Mas Matakot Ka sa Buhay

Matagal nang usap-usapan sa kanilang barangay na may white lady raw na nagpapakita sa isang daaanan. Kaya naman kahit kailan ay hindi ginustong dumaan ni Nelly roon kahit pa iyon ang pinakamabilis na ruta pauwi mismo sa kanilang bahay.

Ngunit nang araw na iyon, gabi na nang umuwi ang dalaga galing sa eskuwelahan. Tinapos pa kasi nila ang kanilang project sa subject na science, kayaʼt inabot na siya ng hatinggabi. Hindi na sana niya gustong umuwi at makikitulog na lang sa bahay ng kaklase niya, kaya lang ay nagkataong pinasusunod pala ito ng ama nito sa probinsya nang gabi ring iyon.

Wala nang masakyan si Nelly. Bihira lang kasi ang mga driver na dumaraan papunta sa kanila ng ganitong oras. Kaya naman no choice. Kailangan niyang doon muna dumaan ngayon. Medyo liblib kasi ang lugar nilang iyon at maraming haka-haka ang mga tao tungkol. Kaya nga ganoon na kang kung iwasan ng iba ang lugar nila.

Nagdarasal si Nelly habang naglalakad. Napakadilim kasi at tanging ang liwanag ng bilog na buwan at ang ilaw mula sa kaniyang cellphone ang ngayon ay nagsisilbing gabay niya. Sinabayan pa ng nakabibinging katahimikan ng paligid at malamig na simoy ng hangin at lalong nadagdagan ang takot niya. Dali-dali na sa paglalakad ang dalaga dahil baka magpakita pa sa kaniya ang nasabing white lady—nang bigla na kang siyang hablutin ng kung sino!

“Ang ganda mo, Miss, ah! Bakit ka mag-isang naglalakad dito?” nakangising sabi ng isang lalaking maskulado. Amoy alak ito at mapupula ang mga matang animo inaantok. Mukha itong demonyo!

“Bitawan mo nga ako, ano ba?!”

Sumigaw nang sumigaw si Nelly ngunit humalakhak lang ang lalaki. Animo ito isang baliw! Tila wala itong awa at kahit anong oras ay handa siya nitong gawan ng masama.

Ganoon na lang ang gulat ng dalaga nang bigla itong maghubad ng pantalon. Sinimulan nitong hipuin ang maseselang bahagi ng kaniyang katawan, habang humahalakhak. Hinahalikan na rin siya nito at sinisimulang hubaran.

Advertisement

Sinubukang lumaban ng dalaga, ngunit nang suntukin nito ang kaniyang sikmura ay tuluyan na siyang nawalan ng lakas. Wala na siyang nagawa kundi ang mamilipit sa sakit habang umiiyak.

Naalis na nito ang kaniyang pang-itaas. Handa nang isagawa ang makamundo nitong balak, nang bigla na lang matigilan ang lalaki. Bigla itong natulala.

Nang lingunin ni Nelly ang tinititigan nito ay ganoon na lang din ang pangingilabot niya!

“A-ang white lady!” sigaw niya. Para siyang nanigas sa kaniyang kinauupuan. Nadoble ang takot na nararamdaman ni Nelly.

“Bakit ka nandito?!” nahihintakutang tanong ng lalaking muntik nang humalay kay Nelly. “Pin*tay na kita noon!” sabi pa nito.

“Huwag kang lalapit! Pamangkin kita, wag mo akong sasaktan!”

Ngunit hindi ito pinakinggan ng nasabing white lady. Tinungo nito ang direksyon ng lalaki at nilampasan si Nelly. Halos maihi sa takot ang damuho at kumaripas nang takbo, ngunit naabutan ito ng white lady. Sinakal nito ang lalaki!

“Umalis ka na,” narinig niyang sambit ng nilalang na nakasuot ng purong kulay puting damit at ang mga paaʼy nakalutang sa ere. Natatakpan ng buhok nito ang kaniyang mukha.

Advertisement

Hindi naman na sumagot pa si Nelly at dali-dali siyang tumakbo. Itinakip niya sa sarili ang nawasak na damit at umiiyak na umuwi sa kanilang bahay.

Galit na galit ang kaniyang ama nang malaman ang nangyari. Nang oras ding iyon ay tumawag sila ng pulis at ipinahuli ang mahalay na lalaking muntik nang gumahasa sa kaniya. Mabuti na lang ay inabutan pa nila itong walang malay sa madilim na daang iyon. Timbog ang matagal na palang pinaghahahanap ng mga pulis na r*pist na ito!

“Paano ka nakatakas, Ineng?” ang tanong ng pulis na nag-imbestiga kay Nelly. Minabuti niyang itago na lang ang tunay na pangyayari.

“Sinipa ko po siya, ʼtapos ay sinakal. Saka po ako kumaripas nang takbo, Sir,” sagot niya.

Matapos iyon ay ipinahukay nila kung saan inilibing ng lalaki ang katawan ng nagmumultong white lady. Tumulong ang kanilang lokal na gobyerno upang maisaayos ang bangkay nito.

Malaki pa ang epekto ng nangyari sa dalaga. Hanggang ngayon ay nagre-recover pa siya. Ngunit para sa kaniya ay isang napakalaking leksyon ang itinuro sa kaniya ng pangyayari.

Mas nakakatakot pala ang mga taong buhay kaysa sa mga multo at bangkay.

Minsan kasi, kahit ang mga taong pinakapinagkakatiwalaan mo, iyon pa ang may kakayahang gawan ka ng masama sa hindi mo inaasahang pagkakataon.