Huwag Mo Nang Asikasuhin! Wala Namang Pera ‘Yan!

Alam ni Nadia na naging napakailap ng trabaho sa kaniya nitong mga nakaraang buwan. Paano’y napakarami na raw kasi nilang mga registered nurse at kung minsan ay gusto na lang niyang pagsisihan kung bakit siya nakisabay sa usong kurso noon kahit na hindi naman talaga pagiging nurse ang kaniyang nasa puso.

Pero sa kabila ng maraming komento na hindi na raw niya magagamit ang kaniyang pinag-aralan ay pinatunayan pa rin ng dalaga na mas maraming nararating ang taong masipag.

“Dok Miguel, salamat nga po pala kasi tinangap niyo ako dito sa ospital niyo. Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya upang makatulong sa mga pasyente,” pahayag ng dalaga.

“Wala iyon, Nurse Nadia, isa ka sa mga magagaling na nurse na nakilala ko kaya naman alam kong hindi ko pagsisisihan na kinuha kita,” sagot naman sa kaniya ng doktor.

Si Doktor Miguel ang may-ari ng bagong pribadong ospital sa kanilang lugar. Hulog nga daw ito ng Diyos sa kaniya at maging sa kanilang lugar dahil napakaraming nangangailangan ng tulong medikal doon.

“Nadia, baka naman pwede mo muna kaming i-admit. Maghahanap lang ako ng perang pang-down payment,” wika ni Aling Rosario, kapitbahay ng dalaga. “Sige, ho, Aling Rosario. Ako na ang bahala sa baby niyo,” sagot naman ni Nadia rito.

Mabilis na tinanggap ng babae ang anak ng ale, isang walong buwang gulang na sanggol. Mataas ang lagnat nito at hirap na rin sa paghinga kaya naman ginawa niya na ang lahat ng mga test na kailangan habang wala pa ang doktor na titingin.

“Nadia, ‘di ba wala pang-down payment ‘yung nanay niyan? Hindi mo muna sana in-admit. Mapuputukan tayong parehas niyan, e,” wika ni Olivia, kasamahang nurse ng babae. “Kilala ko naman ‘yung nanay nitong bata. Ako na bahala dito,” sagot naman ni Nadia sa kaniya.

Advertisement

“Bago ka pa lang dito pero matapang ka na. Sige, ikaw ang bahala. Hindi kita tutulungan diyan. Pero sinasabi ko sa’yo, ayaw ni Doktor Miguel ng charity kasi private hospital tayo,” baling ni Olivia sa kaniya.

Sasagot pa sana si Nadia kaya lamang ay narinig pala ito lahat ni Doktor Miguel.

“Ngayon lang iyan, Nurse Nadia. ‘Yung susunod diyan ay hindi ko na tatanggapin. Kung gusto nila ng charity sana sa public ospital sila nagpunta. Alam naman nating lahat na pribadong ospital ito,” wika ng doktor.

Tila nahiya si Nadia sa kaniyang ginawang pagtulong. Ngunit matatanggihan ba niya ang isang batang hirap na hirap na sa paghinga? Maipagkakait ba niya ang isang tulong na makakapagligtas ng buhay? Ano pang silbi ng kaniyang sinumpaang propesyon na magligtas ng may sakit kung nakadepende naman pala ang lahat sa pera.

“Opo, dok. Pasensya na po at salamat na rin,” sagot ng dalaga.

Napakalungkot ni Nadia nung araw na iyon. Pakiramdam niya’y mali ang kaniyang desisyon na doon magtrabaho. Baka hindi pa ganoon katigas ang kaniyang puso upang itaboy ang mga pasyente na hirap sa buhay. Pero dahil tao lang rin siya at kailangan niya ng pera ay natuto siyang makisama at sundin ang pamamalakad doon.

Isang araw, habang napakalakas ng ulan ay malakas na malakas ang alingawngaw ng ambulansya na dumating sa kanilang ospital. Isang nanay na kung titignan mo ay alam mo agad na kapos sa buhay ang lumabas mula dito. Buhat nito ang sanggol na may bimpo sa kaniyang nuo.

“Sh*t, tatanggihan ito,” isip-isip agad ni Nadia.

Advertisement

“Nurse, ‘yung anak ko kasi sobrang taas ng lagnat. Baka pwedeng i-emergency,” pahayag ng ale.

“Sige. ma’am. Upo po muna kayo at titignan po ng kasama kong nurse ang bata tapos pakisagutan na lang rin po itong form. Kailangan din po natin ng limang libong piso para mai-admit natin si baby,” wika ni Olivia.

“Hindi ba pwedeng tignan muna ‘yung anak ko bago iyan?” baling ng nanay.

Agad na tinignan ni Nadia ang bata at unang pakinig pa lamang niya sa likuran nito ay alam niyang punong-puno na ng plema. Sinilip din niya ang lalamunan ng bata at nakitang maliit na lamang ang hingahan kaya nagmadali siyang kumuha ng oxygen at ikinabit sa bata. Isang matalas na tingin ang binigay sa kaniya ni Olivia.

“Nurse, magbabayad naman kami. eh, naghahanap na ‘yung asawa ko ng pera. Masyado kasing malayo ‘yung pampublikong ospital dito. E, kailangan na ng anak kong magamot,” nagsusumamong saad ng ale.

“Pasensya na po kayo, nanay, pero kailangan po talaga muna nating magbayad bago tignan si baby. Nilagyan na nga po siya ng oxygen ng kasama ko, e, nakita niyo naman. ‘Yung oxygen na iyan ay 1,500 na kaagad,” paliwanag sa kaniya ni Olivia.

Walang nagawa ang magulang ng bata kung ‘di ang magmakaawa ngunit matigas masyado ang puso ni Olivia.

“Dok Miguel, baka naman po pwedeng tanggapin niyo na ‘yung baby sa may emergency. Malala na po ‘yung hininga ng bata,” pakiusap naman ni Nadia sa doktor. “Alam mo, Nadia, may patakaran tayo dito at kung hindi mo iyon kayang sundin ay pwede ka nang umalis,” sagot sa kaniya ng doktor.

Advertisement

“Ipapagamit ko na lang po sa kanila ‘yung ambulansya natin para makarating sila ng mabilis doon sa isang ospital,” wika pang muli ni Nadia.

“E, paano kung mangailangan tayo? E, di wala tayong mapapagamit! Mag-isip ka nga, Nurse Nadia. Hindi tayo charity! Private tayo! Kaya kung ano ‘yung ambulansya na nagdala sa kanila dito ay ipatawag mo ulit sa kanila. Maraming ambulansya ang mga barangay dito kaya sila ang dapat mag-asikaso sa mga nasasakupan nila,” baling ni Doktor Miguel.

Ngunit mabilis na nagkagulo ang lahat nang biglang sumigaw si Olivia ng “CODE BLUE.” Ibig sabihin nito ay nasa binggit ng kamat*yan ang isang pasyente. Limang minuto lamang ang itinagal ng bata at agad na tumirik ang mga mata nito tsaka nawalan ng buhay.

“Sh*t, hindi pwedeng sa ospital ko ito mangyari!” sigaw ni Doktor Miguel tsaka niya mabilis na ni-rescue ang sanggol. Mabuti na lang at naibalik pa ang buhay ng sanggol ngunit hindi pa rin pinayagan ng doktor na doon ito ipagamot kaya agad ring pinalipat ito kahit pa nga napakalala ng sitwasyon ng bata.

Walang nagawa si Nadia kung ‘di punasan ang kaniyang mga luha ng palihim. Hindi niya inaasahan na magiging ganito kahirap ang kaniyang trabaho. Buong akala kasi niya ay mas mahirap na ang manggamot ng may sakit pero mas mahirap pala ang magtaboy ng taong kailangang gamutin.

Kinaumagahan ay agad na nagpasa si Nadia ng kaniyang resignation letter.

“Bakit ka magri-resign? Dahil ba sa nangyari kagabi? Hindi ko akalain na ganyan ka kahina, Nurse Nadia,” pahayag sa kaniya ni Doktor Miguel. “Pasensya na, ho, kayo pero hindi, ho, kaya ng konsensya ko na mas umiiral ang pera sa isang ospital kaysa sa tumulong ng taong may sakit. Para sa akin ang pera ay kinikita pero ang buhay hindi na maibabalik pa. Alam ko pong wala ako sa lugar para pagsalitaan kayo ng ganito pero mas gugustuhin ko na lang pong umalis,” diretsong sagot niya sa lalaki.

Alam niyang sa mga oras na iyon ay masyadong masakit ang kaniyang mga binitiwang salita pero wala na siyang nagawa pa dahil nasabi na niya ito.

Advertisement

Laking gulat naman niya na hindi sumagot ang doktor at tinawanan lamang siya tsaka pinirmahan ang kaniyang papeles at tuluyan na nga siyang nawala sa ospital.

Wala pang isang linggo ang nakakalipas ay agad na pumutok ang pangalan ni Doktor Miguel sa balita. Inireklamo siya ng isang pasyente dahil pinabayaan lamang niya ang pasyente na mawalan ng buhay nung wala itong maibigay na deposito. Ngayon ay naglabasan pa ang sunod-sunod na sumuporta sa aligasyon ng nagrereklamo.

“Mabuti na lang hindi natutulog ang Diyos,” wika ni Nadia.

Ngayon ay balik siya sa paghahanap ng trabaho. Nawalan man siya ng hanapbuhay ay mas magaan naman ang kaniyang kalooban. Naniniwala din siyang hindi siya pababayaan ng Maykapal.