Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Hayskul Lang ang Tinapos Ko - Inday Trending

Hayskul Lang ang Tinapos Ko

Ngayong magdadalawang taon nang nagtratrabaho si Criselda sa opisinang pinapasukan ay naging mainit ang mata ng marami sa kaniya.

Bukod kasi sa taglay na ganda ng babae ay mabilis lamang siyang napromote, mula sa pagtatawag ng mga kliyente ay bisor na si Criselda ngayon.

“Naku, kaya naman na promote agad yung isa dyan ay dahil lamang sa landi. Palibhasa’y type siya ng boss natin,” wika ni Mindra, kapwa bisor ng babae.

“Sinabi mo pa, alam mo bang nababalita na halos lahat daw ng lalaki sa team nila ay nakakainuman niya, Kadiring babae, kaya siguro iniwan yan ng asawa niya kasi ganyan kalandi,” sagot naman ng isa pang babae na si Alyssa na bisor din sa opisina.

“Alam niyo, kesa sa nagpaparinig kayo bakit hindi niyo na lang sabihin sa akin yung mga hinanakit niyo sa buhay at bakit buhay ko ang pinag-iintirisan niyo? Ano bang ginawa ko sa inyo ha?” matapang na tanong ni Criselda.

“Totoo naman diba, nakikipag-inuman ka sa mga lalaki na ka-team mo. Isa pa, high school graduate ka lang tapos hehelera ka sa aming mga nakapagkolehiyo. Kung yung mga lalaki ay nauuto mo, asa ka na lang sa amin,” baling ni Alyssa.

“Saka isa pa, huwag ka masyadong magpakasaya kasi malapit na magtanggalan. Sisiguraduhin naming isa ka doon,” saad naman ni Mindra sa kanya.

Sasagot pa sana si Criselda kaya lamang ay mabilis siyang napigilan ni Belle, kaibigan niya sa opisina.

“Bakit mo ako pinigilan? Kelan ko ba malalabanan yung mga hinayupak na mga iyon? Palagi na lang nila akong iniinsulto!” galit na sabi ni Criselda.

“Alam mo namang inggit lang lahat ng iyon sayo, saka isa pa kung ayaw mong napapahiya ay itigil mo na rin kasi yung pag inom ng alak kasama ng mga katrabaho mong lalaki. Kaya ka rin na napag-uusapan dahil sa mga kabalbalan mo,” sagot sa kaniya ni Belle.

“Kapag ba umiinom ibig sabihin pakawala na? Hindi na magaling sa trabaho at nadadaan na lang sa alak ang lahat? Kailangan ko bang ipaglandakan na magaling ako para lang tigilan na nila ang kakainsulto sa pinag-aralan ko,” saad naman ng babae,

“Hindi, pero hindi natin makokontrol ang mga utak nila sa kung ano man ang gusto nilang isipin sayo. Kaya imbes na patulan mo ay gawan mo na lang ng paraan na makita ng lahat kung gaano ka kagaling. Ang latang walang laman, maingay. Tandaan mo iyan,” sagot naman ni Belle at saka sila pumasok sa trabaho.

Nalulungkot si Criselda dahil ang pangit ng mga naririnig niyang balita patungkol sa kaniyang trabaho at hindi niya malaman kung paano ba ang dapat niyang gawin upang malinis ang kaniyang pangalan.

Ayaw niyang tigilan ang pag-inom kasama ng mga katrabaho niya dahil para sa kaniya sa ganitong paraan niya nakikilala ang mga ito at mas nahahawakan niya pagdating sa trabaho.

Nagiging masama ang imahe niya sa ibang tao lalo na’t hiwalay na siya sa asawa at mag-isang binubuhay ang kaniyang anak. “Paano bang dapat kong gawin, hindi ko naman kaya maging perpekto sa mata ng lahat,” isip-isip niya at napatayo sa isang tabi si Criselda.

“Boss, totoo ba yung balita na magtatanggalan daw tayo ng mga supervisor?” tanong ni Criselda.

“Ah oo, sabi kasi ng nasa taas ay mahina ang benta kaya naman tatanggalin yung ibang mga supervisor at ibabalik na lang sa pagtatawag ulit. Halos 100 na rin kasi kayong mga bisor,” saan naman ni Matthew, ang boss ng babae.

Hindi na sumagot pa si Criselda dahil nararamdaman nyang mapapasali siya sa matatanggal, bukod kasi sa maraming may galit sa kaniya sa opisina ay bago lang rin ang babae at maraming mas matagal na nagtratrabaho sa kaniya doon.

Dumating na nga ang araw na pinakahihintay ng lahat.

“Magtitira lang kami ng 15 na supervisor at ang iba ay babalik sa pagtatawag. Kapag naman tumaas muli ang benta natin ay ibabalik natin ang mga dati niyong posisyon,” wika ni Matthew sa kaniyang mga empleyado.

“Unahin niyo na pong tanggalin si Criselda,” malakas na pahayag ni Alyssa. Tumayo pa ang babae saka pinalakpakan ng ibang mga katrabaho. Halos lahat kasi sila ay ayaw kay Criselda.

“Gusto niyo bang unahin natin ang pinakamainit ngayon sa mata niyong lahat?” saad ni Matthew dito saka niya tinignan ang babae.

“Sa totoo lang ikinalulungkot kong ibalita, pero Top 1 si Criselda sa inyong lahat,” pahayag ng lalaki.

Nanlaki ang mga mata ng ilan at tinignan si Criselda ng masama.

“Nagpasurvey kami sa lahat ng mga empleyado at lumabas na may pinakaepektibong pamamalakad si Criselda. Nakarating din sa amin ang balita na kumakalat kaya nagtanung-tanong kami kung ano ba talaga ang nangyayari sa inuman at para malaman na ng lahat.

Hindi umiinom si Criselda, dahil nandoon lang siya upang makinig sa mga kwento at hinanaing ng kaniyang mga tao. Hindi rin hadlang ang kaniyang tinapos dahil sa ating lahat, sya lang naman ang pinakamabilis magkwenta ng manu-mano at may pinakamataas na benta dito sa kumpanya!” wika ni Matthew.

“Hindi ko ito sinasabi dahil nagagandahan ako sa kanya o kaibigan ko siya o ano pang bagay. Sinasabi ko ito dahil ito ang lumabas sa resulta ng kaniyang trabaho, kaya sana tigilan na natin si Criselda. Makita niyo rin sana na magaling yung tao at hindi puro kasiraan lamang ang pinapalaganap natin,” dagdag pa nito.

Hindi makapagsalita ang iba sa kanilang narinig, lalo pang nilaman ng lupa sa hiya ang mga ito nang ipaskil sa buong opisina na si Criselda ang empleyado ng taon.

“E di ang mga achievements mo ngayon ang nakapagsalita para sayo. Hindi mo na kailangan pang mag-isip kung paano papatunayan sa ibang tao na magaling ka,” wika ni Belle sa kanya.

“Totoo pala talaga ang kasabihan, na kung sinong ibinababa ng ibang tao ay siyang itinataas ng Diyos. Ipinagpapasalamat ko ang lahat ng ito sa Panginoon dahil ginamit niya si Sir Matthew upang maayos ang pangalan ko dito sa opisina at isa pa nagkaroon ako lalo ng lakas ng loob upang galingan pa sa trabaho,” sagot ni Criselda na may ngiti sa kaniyang labi.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.