Dahil sa Tsismis ay Binawian ng Buhay ang Nanay ng Binata, Halos Himatayin Siya nang Malaman Kung Sino ang Nagpakalat Nito

Hirap na hirap na ibinaba ni Ron ang dalawang timbang tubig, ito na ang ikaapat na balik niya. Kailangan niyang mapuno ang malaking balde ni Aling Minda para mabayaran siya ng kinse pesos, pang almusal na rin ng tatlong maliliit niyang kapatid.

Maagang pumanaw ang kanyang ama habang ang tatay naman ng tatlong mga kapatid niya ay hiwalay na sa kanyang ina. Hindi siya nagagalit sa babae kahit na nag-asawa pa ito ulit matapos mawala ng tatay niya, tao lang rin ang nanay niya at naghangad ng makakatuwang. Pero bigo ito, dahil ang ikalawang lalaking minahal ay parang bato lang na ipinukpok sa ulo ng nanay niya.

Buti nga nakinig na sa kanya ang ginang nang sabihin niyang hiwalayan nalang nito ang kinakasama. Tulong nalang sila, tutal ay binata na siya, siya na ang bahala sa kanyang mga kapatid. Kaya heto siya, ginagawa ang lahat para hindi kumalam ang sikmura ng pamilya.

Kasasalin niya lang ng tubig, napabuntong hininga dahil sa wakas ay napuno rin. Ang saya-saya niya nang iabot sa kanya ang tig-lilimang pisong barya.

Hindi pa man din siya nakakalayo sa bahay ni Aling Minda nang marinig niya ang mga kapitbahay, “Ayan ang anak ni Susan. Akalain mong sa kapo-pokpok ay nagkaanak ng matino ano. Kaya lang sadyang makati, may anak na ay nag-asawa pa ulit. Ayan, bigo tuloy,”

Hindi niya pinansin ang ale pero nilingon niya ito, ipinahalata niya talagang naririnig niya na pinag-uusapan ng mga ito ang kanyang ina.

“Naku, panigurado kong pati mga kapatid niyang babae pokpok rin paglaki. Ganyan naman eh, kung ano ang puno, siyang bunga,” gatong pa ni Aling Aida, ang pinaka-chismosa sa lugar nila.

Tiim bagang na lalapitan niya sana ang mga ito. Ayaw niyang pumatol sa matanda pero pamilya niya na ang kinakanti. Buti nalang ay tinawag siya ng Tiya Delia niya, ang kapatid ng kanyang ina.

Advertisement

“Ron! Toy, lika saglit,” tawag nito sa kanya.

Mabuti pa rin ang Diyos, dahil kung hindi ay baka nakapagsalita na siya ng hindi maganda. Nakangiting lumapit siya sa kanyang tiya, hindi man ito makapagbigay ng pinansyal na tulong sa kanila ay mabait naman ito sa kanilang magkakapatid.

“Ta?”

“Ikaw talaga. Wag mo nang patulan yang mga chismosa, ganyan lang talaga ang mga yan. Mga walang magawa sa buhay, kumain na ba kayo ng mga kapatid mo?” usisa nito.

“B-Bibili palang po ako ng tinapay ta,” napapakamot sa ulong sabi niya.

“Ah, good yan. Ako kakakain ko lang rin eh, nag uwi si Tiyo mo ng masarap na palaman. Naku, katamis-tamis. Pinamigay ko lang. Kung alam ko lang na di pa kayo nakain eh,” sabi nito.

Tumango nalang siya, sayang nga. Nagkakataon palagi na kapag may masarap na pagkain ang Tiya niya, hindi nakakaabot sa kanila. Baka minamalas lang talaga. Ilang sandali pa ay nagpaalam na siya dahil tiyak niyang nagugutom na ang kanyang pamilya.

Habang kumakain ng pandesal ang mga kapatid niya at nananahi ng basahang bilog ang nanay niya ay nakangiti niyang minasdan ang mga ito. Kahit na anong hirap, haharapin niya mabigyan lang sila ng maginhawang buhay. Buti nga ay bakasyon sa eskwela, pag kasi may pasok ay doble ang pagod niya.

Advertisement

Ayaw niya namang isuko ang pag-aaral dahil naniniwala siyang iyon lang ang susi para makaahon sila.

“Nay, i love you.” lambing niya at niyakap ang ginang.

Napangiti naman ang nanay niya, “Talaga? Maski na anong naririnig mo tungkol sa akin?”

Totoo iyon, paborito talaga ng mga chismosa ang nanay niya. Di nila alam pero di na natapos-tapos ang isyu tungkol rito. Kesyo pokpok, kesyo kabit. Siya naman ang saksi na sa bahay lang ang nanay niya kaya di niya matukoy kung saan nanggagaling ang ganoong usap-usapan.

Isang hapon, kaga-garahe lang ni Ron ng pedicab. Naglalakad siya papalapit sa barung-barong nila at napabilis ang mga hakbang niya nang mapansing maraming tao roon. Parang may nagsisigawan.

“Malandi ka Susan! Tngina mong pokpok ka, hitad. Kati pke!” sigaw ni Manilyn, ang kapitbahay nila. Nasa likod nito ang mister na hindi malaman kung paano aawat.

Mahigpit na hawak ng babae ang buhok ng nanay niyang halos mapaluhod na sa sahig.

“A-Ano bang sinasabi mo-“

Advertisement

“Itatanggi mo pa, iisang barangay tayo maghahayupan pa!Napaka-lintik mo, sumpain ka!” gigil na gigil si Manilyn.

Sinubukang umawat ni Ron pero lalong humigpit ang hawak nito sa ulo ng nanay niya.

“Wag kang nakikialam, wag mong ipinagtatanggol ang nanay mong pokpok!” sabi nito sa kanya. Nang malingat ito ay nakakita ng tyempo ang nanay niya, buong lakas itong kumawala sa pagkakahawak ng babae at nagtatakbo.

Wala man lang nagtangkang umawat na kapitbahay, nagpapalakpakan pa ang mga ito na parang nanonood ng eksena sa TV.

Hinabol ni Manilyn ang nanay niya kaya lalo itong nataranta. Binilisan ang pagtakbo, walang lingon-lingon. Nakarating na ang ginang sa highway at sa sobrang pagnanais na makalayo ay di na napansin ang paparating na truck.

Kasunod noon ay malakas na sigawan.

Napaluhod si Ron, sa harap niya ay nagkalasug-lasog ang katawan ng kanyang ina.

Ibinurol ang babae sa barangay, buti nalang ay oras ng eleksyon kaya maraming pulitiko ang nagprisintang magpalibing at sagutin ang gastos sa burol.

Advertisement

Wasak ang kaluluwa ng binata, namatay na mahirap ang nanay niya.

“Sir, ready na po ba kayo?” tanong ni Jasper, ang assistant niya. Nagising sa pagbabalik-tanaw si Ron habang nakakuyom pa rin ang mga kamay.

Ah, siyam na taon na pala ang nakalipas.

Pagkalibing ng nanay niya ay inialis niya na roon ang mga kapatid. Lahat ay dinanas nila, lahat ay pinasukan niya makapag-aral lang. Nang makatapos ay agad siyang naghanap ng trabaho at ginalingan niya talaga.

Sinuwerte siyang mapili ng kumpanya na ipadala sa Amerika,nanatili siya roon ng tatlong taon. At heto nga siya, nais niyang balikan ang tiya Delia niya. Ito nalang rin ang nananatili nilang kamag-anak. Ni hindi sila nakapagpaalam rito nang umalis silang magkakapatid.

Nais niyang kunin na ang ginang sa hirap. Ngayon ay mayaman na siya, may sarili nang bahay at dalawang kotse, kaya na niya.

Nilakasan niya ang loob na bumaba ng kotse, “Wag mo na akong samahan.” sabi niya sa assistant.

Kinatok niya ang bahay ng ginang at tuwang-tuwa ito nang makita siya. Minasdan siya mula ulo hanggang paa, bago siya niyakap.

Advertisement

“Naku ang paborito kong pamangkin! Sabi ko na nga ba at babalikan mo ako, sabi ko na nga ba hindi mo ako makakalimutan.”

“Oo naman po, mag-empake na kayo. Iaalis ko na kayo rito.”

“Talaga?” masayang tanong nito. Ang bilis nakuha ng ginang ang mga damit nito, palibhasa ay kaunti lang ang mga damit.

Pabalik na sila sa kotse nang mapatigil si Ron, nakilala niya ang kasalubong na ginang.

Si Manilyn.

Ang babaeng kumaladkad sa nanay niya kaya ito nasagasaan. Nang makilala siya ni Manilyn ay nilakihan nito ang mga hakbang para makalapit sa kanya.

“R-Ron, hindi mo na kailangang kausapin siya-“

“Kailangan, ‘ta.” determinadong sabi niya. Matigas ang ekspresyon na nakaabang sa babaeng palapit.

Advertisement

“W-Wag na, pamangkin ko wag na tara na,” nagmamadaling sabi ng tiya Delia niya pero wala na itong nagawa, nakaluhod na sa harap niya si Manilyn ngayon.

“Patawarin mo ako! Hindi ko sinasadya, akala ko lang talaga nanay mo ang kabit ng asawa ko. Pero nabuking kong hindi siya, napatunayan kong hindi siya, nakilala ko mismo at nakita nang personal kung sino ang babae. Diyos ko, sobrang sama ko.

Patawarin mo ako habangbuhay kong dadalhin ang kasalanang ginawa ko!” palahaw nito sa kanya.

“Paano nyo naidamay ang nanay ko?!” galit na galit na wika niya. Humihingal siya. Namatay ang nanay niya sa maling akala, namatay sa maling bintang.

“Narinig ko lang. May nagsabi lang sa akin, may nagpakalat lang ng chismis.” nakatungong sabi nito.

“Sino?!”

“Halika na R-Ron tapos na iyan eh halika na-” awat ng tiya Delia niya pero hindi siya nagpapigil.

“Sino?!” ulit niya.

Advertisement

“Si Delia!” sigaw ni Manilyn.

Napalingon siya sa tiyahin, “Ta?” hindi makapaniwalang tanong niya.

Parang binuhusan ng suka ang mukha ng tiya niya. Hindi malaman kung ano ang gagawin. Sa sobrang taranta ay nagkabulol-bulol ito.

“A-Ang nanay mo kasi. L-Lahat na nasa kanya, matatalino at m-mababait na anak. Naiinis ako sa kanya masyado na siyang swerte kaysa sa akin. B-Bata palang kami mas paborito na siya-“

“Namatay si nanay dahil sayo!” puno ng hinanakit na sigaw niya. Ayaw niya nang masaktan pa ang tiyahin kaya umiiyak na naglakad na siya palayo.

Hinabol siya ng ginang, mahigpit na hinawakan sa braso. “Huy Ron, ano tapos na naman iyon pwede naman akong magpaka-nanay sa inyo pwede namang ako nalang ang nanay mo eh ha? Diba nangako ka iaahon ako sa hirap? huy, ano patawarin mo na ako baka destiny talaga ng nanay mo na mamatay-” napatigil ito sa mabagsik na tingin niya.

“Kapag hindi ka pa tumigil, ipapakulong kita.”

Doon ito napatulala. Tuluyan nang sumakay si Ron sa kotse, ngayon ay alam niya na kung bakit siya napadpad muli sa lugar na ito.

Advertisement

Hindi upang kunin ang Tiya Delia niya at iahon sa hirap, kung hindi upang malaman ang katotohanan tungkol sa kasamaan nito.