Matagal Nang Pinaghahahanap ng Mister ang Nawawalang Misis, Nagimbal ang mga Awtoridad Nang Matagpuan Ito

“Boss, may balita na ba sa asawa ko?” tanong ni Emilio na halos sa presinto na tumira sa kakatanong sa mga pulisya kung may balita na sa asawa niyang si Agatha na matagal-tagal nang nawawala.

“Wala pa, sir. ‘Wag kayong mag-alala, umuwi muna kayo at tatawagan namin kayo kapag may balita na,” sagot ng pulis.

“Huwag mag-alala? E kung asawa mo kaya ang mawala nang halos dalawang buwan, hindi ka ba mag-aalala?!” nagsimula na namang tumaas ang boses ni Emilio.

Nag-init naman ang ulo ng pulis dahil tila wala nang respeto ang lalaki sa kanya. Ngunit agad siyang tinapik ng isa sa mga kasamahan at sinenyasan na intindihin na lamang ang naghihinagpis na mister. Matapos huminga nang malalim upang humugot ng pasensiya ay sumagot ito,

“Naiintindihan ko ho. Ginagawa ho namin ang lahat at ipinahahalughog na rin ni chief ang buong barangay, kasama na ang kabila. Hindi ho namin susukuan ang nawawala ninyong asawa.”

Napakunot na naman ang noo ni Emilio at tumiklop na naman ng mahigpit ang kanyang mga kamao. Wala na nga siyang nagawa kundi umuwing mag-isa sa kanilang tahanan.

Habang naglalakad, bumubulong-bulong ito sa kanyang sarili.

“T*ng*na! Kapag nalaman kong nanlalalaki lang ‘yon? Humanda siya sa’kin!”

Advertisement

Sa presinto naman, hindi maiwasan ng iilang pulis na pag-usapan ang kaso ng nawawalang babae.

“Ang ganda ni misis, ano? Hindi kaya may dumampot sa kanya, at pinagsamantalahan siya?” tanong ng isa.

“Loko! Hindi ‘yan. Naniniwala akong buhay pa siya at nasa maayos na kalagayan. Kung totoo ang sinasabi mo, malamang ay nakita na natin ang mga labi niya. Pero wala, ‘di ba?” sagot ng isang pulis.

Kung labis ang paghihinagpis ni Emilio, mas higit pa roon ang nararamdaman ng ama’t ina ni Agatha. Nag-iisang anak lamang nila ang babae at hindi sila makapaniwalang bigla na lamang itong nawala na parang bula.

“Mahal ko, huwag ka nang umiyak. Kumain ka na muna, please?” pagmamakaawa ni Mang Cesar, tatay ni Agatha.

“Kakain? Paano ako kakain kung hanggang ngayon ay hindi ko alam kung nasaan ang anak ko?!” sigaw ni Aling Martha sa kanyang asawa.

“Lahat ay ginagawa na ng pulisya. Magtiwala kang buhay ang anak natin. Ramdam ko bilang isang ama,” sagot ni Mang Cesar.

Magmula nang mawala si Agatha ay hindi na nakakakain ng maayos ang kanyang ina. Ang ama naman niya’y halos hindi na pumasok sa trabaho upang maghanap sa kanya, at para na rin alagaan ang malapit nang magkasakit na asawa.

Advertisement

Ilang araw ang lumipas, dahil nga sa pagpapabaya ni Martha ay bigla na lamang itong tumumba at nawalan ng malay. Agad naman siyang isinugod sa ospital ng kanyang asawa. Pinayuhan sila ng doktor na manatili muna roon dahil dehydrated na si Martha, dahil pati ang pag-inom ng tubig ay nakakalimutan na nitong gawin dahil sa pag-aalala sa nawawalang anak.

Dahil sa pangyayaring ito, isang tawag ang natanggap ng mga pulis sa presinto.

“Hello? Malaghoy City Jail po ba ito?” wika ng babaeng mahinang-mahina ang boses.

“Opo, ito nga po. Ano pong maitutulong namin sa inyo?” sagot ng babaeng pulis na si Mercedita na nakasagot ng telepono.

Matapos ang kanilang usapan, agad na ibinaba ni Mercedita ang telepono. Napansin ng kanyang mga kasamahan na halos matulala ito at hindi makapagsalita.

“Mercedita! Ayos ka lang ba? Sino ‘yon?” tanong ng isang pulis.

“Si Agatha,” maiksing sagot nito. Maski siya ay hindi makapaniwalang narinig ang boses ng babaeng inakala nila ay sumakabilang buhay na.

“Ha? Si Agatha Reyes ba?!” sagot ng isang pulis.

Advertisement

“Oo. Makinig kayong mabuti sa sasabihin ko, kailangan nating puntahan agad si Emilio sa kaniyang bahay,” seryosong sabi ni Mercedita.

Noong una’y hindi siya sinunod ng mga kasamahan, ngunit nang marinig nila ang sinabi ni Agatha sa telepono ay agad silang sumugod sa bahay ng mister nito.

Kumatok sila sa pintuan nito, ata agad din naman itong nagbukas ng pinto.

“O, sir! May balita na ho ba sa misis ko?” pambating tanong ni Emilio sa pulisya.

Ngunit nagulat siya nang bigla na lamang siyang posasan ng mga ito.

“Inaaresto ka namin sa salang pananakit sa iyong asawang si Agatha. Pati na rin sa pagbabanta sa kanyang buhay, at sa pagbabanta sa buhay ng kaniyang mga magulang!” sigaw ni Mercedita. Katabi nito ang isang babae na tila tuwang-tuwa sa nasasaksihan.

“Ha?! Saan galing ‘yan? Hindi iyan totoo! Hindi, nagkakamali kayo!” sagot ni Emilio habang nagpupumiglas.

“Totoo ang lahat ng sinasabi nila! Sa akin na mismo nanggaling, totoo! Hayop ka!” sigaw ng babaeng katabi kanina ni Mercedita.

Advertisement

“At sino ka naman? Ano bang pakialam mo?!” wika ni Emilio.

“Ako? Hindi mo ba talaga nakikilala ang boses ko?” matapang na sagot ng babae.

Nanlaki ang mata ni Emilio. Napatitig siya sa babae mula ulo nito hanggang paa.

“A- ag- agatha?!” uutal-utal na sagot niya.

“Oo! Ako nga! Arestuhin niyo na siya, parang awa niyo na,” pakiusap ni Agatha sa pulisya. Agad namang isinakay sa sasakyan si Emilio at idiniretso na sa pulisya.

Dalawang buwan na pala ang nakakalipas nang umalis ng bahay nila si Agatha. Napapadalas na kasi ang pananakit at pambubugbog ng kanyang asawang si Emilio. Dumarating pa sa punto na pagbabantaan na nito ang kanyang buhay. Kwento pa nito’y tinututukan siya ng baril ng kanyang mister sa sentido kapag ayaw nitong makipagsiping sa kanya.

Dahil hindi na niya nakayanan ang matindi nitong pangmamaltrato ay napagdesisyunan nitong lumayas, magparetoke ng bagong mukha, at magpaka-layo-layo. Hindi na niya sinabihan ang kanyang mga magulang na si Mang Cesar at Aling Martha tungkol sa kanyang plano dala ng matinding takot na baka ang dalawa ang pagdiskitahan ng galit ni Emilio.

Ngunit nang mabalitaan niyang naospital na ang kanyang ina sa pag-aalala sa kanya ay nagkaroon na siya ng lakas ng loob na makipagsabwatan sa mga pulis upang mahuli na ang kanyang abusadong asawa. Matapos tumawag sa telepono kanina ay pumunta siya ng presinto upang magpakita ng mga ebidensya. Mga litrato, mga text at mensahe na nagpapakita ng pagka-bayolente ni Emilio, at kung ano-ano pa.

Advertisement

“Mabulok ka! Mabulok ka sa kulungan! Kulang pa iyan sa iyo! Hayop ka!” huling mga salita ni Agatha na narinig ni Emilio. Kinabukasan ay nahatulan agad siya ng habambuhay na pagkakakulong.

Agad naman ding pinuntahan ni Agatha ang kanyang ina at ipinaliwanag ang lahat. Nagyakapan ang mga ito at ipinangako nila na hindi na nila kailanman pababayaan ang isa’t-isa.

Tulad ni Agatha ay maraming mga kababaihan ang nakakaranas ng pananakit at pang-aabuso mula sa kanilang sariling mga asawa. Nawa’y ang kwentong ito ay magbigay ng lakas ng loob sa mga kababaihan na huwag na huwag magpapa-api, at agad na magsabi sa kinauukulan upang maaksyunan at masagip sila mula sa nananakit sa kanila.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!