Hoy, Jumper ang Kuryente Nyo!

“Wala nanamang kuryente dito sa atin Nanay, bale ba ay gabi na.” daing ng anak ni Aj, kausap niya ito sa telepono.

“Ano ba yan, ano ba nangyayari sa kuryente natin na yan? Baka sira na ang kuntador natin anak. Hayaan mo pauwi na ako. Bye na muna.” ani ni Aj sa kanyang anak at ibinaba na ang tawag.

Kapag dumarating na ang hatinggabi at patulog na ang anak ni Aj, madalas nagpapatay sindi ang kanilang kuryente. Hindi naman ito nasasaksihan ng babae dahil madaling araw pa ang kaniyang uwi galing trabaho sa Maynila. Natatakot na tuloy ang kaniyang anak..

Kinaumagahan, nagtanung-tanong si Aj sa kaniyang mga kapitbahay kung pati sila ay nakararanas ng pagkawala ng ilaw tuwing hatinggabi. Pero ang lahat ng mga ito naman ay smooth raw ang tulog at walang pagkaantala ang kuryente.

Ngunit ipinagtataka niya, dikit-dikit naman ang kanilang mga bahay, malamang sa iisang poste lang nakakabit ang kanilang mga kable kaya medyo imposible na ang bahay niya lamang ang apektado. Hindi rin naman muhkhang nagsisinungaling ang kanyang anak.

“Nay, magsabi na kaya tayo sa Meralco? Kasi tingnan mo yung bill natin, halos dumoble o. Tingnan mo ang laki ng itinaas. Eh ako lang naman andito, minsan umaalis pa ako.

Tanging isang electric fan at wifi lang ang minsan ay nakabukas. Wala naman tayong ref o aircon katulad nila Mang Kaloy sa likod. Dapat hindi ganito yung bill natin.” pagtataka ng anak ni Aj.

“Saglit nga, si Mang Kaloy? Electrician yun diba? Ipapatingin ko yung kuntador natin, baka may aberya na eh.” ani ni Aj.

Advertisement

Naglakad si Aj patungo sa likod,, kung saan malapit ang tinitirhan nila Mang Kaloy, abala ito sa pagkukumpuni ng mga kable. Nagtaka siya at dali-dali niya itong nilapitan.

“Mang Kaloy, ano pong ginagawa niyo sa metro ng kuryente?” pag-uusisa ni Aj.

“Ah, eh, para kasing may mga langgam, tinanggal ko lang. Yang mga langgam na kasi na yan mga perwisyo!” ani ni Mang Kaloy habang nagmamadaling itinatago ang kanyang mga pliers.

Tila nagkaroon na ng paghihinala si Aj. Kaya naman hindi na muna siya pumasok sa kaniyang trabaho at inabangan niyang maghatinggabi. Pumwesto siya sa may bintana ng kanilang kusina kung saan tanaw niya ang metro ng kuryente nila Mang Kaloy. Maya-maya may naaninag siyang lalaking naglalakad patungo kung saan nakapuwesto ang metro ng kuryente.

Inaninag niya itong maigi at nakita niyang may kinalikot na naman sa metro ang matanda.

“Teka nga, siguro naman hindi sa ganitong oras magtatanggal ng langgam sa metro namin si Mang Kaloy no. Lapitan ko nga.” sambit ni Aj sa sarili.

Lumapit siya agad kay Mang Kaloy at halos napatalon ito sa gulat.

“Ano ka ba naman ineng! Papatayin mo ko sa takot!” sigaw ni Mang Kaloy.

Advertisement

“Eh ako nga rin po eh, parang mamamatay na rin sa takot. Akalain mo yon Mang Kaloy, yung kuryente namin dumoble! Wala naman sigurong aswang sa bahay namin na gumagamit ng mga de kuryenteng appliances habang walang tao diba?” pagpaparinig ni Aj.

“Oo nga aba, iba na yan ineng. O siya papasok na ako at matutulog na.” pag-iwas ni Mang Kaloy.

“Teka Mang Kaloy, ano pong ginagawa niyo sa metro niyo? Bakit bigla po kayong nagka-ilaw?” pagdududa ni Aj.

“Binabaliktad ko para may kuryente kami sa gabi! Naawa kasi ako sa mga apo ko hindi makatulog tuwing gabi. Naputulan kami ng kurnyente kailan lang diba. Hindi yun sila sanay na walang aircon eh. O masaya kana nalaman mo na?” pag-amin ni Mang Kaloy.

Umalis na si Mang Kaloy at naiwang tulala si Aj.

“Ay wow sosyal. Naka aircon pa sila naka-jumper lang naman pala. Ay hindi na ako magtataka kung bakit mataas ang kuryente naming ngayong buwan. Kaya naman pala.” iiling-iling nasa sabi niya.

Kinabukasan ay inasahan na ni Aj na magagalit sa kanya ang kapitbahay, malay niya ba kung itanggi nito ang mga inamin sa kanya kagabi.

Pero nagulat siya nang paggising ay naroon na ang matanda sa salas, pabulong pa nga siyang sinabihan ng kanyang anak, “Nay, kanina pa po siya naghihintay.”

Advertisement

“Ano ho ang maitutulong ko?” bungad niya.

Dumukot si Mang Kaloy ng isang sobre sa bulsa at inilagay iyon sa kanyang kamay.

“P-Pasensya kana sa nagawa ko. Tsaka pasensya na sa nasabi ko kagabi, mali na nga ako ay ako pa ang galit. Hayaan mo, tinanggal ko na naman ang kabit namin sa iyo. Ito na rin ang bayad ko sa mga na-konsumo ko, alam kong kulang pa iyan. Dadagdagan ko na lang hija pag nakaluwag-luwag.” nahihiyang wika nito.

Napangiti naman si Aj, ang lunukin nito ang pride at humingi ng tawad sa kanya ay sapat na. Siya itong mas nakaaangat sa buhay kaya inunawa niya na lamang. Ibinalik niya rito ang sobre.

“Okay na po. Sa inyo na po iyan, gamitin ninyong pampakabit ng kuryente.”

“Salamat!” masayang wika ng matanda.

Mula noon ay mas lalong tumibay ang samahan ng magkapitbahay. Buti nalang, sa bandang huli ay nanaig pa rin ang kabutihan.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!