Pinaghihinalaan na Isang Babaeng Bayaran ang Dalaga, May Lihim Pala Itong Itinatago

Matagal nang kursunada ni Lester ang kababatang si Flora. Natotorpe kasi siya kapag kasama ang dalaga dahil sa sobra nitong ganda, pakiramdam niya ay nagmumukha siyang alalay nito.

“Bakit ka ba palaging umiiwas sa akin Lester, feeling ko tuloy para akong may nakahahawang sakit!” wika ni Flora.

“Dumidistansiya lang ako, Flora. Kapag kasama kita napagkakamalan akong alalay mo ng mga kapitbahay natin, e!”

“Grabe naman! Huwag mo na lang silang pansinin, wala lang magawa ang mga iyon!”

Sa kabila ng magandang mukha at kaakit-akit na katawan na pinagpapantasyahan ng mga kalalakihan, tampulan naman ng tsismis si Flora ng mga kababaihan sa kanilang lugar tuwing pumapasok ito sa trabaho sa pagkagat ng dilim. Mahilig kasing magsuot ng maiikling damit at halos lumuwa na ang dibdib at makita ang maputi nitong kuyukot kaya’t pinaghihinalaan ng mga tsismosa na isa itong bayarang babae. Hindi naman naniniwala si Lester sa mga sabi-sabi. Matagal na niyang kilala ang kababata at tiyak niyang hindi nito gagawin ang ganoong klaseng trabaho.

Isang gabi, habang naglalakad si Lester papunta sa computer shop ay nakita niyang papasok na sa trabaho si Flora. Pusturang-pustura ang dalaga at nakasuot na naman ng maikling damit na kulay berde na tinernuhan ng kulay itim na sapatos na mataas ang takong.

“Si Flora iyon, a!” aniya.

Dahil sa kuryosidad ay palihim niyang sinundan ang dalaga. Nang makarating siya sa sakayan ay nabigla siya sa kanyang nakita. May humintong kotse sa harapan ni Flora. Mayroong bumabang matangkad na lalaki na mukhang banyaga at pinasakay ang dalaga sa kotse nito.

Advertisement

“Sino kaya ang kasama niya?” patuloy na bulong ni Lester sa sarili.

Dahil sa nakita ay tila nagkaoon siya ng duda sa trabaho ni Flora.

“Si Flora na naman ang iniisip mo, kuya ‘no?” tanong ng kanyang nakababatang kapatid.

“Tumigil ka nga, Emman! Huwag mo akong istorbohin sa iniisip ko!”

“Ano ba kasi iyang iniiisip mo, kuya at seryosong-seryoso ka?”

“N-nakita ko kasi si Flora sa sakayan, may sumundo sa kanyang lalaki!” aniya.

Napahagalpak ng tawa ang kapatid.

“Haha, sabi ko na nga ba, e! Siya na naman ang iniimagine mo! Pero di ba, sabi ng mga kapitbahay natin pokpok daw si Flora? Baka iyong nakita mong lalaking sumundo sa kanya ay kustomer niya!”

Advertisement

Kahit nakita na ng kanyang dalawang mata ang katotohanan at unti-unti na siyang nagkakaroon ng duda sa dalaga ay gusto pa rin niyang magbulagbulagan dahil mas nanginibabaw pa rin ang nararamdaman niya para rito.

Ngunit isang gabi ay mukhang matutuldukan na ang kanyang mga agam-agam. Habang pababa siya sa jeep galing sa trabaho ay nakasalubong na naman niya si Flora. Hindi siya nito napansin dahil abala ito sa kausap sa cell phone. Todo pustura na naman ang dalaga at nakasuot ng maikling bestida. Sa pangalawang pagkakataon ay may huminto na namang kotse sa harapan ni Flora. May bumabang matandang lalaki na nasa edad sisenta anyos. Maayos ang pananamit nito at halatang mayaman. Sumakay si Flora sa kotse ng matanda at nagmamadali itong umalis.

“Flora, hindi ko akalaing isa kang…” napapalatak ang binata sa natuklasan.

Kinaumagahan ay hindi sinasadyang nagkita sila ni Flora sa sakayan ng jeep.

“Hoy, Lester! Pinagtataguan mo ba ako?” tanong ng dalaga.

Hindi malaman ng binata kung ano ang isasagot sa kababata.

“Ha? Bakit naman kita pagtataguan! Medyo busy lang ako!” aniya.

“Dati kasi palagi kang dumadalaw sa bahay pero ngayon hindi ka na nagpapakita!”

Advertisement

“Gabi na rin kasi ako nakakauwi, e! Saka hindi na kita naaabutan sa bahay niyo dahil kapag dumarating ako galing sa trabaho ay siya namang paalis ka papasok sa trabaho mo! Nga pala, saan ka nga ba ulit nagtatrabaho, Flora at palagi kang gabi kung umalis?” pag-uusisa niya.

Matipid na ngiti lang ang isinagot ng dalaga.

Dahil sa hindi diretsang pagsagot ni Flora ay desidido na si Lester na paniwalaan ang usap-usapan tungkol sa kababata.

Napagdesisyunan na ng binata na alamin kung anuman ang itinatago ni Flora. Kaya isang gabi ay palihim niya itong sinundan sa pagpasok nito sa trabaho.

Muli niyang nakita ang paghinto ng isang kotse at pagbaba ng sakay nito sa harapan ni Flora. Agad niya itong nakilala, ito rin ang lalaking mukhang banyaga na unang sumundo sa dalaga.

“Flora?” malakas niyang sigaw.

Nagulat si Flora nang marinig ang boses niya. Halatang hindi nito inaasahan ang presensiya niya.

“L-Lester? Anong ginagawa mo rito?” tanong ng dalaga.

Advertisement

“Ikaw ang dapat kong tanungin! Ano ba talaga ang trabaho mo at sino ang lalaking iyan?”

Hindi na maipagkakaila ni Flora ang natuklasan ni Lester kaya handa na siyang aminin sa binata ang buong katotohanan.

“Lester, siya si Tom, kapatid ko!” bunyag nito.

“K-kapatid? Paano?” naguguluhang tanong ng binata.

“Magkapatid kami sa ama. Half American at half Pinoy si Tom na palagi akong sinusundo para ihatid sa call center na pinapasukan ko!”

“Nice to meet you, bro! Lester, right? I’m Tom, Flora’s half brother!” pakilala ng lalaki.

“E, sino naman iyong matandang lalaking nakita kong sumundo sa iyo nung nakaraang gabi?”

“Iyon? Siya si papa. Kapag hindi ako naihahatid ni kuya ay si papa ang sumusundo sa akin at inihahatid ako sa trabaho. Sorry, Lester kung ngayon ko lang sa iyo nasabi ang lahat. Mayroon kasing hindi pagkakaunawaan sina papa at mama kaya hindi kami magkakasama sa iisang bubong.”

Advertisement

Malinaw na kay Lester na ang palihim na sumusundo pala kay Flora ay ang ama at kapatid nito. Mula kasi nang makilala niya ang dalaga at naging kababata ay ang ina lang nito ang palagi niyang nakikita. Napag-alaman din niya na kaya palihim itong sinusundo ng ama at kapatid ay dahil baka may makakitang kapitbahay at isumbong ito sa ina. Ayaw kasi ng ina ni Flora na nakikipagkita ito sa ama.

“Pakiusap, Lester! Wala sanang makaalam nito!” pakiusap ng dalaga.

“Huwag kang mag-alala, nauunawaan ko na ang sitwasyon mo, Flora! Asahan mong ililihim ko ang lahat ng natuklasan ko ngayong gabi!” aniya.

Matapos ang gabing iyon ay panatag na si Lester dahil mali ang naging duda niya kay Flora. Hindi pala totoo ang tsismis ng kanilang mga kapitbahay na isang babaeng bayaran ang kababata. Ang totoo ay isa itong mapagmahal na anak sa ama at kapatid nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!