Orasyong Pampaswerte sa Bagong Bahay

Kagagaling lamang ni Paola sa eskwelahan ng kaniyang bunsong kapatid. Bukod sa mainit na panahon ay umiinit na rin ang ulo niya.

“Mama, nasabihan ko na ‘yung mga teacher ni Boninay. Saan niyo ba balak lumipat?” tanong niya sa kaniyang ina. “E, ‘di kung saan mura, ‘yung kasya tayong tatlo. Kahit maliit lang. Mahal ang mangupahan ngayon,” sagot naman ni Aling Terry.

“Bakit ba kasi kailangan natin lumipat? Bakit ba hindi muna natin patapusin ‘yung taon? Alam niyo naman na nag-aaral kami ni Boninay, e. Nasa kalagitnaan na ng klase tapos hihinto na naman kami para lang lumipat,” baling niya rito.

“Napaliwanag ko na sa’yo ito, ‘di ba? Bakit ganiyan ka na naman? Akala ko ba naiintindihan mo dahil matalino ka. E, bakit paulit-ulit, anak?” tanong ni Aling Terry. “Wala na ‘yung talino ko, ma. Naubos na sa kakalipat natin!” pahayag muli ng dalaga.

“Hiwalay na nga kami ng Tito Alfred niyo! Ayaw ko siyang nakikita araw-araw dito at kasama ‘yung bagong haliparot na babae sa bakery sa kanto! Nasasaktan ako, anak!” saad ng kaniyang ina sabay hawak sa dibdib nito.

Napailing na lamang si Paola at hinawakan ang kaniyang ulo. Kung hindi lang bastos na sumagot sa kaniyang nanay ay matagal na niyang ipinamukha ang kamalian nito. Napakarupok kasi nito pagdating sa pag-ibig. Magkaiba ang tatay nila ni Boninay ngunit hindi pa rin natapos doon ang love story ng ale dahil nagkaroon pa ito ng iba’t-ibang lalaki habang lumalaki ang kaniyang mga anak.

Si Paola ay 4th year high school sa edad na 22 anyos. Ilang beses kasing lumilipat ng eskwelahan ang dalaga sa tuwing mabro-brokenhearted daw ang kaniyang ina.

Si Boninay naman ay nasa Grade 2 na. Malaki ang agwat niya rito at kahit magkaiba sila ng ama ay malapit pa rin sila sa isa’t-isa. Halos si Paola na ang tumatayong magulang ng bata dahil abala nga si Aling Terry sa paghahanapbuhay at paghahanap din ng kaniyang tunay na pag-ibig.

Advertisement

Lumipas ang tatlong araw at nakapagbalot na ng mga gamit si Paola at Boninay. Handa na rin silang harapin ang bagong kabanata ng kanilang buhay. Bagong bahay, bagong mukha, bagong eskwelahan at bagong pamilya na naman ang kanilang sasalubungin.

“Ate, nalulungkot ako. Hindi ba pwedeng dito na lang tayo tumira? Ayaw ko po kasing mapahiwalay sa mga kaibigan ko at mga teachers ko. Mamaya kapag lumipat tayo ng eskwelahan ay apihin lang ako dahil dayo na naman tayo,” malungkot na pahayag ni Boninay.

“Anak, sa susunod na taon ka pa naman mag-aaral ulit kaya sigurado akong kapag pumasok ka ay kasabayan mo rin ang lahat ng estudyante. Hindi ka maiilang,” pahayag ni Aling Terry sa bata.

“Mama, sige na po. Please dito na lang tayo,” at tuluyan na ngang umiyak ito.

“Paola, patahanin mo na ‘yung kapatid mo. Tsaka nakahanap na ako ng bagong bahay natin. Sa Rizal naman tayo titira. Sabi kasi ng ilang mga kostumer ko ay mura daw ang mga bahay doon at mababait pa ang mga tao. Pero dahil may luto ako bukas ay ikaw na ang magpunta doon. Unahan mo na ng orasyon,” wika ni Aling Terry sa dalaga.

“Pagdating na pagdating mo ay maglinis ka kaagad. Gamitan mo ng tubig para mawala ang malas. Tapos lagyan mo ng bigas, tubig sa garapon, asukal at bulak. Tapos dalhin mo ‘yung bibliya ng lola mo. Mag-search ka na lang ng bible verse na pampaswerte sa bahay at siyempre huwag mong kakalimutan ang pera,” dagdag pa nito.

“Bakit ko kailangang gawin ang lahat ng iyon?” baling ni Paola sa kaniyang nanay. “Anak, ang bigas ay simbolo para may makain tayo. Ang asukal naman ay para matamis ang pagsasama natin. Ang tubig ay para hindi tayo mauhaw sa buhay at ang bulak ay para sa magaan na pamumuhay. Ang pera ay para hindi tayo maghirap. Ganun iyon! Basta ‘yun ang gawin mo dahil iyon daw ang orasyon para swertehin sa bahay na lilipatan. Malay mo doon ko na makita ang tunay na pag-ibig ko,” maligayang sagot ni Aling Terry.

“Ma!” At hindi na napigilan pa ni Paola ang kaniyang galit dahil sa unang pagkakataon ay napasigaw na siya sa kaniyang nanay. Alam niyang palaging pinapaalala sa kaniya ng ale na malaki ang karma ng mga anak na binabastos ang mga nanay.

Advertisement

“Ano iyon? Bakit kailangan mo akong sigawan?!” baling naman ng kaniyang ina.

“Wala sa orasyon ang swerte ng bahay o ng magiging buhay natin. Nasa tao! Kung natiis ko rati ang palipat-lipat natin ngayon ay hindi na. Hindi mo alam ang hirap na dinadanas ko sa bawat paglipat natin ng bahay. ‘Yung tipong hindi ko alam kung dapat ko bang kaibiganin ‘yung tao pero huwag na lang kasi baka bukas o makalawa ay lumipat na naman tayo. ‘Yung hindi ko na alam ang isasagot sa mga teacher ko kung bakit ilang beses na akong lumilipat ng eskwelahan. Nagtutulak ka raw ba? May tinataguan daw ba tayo? Ang daming tanong, mama!”

“Hindi mo ako narinig na magreklamo tungkol diyan sa puso mo, diyan sa love life mo. Pero sana naman sa pagkakataong ito ay kami naman ang isipin mo, ang kinabukasan namin. Ni hindi mo nga alam na scholar ako ngayon at may naghihintay na kolehiyo sa akin kapag dito ako nagtapos. Nagawa mo bang magtanong? Hindi! Ni hindi mo alam na maraming award si Boninay, na sa mura niyang edad ay kabisado na niya ang solar system, ang periodic table at kung anu-ano pa. Hindi mo kami napapansin dahil sa kakahanap mo diyan sa tunay mong pag-ibig!”

“Kung gusto mong lumipat dahil lang naghiwalay na naman kayo, sige, ma. Ikaw na lang mag-isa. Magtatrabaho na lang ako at bubuhayin ko si Boninay para mahanap niyo na ang tunay na pag-ibig na ‘yan,” baling ng dalaga.

Yumuko agad si Paola at pumikit. Naghihintay siya na sampalin siya ng ale dahil sa kaniyang mga sinabi. Kaya lamang ay hindi ito sumagot na labis na ikinagulat ni Paola.

“Ma, sorry. Hindi ko naman sinasadya. Pero nahihirapan na kasi talaga kami. Patawarin mo ako, mama,” saad niyang muli.

Ngunit niyakap lamang siya ni Aling Terry pati na rin si Boninay.

Hindi makasagot ang ale dahil alam niyang tama ang kaniyang anak, naging napakabait kasi ni Paola. Kahit saan niya ito bitbitin ay wala itong reklamo. Bakit nga ba nalunod siya sa kakahanap ng lalaki kung ganito namang kabubuting anak ang ibinigay sa kaniya ng Diyos.

Advertisement

“Patawarin niyo ako,” mahinang pahayag ni Aling Terry sa dalawa.

Kinaumagahan ay maagang nagpunta ang ale sa eskwelahan ni Boninay para ipagbigay alam sa mga guro nito na hindi na lilipat ang bata. Ganun rin sa paaralan ni Paola.

Siya na rin mismo ang nag-ayos ng mga gamit. Tinangal niya ito sa kahon at tsaka naglinis ng bahay.

“Ma, galit ka ba? Bakit hindi ka nagsasalita?” malungkot na tanong ni Boninay sa kaniya. “Hindi ako galit, anak. Nahihiya ako sa inyong dalawa ng ate mo dahil napabayaan ko kayo. Patawarin niyo ako,” sagot ni Aling Terry rito.

“Ikaw pa rin ang the best na mama sa buong mundo. Hindi ko naman sinabi na napabayaan niyo kami. Nabulag lang po kayo sa pag-ibig at patawad dahil nasabi ko iyon. Alam kong karma ang aabutin ko, mama,” saad naman ni Paola.

“Kayo ang mga tunay kong pag-ibig!” pahayag ni Aling Terry tsaka niya niyakap ang dalawa.

Tuluyan na ngang hindi umalis sa kanilang tinitirahan sina Paola. Nakapagkolehiyo rin ang dalaga at nakapagtapos. Ngayon ay may trabaho na siya at tinutulungan sa gastusin ang kaniyang nanay. Kahit na hindi perpekto ang kanilang pamilya ay ipinagpapasalamat pa rin niya sa Diyos ang lahat ng biyaya at pagsubok na natatangap. Mas lalo rin niyang pinanghawakan na wala nang tatalo pa sa pagmamahal ng isang pamilya sa kahit na ano mang orasyong pampaswerte para magkaroon ng isang masayang bahay.