Pakiramdam ng Lalaking Ito ay Kulelat Siya sa Pamilya Kaya Naman Naisipan Niyang Magyabang, Sa Huli Doon Pala Niya Malalaman ang Hindi Niya Makitang Katotohanan

Panganay si Arman sa kanilang pamilya at siya lang din ang hindi nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa maaga nitong pagbubulakbol at pag-aasawa.

Doktor ang sumunod sa kaniya at ang bunso ay babae na isa namang enhenyero, may kani-kaniya na ring pamilya ang mga ito. Nabubuo na nga lang sila sa tuwing bakasyon o ‘di kaya naman kapag may espesyal na okasyon sa kanilang pamilya.

“Sagot ko na ang outing natin ngayong linggo!” masayang wika ni Arman sa kaniyang pamilya.

“Pinahiram kasi sa amin ng kuya ko ang van kaya naman pwede natin iyon magamit at si Arman na ang bahala magmaneho,” baling ni Rose ang asawa ni Arman.

“Naku, magkanya-kanya na lang tayong dala ng sasakyan para naman hindi natin kailangan magsiksikan pa sa maliit,” sambit ni Tony ang doktor na kapatid ni Arman.

“Kasya namang tayong lahat doon ‘tol, ako na bahala, sagot ko ‘to,” sambit naman ni Arman.

Simula noong nagka-asawa si Arman ay hindi na niya natulungan pa ang kaniyang pamilya at hindi na rin nagampanan ang pagiging kuya sa kaniyang kapatid. Masakit man para sa kaniya ngunit halos inasa niya ang lahat sa kanilang mga magulang na sina Aling Belen at Mang Jay, bukod sa may kaya ang pamilyang kinagisnan niya ay hindi siya sanay magbanat ng buto.

Sa edad na 17 anyos ay nabuntis niya si Rose at ibinahay ito sa kanila. Hangang ngayon ay hindi pa rin sila lumilipat ng bahay at hindi na rin humanap pa si Arman ng ibang trabaho dahil pinatakbo na lamang niya ang babuyan ng negosyo ng kanilang pamilya.

Advertisement

“Oo nga naman Kuya Tony, hayaan mo na si Kuya Arman at alam ko namang kayang-kaya niya iyon, saka makakapagbonding pa tayo kapag sa iisang sasakyan tayo sumakay diba,” singit ni Cassey ang bunsong kapatid ni Arman. Alam kasi ng dalaga na mainit sa isa’t-isa ang kaniyang mga kapatid kaya naman lagi siyang pumapagitna dito.

Kaya dumating ang araw ng lingo at mula sa Cavite ay dadayo sa Bataan ang buong pamilya ni Arman. Ito ang unang pagkakataong mailalabas niya ang buong angkan at nararamdaman niya ang pagiging kuya. Gamit nila ang van ng kapatid ni Rose dahil pinakiusapan talaga ito ng mag-asawa dahil alam naman nilang walang nakabook na gagamit noon at nagtagumpay naman sila.

Alas onse ng gabi ay nagsimula na sila sa kanilang byahe, kahit unang beses pa lamang ito ni Arman sa pagmamaneho ng sobrang layo at unang beses din niyang pupunta ng Bataan ay hindi niya ininda ang kaba at nagtiwala sa Google Map at Waze na kaniyang napiling maging katuwang sa byahe.

Lumipas ang halos anim na oras at lumiliwanag na ang langit ay nagmamaneho pa rin si Arman, pagod na ang kaniyang mga kamay, ngalay na ang kaniyang balakang at tinatalo na siya ng antok kahit nga parati naman silang humihinto para kumain at magbanyo saglit.

“Nasan na ba tayo, bakit parang ang tagal naman yata ng byahe natin?” tanong ni Tony.

“Nagkamali kasi ako ng liko kanina sa may Clark kaya umikot ulit, kaya medyo matatagal pa tayo makarating doon sa beach. Tulog muna kayo at gigisingin ko kayo pag malapit na tayo,” saad naman ni Arman dito.

“Sinasabi ko na e, hindi naman kasi sanay magmaneho tapos napakayabang!” baling muli ni Tony sa kapatid, magsasalita pa sana siya ngunit pinigilan na lamang ito ni Cassey.

Tuluyan na ring sumikat ang araw at nagmamaneho pa rin si Arman, napapansin niyang kakaiba na ang daan dahil hindi na ito sementado, matatarik at liko-liko.

Advertisement

“Hala, wala palang signal dito? Nasan na ba tayo? Baka mali na yang daan mo kuya ha? Kasi ‘yang Waze minsan nagloloko rin yan,” wika ni Cassey at doon nga napansin ni Arman na hindi na nagload ang kaniyang mapa at walang hanggan na rin ang kaniyang sinunusundan sa Waze.

Inilibot ni Arman ang paningin at nagsisimulang tumindig ang kaniyang balahibo ng wala na siyang nakikitang kasabay na sasakyan at wala na ring bahay sa palagid, puro puno, bangin at huminto siya dahil napagtanto niyang paakyat na siya sa itaas ng isang bundok.

“Bakit tayo huminto, mahal?” tanong ni Rose sa asawa.

“Naliligaw tayo,” wika ni Arman at lumabas ng sasakyan.

Naglabasan rin ang lahat at galit na galit si Tony na halos sapakin niya si Arman.

“Ayan! Kita mo na? Kasalanan mo ito! Walang signal! Walang internet, paano tayo makakabalik?!” sigaw ni Tony sa kapatid.

“Oo na, kasalanan ko na! ‘Wag ka nang dumagdag pa!” pabalik na sigaw ni Arman sa kapatid.

“Gusto ko lang naman maramdaman na kuya niyo pa rin ako, na kaya ko pa ring tumayong panganay sa pamilyang ito!” dagdag pa nito.

Advertisement

“Gusto ko lang naman na maipakita na kaya ko rin sumagot ng outing at kaya ko rin gawin ang mga ginagawa niyo. Alam kong kuya ako pero napakakulelat ko pagdating sa inyo! Wala akong kwenta!” at tuluyan ng naging emosyonal si Arman.

“Kung gusto mong maramdamang kuya ka namin e ‘di sana nagbanat ka ng buto at tinigilan mo iyang kakasandal mo kina mama at papa!” sigaw ni Tony at pumagitna na sina Rose at Cassey pati na rin ang mga magulang nila.

“Tumigil na kayo! Imbes na isipin natin kung paano tayo makakalabas dito at makakarating sa beach ay inuna niyo pang mag-away!” sigaw ni Cassey.

Napahinto silang lahat ng nakita nilang lumuluha ang kanilang nanay.

“Ma, bakit ka umiiyak!? May masakit ba sa’yo?” mabilis na tanong ni Arman at nilapitan ang ina.

“Kailan ko ba makikitang masaya ang mga anak ko? Ganito ko ba kayong pinalaki? Para magyabangan at magpataasan ng ihi? Ikaw, Tony at Cassey, alam nating lahat na mataas ang mga narating niyo sa buhay kumpara sa inyong Kuya Arman, pero hindi ibig sabihin noon ay pwede niyo na siyang bastusin!” wika ni Aling Belen.

“Kinakampihan niyo naman parati ‘yang panganay niyo kaya hindi na yan natuto,” baling ni Tony at mabilis na nakakilos si Mang Jay para sapakin ang anak, doon nagising ang lalaki.

“Kahit ano pang narating niyo sa buhay, wala kayong karapatang sagutin kami!” galit na pahayag ni Mang Jay.

Advertisement

“Hindi ibig sabihin na walang narating ang kuya niyo ay wala na siyang kwenta! Lahat tayo may ginagampanan sa pamilya, siya ang nag-aasikaso ng negosyo natin sa probinsya, sa tingin niyo ba kung walang kwenta ang kuya niyo ay buhay pa rin iyon kung kami lang ng nanay niyo ang aasahan? Malamang hindi. Mapapauwi kaya namin kayo parati sa probinsya para lamang ituloy ang sinimulan at pinaghirapan naming negosyo na naging sandalan para makapagtapos kayo? Baka pinasara niyo pa at sinabing sa Maynila na lang rin kami tumira!” wika ni Mang Jay at nilapitan ang asawang umiiyak.

“Hindi namin kinakampihan ang kuya niyo dahil wala kayo sa araw-araw para makita kung gaano siya nahihirapan huwag lamang malugi ang babuyan. Kaya Arman, huwag mong isiping kulelat ka dahil lang sa wala kang tinapos at babuyan ang ginagawa mo, imbes ay tingnan mo ang nagagawa mo para sa amin. Ikaw ang parating nandyan para alalayan kaming tumanda na ng nanay mo at kahit na nakasandal ka sa amin ay hindi ka naman naging abusado. Pinagtratrabahuhan mo ang bawat kusing na pumapasok sa negosyo!” wika pang muli ni Mang Jay.

“At kayong dalawa, huwag niyo naman sana laging pinamumukha sa kuya ninyo na mataas ang narating niyo dahil lang sa magagandang tinapos niyo sa buhay, tandaan niyo ang kaibigan at trabaho ay iiwan kayo ngunit ang pamilya ay parating nandito. Matutunan niyong mahalin ang isa’t-isa kahit ano pa ang estado niyo sa buhay,” dagdag pa ni Mang Jay at saka sila tumayo at sumakay muli sa van.

“Kuya, sorry,” maiksing wika ni Tony at yumuko ito, hindi sumagot si Arman imbes hinawakan niya sa leeg ang kapatid at pinagdikit ang no nilang dalawa saka niya ito tinapik sa likod.

Si Tony na rin ang nagmaneho para makapagpahinga si Arman saglit, lumipas ang halos tatlong oras at nakarating sila sa beach. Napagtanto ni Arman na hindi kayabangan ang solusyon para maramdaman niyang kuya at panganay siyang muli sa kanila pamilya, kundi ang pagtanggap niya mismo sa kaniyang sarili sa tulong na rin ng mga taong nagmamahal sa kaniya.