Madalas Agawan ng Mayamang Babae ang Pinsang Mahirap, Halos Mabaliw Siya nang May Isang Bagay Pala Siyang Hindi Kayang Agawin Dito

Si Sonia ay isang anak-mayaman na kung ano ang gusto niya ay nakukuha niya. Sa tanang-buhay niya ay hindi niya pa naranasang magustuhan ang isang bagay at isinuko niya. Lahat sa kanya, lahat dapat sinusunod niya. At higit sa lahat, basta magustuhan niya ay dapat mapunta sa kanya agad-agad.

Marami siyang nagawang kalokohan noong bata, tulad na lamang ng parating pang-aagaw niya ng paboritong laruan ng mga pinsan. May paborito siyang asarin na pinsan at ito ay si Jodi. Kapag nakikita niyang masaya ito sa laruan na bago ay agad niyang kukunin iyon at sisirain lang din sa huli.

Hindi niya alam kung bakit mainit ang dugo niya sa pinsang si Jodi. Madalas kasi itong mahinahon at hindi siya nilalabanan kahit pa mas matanda ito sa kanya ng isang taon.

Hanggang sa mag-dalaga sila’y ilang beses niya ring inagawan ito ng boyfriend sa tuwing nakikita niya itong masaya sa piling ng kasintahan.

Ngunit isang araw ay nagpakalayo-layo na ang kanyang pinsan. Ilang taon rin ang lumipas na wala siyang naging balita dito. Hanggang sa nagbalik nalang ito dala ang balitang ikakasal.

Lalo siyang nainis dito. Sa isip-isip niya’y sa kanilang dalawa ay dapat siya ang unang ikasal. Siya ang dapat na unang lumigaya.

Kaya naman nag-isip siya ng ideya. Aagawin niya ang fiance nito. Hindi niya naman akalaing siya pala ang mahuhulog sa kanyang ideya. Nagkagusto siya nang totoo kay Nico, ang lalaking pakakasalan ni Jodi.

Dahil doo’y mas hinangad niyang akitin ito. Sa isip niya’y lahat gagawin niya para lamang mapasakanya ang lalaki. Mahal niya na ito at hindi niya hahayaang magpakasal ito sa kanyang pinsan.

Advertisement

“Alam ko namang mahal mo rin ako. Maganda ako, mayaman at sexy,” pang-aakit niya kay Nico. “Hindi katulad ng pinsan ko, ordinaryo lang ang itsura, mahirap at hindi inaalagaan ang sarili.”

Napailing ang binata, “Mahal ko ang pinsan mo. Sumumpa ako na sa kanya ko lang iaalay ang buong-buhay ko. At hindi ko hahayaang masira lang iyon ng isang tulad mo.”

Nagulat siya sa sinabi ng binata, “Maaaring ordinaryo lamang si Jodi. Pero siya ang buhay ko. Siya ang babaeng pakakasalan ko.”

“Ang arte mo naman! Maraming nag-aagawan sa akin, pero ikaw ang ginusto ko!”

Tinapik ng binata ang balikat niya, “Hindi lahat ng gusto mo, makukuha mo. Dahil hindi lahat mabibili ng kayamanan mo. Ang pagmamahal at katapatan ko sa pinsan mo ay walang-katumbas na halaga.”

Tameme ang dalaga. Doon niya napagtanto na tama ang sinabi nito. Hindi nga naman lahat nabibili ng pera, tulad na lamang ng pag-ibig.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.