mapang-abuso ang lalaki, nakakita siguro ng oportunidad para magkapera. ‘Di baleng manloko ng tao, basta kumita.

Mahigpit na hinawakan nito ang kamay nya at nagbabanta ang mga mata, tila ba sinasabing ‘um-oo ka kung ayaw mong masaktan’, kaya napatango nalang ang babae.

Mabilis kumalat ang balitang ‘manggagamot’ si Wiwi. Mabuti ang puso ng mga tao at madaling maniwala kaya marami ang dumagsa sa kanilang tahanan para humingi ng ‘lunas’.

Sabi nga ng iba, kung ano raw ang iniisip ay iyon ang nagkakatotoo. Kaya siguro kapag naniniwala ang mga tao na gagaling ang sakit nila, gumiginhawa kahit na paano ang kanilang pakiramdam.

“Salamat, ‘Wi ha? Nawala ang sakit ng tyan ko sa ibinigay mong herbal.. magaling ka talaga.” sabi ng isa nilang matandang kapitbahay.

“Hindi ho pwedeng salamat-salamat tayo dito Aling Tale. Malayo pa ang Pasko, singkwenta pesos sa konsulta at trenta sa herbal.” nakaismid na sabi ni Simon.

Wala namang nagawa si Wiwi kahit tutol sya, sa totoo lang kasi ay pinakuluang dahon ng bayabas lamang ang gamot na tinutukoy.

Advertisement

Isang gabi, nagising si Wiwi sa malamig na hanging pumapasok sa bintana ng kanilang barung-barong. Para ring may humahaplos sa kanyang noo, tiyak niyang hindi si Simon dahil malambot ang kamay. Isa pa, hindi naman malambing ang mister nya.

“N-nay?” gulat na sabi nya nang mamukhaan kung sino ang nasa harap niya.

Mula pa ito sa malayong probinsya, bakit di man lang sinabing luluwas pala sa Isabela at nang nasundo nya man lang? At paano pala nakapasok ang nanay nya sa bahay? Naiwan ba ni Simon ang pinto na hindi naka-lock? Napakaraming tanong sa kanyang isip.

“Nay, paano ho kayong-” hindi na naituloy ni Wiwi ang sasabihin dahil tinakpan na ng ginang ng isang daliri ang kanyang bibig.

“Sshhh. Mabilis lang ito anak… Na-miss lang kita. Halika nga, ang gulo ng buhok mo.” sabi ng matanda at sinuklay sya. Parang bata kung kausapin siya nito, pero di na inintindi ni Wiwi iyon dahil na-miss niya rin ang nanay niya.

“Anak, itigil mo na ang ginagawa mo. Kapag nanloloko kayo ng matanda, isipin mong matanda rin ako at parang ako ang niloloko mo..”

Alam ng nanay?!

“Oo alam ko. At kung si Simon ang inaalala mo, matatag ka anak. Kaya mo nang wala sya. Wag kang matatakot. Wag mong ipagpalit sa takot ang kabutihan.”

Advertisement

Iyon lamang ang huling mga salitang narinig ni Wiwi bago siya naalimpungatan.

Ah, panaginip lang pala. Napalingon siya sa tokador na nasa tabi ng papag.

Naroon ang suklay.

Kinabukasan, di siya matahimik kaya nagpa-load at tinawagan ang kapatid na kasama ng nanay niya sa probinsya.

“Ne, ang nanay ba kumusta? Napanaginipan ko kagabi…” panimula niya.

Hinihintay niyang magsalita ito pero pawang hikbi ang naririnig niya.

“Ne?!” natataranta na si Wiwi.

“Manay, tatawag nga sana ako sa iyo kanina. Kaya lang ay dumating na ang katawan ng nanay. Pumanaw na siya kagabi. Hindi kita natawagan dahil walang ibang nag-aasikaso rito.” tuloy parin ang paghikbi nito.

Advertisement

Nabingi na si Wiwi sa iba pang paliwanag ng kapatid niya. Kung kagabi pa pumanaw ang kanyang ina, ibig sabihin ay dinalaw sya nito. Sinabi niya kay Simon ang nangyari, umasa siyang makakaramay niya ang mister pero taliwas ang naging reaksyon nito.

“Uuwi ka? Andon naman ang kapatid mong mag-aasikaso ng burol ah? Ilang araw rin iyon sayang ang kikitain mo rito! Hindi. Walang luluwas.” matigas na sabi nito.

Iyon na ang naging huling hibla ni Wiwi, nagdesisyon na siyang sundin ang payo ng ina. Kung naniniwala ang matanda na kaya niya, naniniwala rin siya na kaya niya.

“Hoy! Saan ka pupunta?” tanong ng lalaki nang mapansin na nag-iimpake siya ng damit nila ng kanilang anak.

“Pananaigin ko ang kabutihan kaysa sa takot ko!” sabi niya at lumabas na sa bahay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?