Ang mga Itlog ni JC

Sa isang munting barangay sa probinsya ng Bulacan ay masasabi nating katulad na rin ng iba pang lugar na masagana ang mga tanim at kapunuan, maraming mga batang naglalaro sa labas, panay tawanan at hanapbuhay ang madadatnan. Ngunit may iisang araw na laging kinasasabikan ng lahat sa barangay na ito. Hindi ito Pasko o Bagong Taon, ito ay ang Easter.

“Ma! tingnan mo oh, may mga itlog ulit!”

“Hala ang cute! May asong naka-drawing!”

“Maaga this year ang mga gawa ni Tay Tikong ah,” sabi ng tindera habang minamasdan ang mga batang binubuksan ang kanilang easter eggs.

Oo, karaniwang barangay lamang ito sa Bulacan, ngunit pinagmamalaki nila ang ka-isa-isang Tatay Tikong nila. Mag-isa na namumuhay si Tatay Tikong sa kanyang maliit na bahay. Pinasya niyang maging hiwalay sa kanyang ibang kamag-anak marahil ayaw niyang maging pabigat sa mga ito. Mabuting tao si Tatay Tikong, laging bumisita ang mga kabataan sa bahay niya. Magpipinta siya ng mga makukulay na hayop, cartoons, at mukha sa mga papel na binibigay ng mga bata. Hindi niya sinisingil ang mga bata ngunit may dala-dalang sampung piso at minsan ay buong singkwenta ang mga magulang ng mga bata upang mabigyan ng pangtustos ang matanda.

“Tay, ito po, gustung-gusto kasi ng anak ko mga gawa niyo pp,” wika ng isang magulang kay Tay Tikong.

“Ay hija, hindi na kailangan,” sagot ni Tay Tikong na binabalik ang pera.

“Hindi po tay! Sa inyo na po iyan, napapasaya niyo po kami. Ito lang kaya naming mabalik sa araw-araw,” wika ng magulang.

Advertisement

Wala na ring magawa ang matanda kung hindi ang tanggapin ang mga alok ng mga tao. Siya’y nagdudulot ng sobrang tuwa at saya sa mga naninirahan sa barangay. Sa bawat katapusan ng linggo ay binibigyan din siya ng isang libo na galing sa kabesa ng barangay mismo. Madalas ring may raket si Tatay Tikong tuwing brigada eskwela, kapag may pipinturahang bahay, pagiging karpintero, at pagdi-disenyo sa mga pader ng barangay. Masasabi na ring pinakamakulay na barangay ni Tatay Tikong.

Mapagmahal naman ang pamilya ni Tatay Tikong. Tuwing araw ng Linggo ay pumupunta sila sa bahay ng matanda para magkwentuhan. Ang anak naman ni Tatay Tikong ang nagluluto ng pagkain nila tuwing Linggo kaya laging may pagsasalo. May dala-dala ring mga pasalubong ang kanyang mga apo tulad ng puto, polvoron at ang paborito ni Tatay na latundan na saging.

Nirerespeto ng pamilya ni tatay Tikong ang kanyang desisyon na mamuhay mag-isa. Bumili sila ng maliit na lupa at simpleng bahay para sa kanya. Masayang-masaya ang matanda marahil nakakagawa siya ng mga gusto niyang bagay. Nakakatulong din siya sa mga kabayan niya sa mga simpleng paraan. Kaya masasabing isang matagumpay na tao si Tatay Tikong.

Habang nasa eskwelahan:

“Mr. Lansigan! Hintayin mo ako sa labas ng classroom at sabayan mo ako papunta sa Principal’s office!” pasigaw na sabi ni Ms. Chua sa klase.

“Ayan na naman si JC, lagot na naman!”

“Isa ka talagang idol boy!” at nagtawanan ang mga kaibigan ni JC.

Sa isang paaralan sa barangay na iyon ay nag-aaral ang isang bata na ang palayaw ay JC. Makulit na bata ito sa kanyang mga guro lalo na doon sa mga hindi makatarungang mga guro. Kilala siya bilang pasaway sa klase at kinakatakutan ng ilang mga kaklase niya. Pero doon sa mga nakakakilala sa kanya, alam nilang mabuting tao si JC.

Advertisement

“Maganda nga itong lugar natin dahil kay Tatay Tikong, pero may estudyante naman akong tulad mo, JC,” pagalit na wika ni Ms. Chua habang naglalakad sila papunta sa opisina ng punong-guro.

“Bakit hindi ka maging katulad niya? Pinapasaya niya ang mga taong nasa paligid niya, samantalang ikaw ay lagi mo akong binibigyan ng stress,” mariing sabi ni Ms. Chua kay JC.

“Kasi po…nakakatawa po kayo kapag nai-stress,” sagot ni JC kay Ms. Chua.

“Aba, walang hiya kang bata ka!” sabay hatak ni Ms. Chua sa magkabilang tainga ni JC, pero hindi niya ito sinaktan at pabirong galaw lamang.

Ganoon ang simpleng pamumuhay ng mga tao sa isang makulay na barangay. Kilala ang isa’t isa at nagtutulungan. May mga pasaway na bata ngunit isang maliit na bagay lamang ito. Sa sobrang tuwa at kapayapaan sa barangay na ito ay hindi maaaring maisip kung anong klaseng dalamhati ang mararamdaman ng mga tao dito sa balita patungkol kay Tatay Tikong.

“Hindi na po siya umabot,” malungkot na wika ng nurse sa loob ng ambulansya noong biglang bumagsak si Tatay Tikong.

“Atake sa puso po ang tinitingnan na naging sanhi, susuriin pa po namin siya kung ano pa po ang pwedeng mga naging sanhi,” wika ng nurse.

Isinugod sa ospital si Tatay Tikong ng kabesa ng barangay. Tinawagan agad ng kabesa ang pamilya ni Tatay Tikong. Malaki na rin ang pasasalamat ng pamilya marahil sa mga huling sandali ng matanda ay kasama niya ang pamilya niya. Ngunit kahit nagpapasalamat sila ay hindi pa rin matatabunan ang lungkot na kanilang nadarama.

Advertisement

Kumalat ang balita patungkol sa nangyari sa matanda. Marami ang nakiramay sa punerarya ng pamilya ni Tatay Tikong. Pati na rin ang mga kabataan na gumawa ng kani-kanilang easter eggs bilang pagbigay respeto na rin kay Tatay Tikong.

Ilang buwan na rin ang lumipas nang sumakabilang-buhay na si Tatay Tikong at muling darating na ang Easter. Ngunit hindi na tulad ng dati ang sigla ng mga tao sa makulay na barangay. Kung dati ay nakikita nilang gumagawa ang matanda ng easter eggs, ngayon ay abandonado na ang bahay nito.

“Wala nang mga itlog Ma,” malungkot na tugon ng isang bata sa kanyang magulang noong umaga ng Easter.

“‘Di bale anak, bili na lang tayo ng pagkain. Anong gusto mo?” tanong ng ina.

“Spaghetti!” malungkot na sagot ng bata.

“Sige anak, bibigyan kita ng spaghettti mamaya,” at nag-aalala na rin ang ina marahil sa sitwasyon ng kanyang anak.

Tulad ng inaasahan, walang dumating na mga itlog sa mga kabahayan ng barangay. Malungkot ang kapwa kabataan at magulang sa araw na iyon. Halata ang malaking espasyong iniwan ng matanda mula sa mga puso ng kabayan niya. Hindi na naging makulay ang araw na iyon.

Kinabukasan, nagulat ang karamihan at nadoon ang easter eggs sa tapat ng pintuan nila. May mga larawang makukulay sa bawat itlog at may mensahe na rin doon. Nagulat din si Ms. Chua at masaya marahil kahit wala na si Tatay Tikong ay may gumawa pa rin ng makulay na tradisyon nila.

Advertisement

Pagpasok ni Ms. Chua sa eskwelahan ay laking gulat niya. Hindi pumasok si JC, na kahit makulit ay perfect attendance ang mag-aaral na iyon. Habang nag-iisip si Ms. Chua ay biglang may nag-abot sa kanya ng sulat. Galing daw kay JC. Ang nilalaman ay:

“Dear Ms. Chua,

Paumanhin po pero hindi po ako makakapasok ngayong araw. Napagod po ako sa dami ng itlog na pininta ko at mga mensaheng isa-isa kong sinulat kagabi. Ayaw ko naman po mawala ang magandang tradisyon ng lolo ko, gusto ko po itong ituloy para na rin masaya ang barangay natin. Papasok at babawi po ako bukas. Siguro masaya po kayo ngayon dahil hindi na po kayo mai-stress? Bukas po mai-stress na ulit kayo.

John Christian D. Lansigan.”

Matapos ang klase ay dumiretso agad sa registrar si Ms. Chua at hinanap ang records ni JC.

“John Christian Dominador Lansigan…kaya pala…lolo niya si Tatay Tikong, Teokrasya Andres Corcuera Dominador…magkamag-anak sila!” laking gulat na lamang ni Ms. Chua patungkol sa batang nagngangalang JC.

At ang isinulat ni JC sa bawat mensahe kasama ng mga itlog ay:

“Huwag kayo mag-alala, nagretiro lang ako sa ibang lugar, kaya si John muna ang magbibigay ng kulay sa inyong lahat. Happy Easter!”