Tinangka ng Babae na Tapusin ang Sariling Buhay, Pagdilat Niya ay Mahiwagang Panahon ang Bumungad sa Kanya

Hanggang ngayon, ay hindi pa rin maipalinawag ang naging isang tila ba mahiwagang pangyayari sa buhay ni Amber. Hindi pa rin niya maisip kung paano at bakit nangyari ang lahat ng iyon.

May ibang pamilya na ang ama ni Amber, pumanaw naman na ang kanyang ina, ilang taon na din ang nakalilipas. Tanging naiwan lamang sa kanya ay ang maliit na kapatid na si Johnny.

Umuwi si Amber noon sa kanyang apartment na may mga luha sa mata. Sobrang pagod na pagod na siya sa trabaho, at ngayon may panibagong problema na naman siyang kakaharapin.

Ang nakatakdang niya sanang kasal sa kanyang kasintahan ay hindi na matutuloy, dahil may nabuntis itong ibang babae. Pakiramdam niya ngayon ay para bang naliligaw na siya at hindi alam kung saan pa patutungo ang buhay niya.

Sa mga pagkakataong ito, tanging hiling na lamang ni Amber, ay muling makasama ang ina, dahil hirap na hirap na siya sa mga obligasyon na kinakaya niyang mag-isa, dagdagan pa ng sunod-sunod na problema.

“Mama…” iyak ng babae, “sana nandito ka na lang ulit, sana pwede kong maramdaman na lang ulit ang mga yakap mo,” at saka ito humagulgol.

Nakita niya ang isang boteng sleeping pills na inireseta sa kanya ng doktor noong isang buwan lamang. Nilapitan niya ito at itinaktak lahat sa kanyang palad.

“Pagod na pagod na ako,” mahinang bulong niya, “ayoko na..”

Advertisement

Ininom niya lahat ng sleeping pills na nasa kamay niya at saka humiga sa kama. Ilang saglit pa ay naramdaman na niyang umeepekto ang mga ‘to. Umiikot na ang kanyang paningin, at unti-unti na siya kumakalas sa reyalidad.

Bago tuluyang ipikit ang mata, ay isang pangalan ang kanyang naalala.

“Johnny… Johnny…” pangalan ng kanyang kapatid. Hanggang sa tuluyan nang nawala ang kanyang kamalayan.

Dahan-dahang iminulat ni Amber ang kanyang mga mata ngayon, at bumungad sa kanya ang isang pamilyar na mukha. Hindi siya makapaniwala.

“Mama?” gulat na tanong niya, “Mama, ikaw nga! Miss na miss na kita, mama,” at saka siya yumakap sa ina.

“Aba, ano bang nangyayari sa’yong bata ka, ha?” gulat na tanong naman ng ina.

“Ngayon lang kasi kita napanaginipan simula nung pumanaw ka, mama!” mangiyak-ngiyak niyang saad.

Maya-maya pa eh humataw na ang kamao ng ina sa kanyang ulo, “Ano bang pinagsasasabi mo Amber? Bumangon ka na dyan at kumain sa labas! Baka gutom lang iyan.”

Advertisement

Nagulat naman si Amber dahil naramdaman niya iyon. Sinampal-sampal niya ang sarili, ngunit may pakiramdam siya.

“Hindi nga ako nanaginip,” tumingin siya sa inang kaharap, “buhay ka ba talaga ma?” manghang-mangha niyang tanong.

Muli siyang tinuktukan ng ina, “Aba, gusto mo na ba akong mamatay, Amber? Gumagamit ka ba ng ipinagbabawal na gamot ha?” tumayo ang ina saka hinila si Amber palabas.

Habang kumakain ay napansin ni Amber ang kalendaryo, March 21, 2009. Dalawang taon bago pumanaw ang kanyang ina, at isang taon naman bago ipinagbuntis ang bunsong kapatid, at isang buwan bago umuwi ang ama galing sa ibang bansa. Gulong-gulo siya at di maipaliwanag.

“Totoo ba lahat ng ito?” tanong niya sa sarili.

Maya-maya ay may malakas na humataw sa kanyang ulo. Pinalo ng kawali ng kanyang ina ang ulo niya.

“Umayos ka Amber ha?! Naglasing ka ba kagabi?” galit na wika ng ina.

Kinabukasan ay namangha pa rin si Amber, “Nandito pa rin ako? Totoo nga lahat ng ito?” malaking ngiti ang kumurba sa kanyang mga labi.

Advertisement

Sinimulan na niyang gumawa ng plano niya gugugulin ang oras kasama ang ina. At parang tuta naman siyang nakasunod palagi kung nasaan ang ginang. Nakasunod siya habang naglilinis ito, pag naghuhugas ng plato, hanggang sa loob ng banyo.

“Amber, ano ba ang hinithit mo ha? Bakit ka ganyan?” gulong-gulo na tanong ng ina.

“Sobrang na-miss lang kita, mama,” sagot naman niya. Tumakbo siya sa ina at saka ito niyakap ng mahigpit. Napangiti naman ang ginang sa ginawa ng anak.

Kinabukasan ay niyaya niya ito na gumala at kumain sa labas. Napuno ng tawanan at kaligayahan ang paggala nilang dalawa. Kitang-kita naman sa mata ni Amber ang kasabikan na makitang muli ang matatamis na ngiti ng ina.

Kinagabihan ay niyaya ni Amber na mag inuman ang ginang, noong una ay tumatanggi pa pero kalaunan ay pumayag rin naman. Parang mga baliw ang dalawa ngayon na nagtatawanan at nagkakantahan.

Isa ‘to sa mga gustong-gustong gawin noon ni Amber, at sa wakas nagawa na niya. Nang malasing na ay nagsimula nang umiyak ang dalaga.

“Miss na miss kita mama, araw-araw dinadasal ko sa Diyos na makapiling at makasama kang ulit,” nagpunas ng luha ang dalaga, “pero mukhang dininig Niya ngayon, kasama na kita mama!”

Natigilan naman at tila ba naguluhan ang ina sa narinig.

Advertisement

“Kinuha ka ng cancer sa amin, mama. Lintik na cancer yan!” dagdag pa ng dalaga.

“Paanong..” nagulat naman ang ina. Dahil kamakailan lang ay sinabihan siya ng doktor na maaring maging cancer ang bukol sa kanyang kaliwang dibdib, wala siyang ibang pinagsabihan nito, kaya’t laking gulat niya na alam ng anak.

“Di ko alam kung paano ako nakabalik sa nakaraan, mama!” tumayo si Amber at uminom pa ulit ng alak, “Ayoko nang bumalik sa buhay ko, mama! Ayoko na!”

Napaluha ang kanyang ina ngayon at saka yumakap sa anak. Hindi niya maipaliwanag pero pakiramdam niya ay totoo ang sinasabi nito.

“Kaso naiwanan ko si Johnny, hindi ko nakasama dito!” sigaw pa ni Amber na lasing na lasing na.

“S-sino si Johnny?” tanong ng ina.

“Kapatid ko, mama. Anak mo rin, pero ipagbubuntis mo pa siya pag-uwi ni papa. March 24 uuwi si papa nun, tandang-tanda ko yun!” sagot naman ng anak.

Natigilan muli ang kanyang ina. Hindi niya alam kung bakit, pero may kurot sa kanyang puso nang marinig ang pangalang, ‘Johnny.’

Advertisement

Kinabukasan ay nakatanggap sila ng tawag na uuwi ang ama ni Amber sa March 24. Hindi makapaniwala ang ina sa kanyang narinig. Napatingin lamang siya sa anak na himbing pa rin hanggang ngayon.

Nang magising si Amber at nakita niya ang ina na nakatingin sa kanya.

“Bonding ulit tayo, anak?” pagyayaya nito.

Agad naman tumayo si Amber at naligo. Nag gala sila sa mall, nanood ng cine, nag punta sa zoo at namili ng pagkaing iluluto pagkauwi. Ginawa nila ang mga hindi pa nagagawa noon.

Pagkauwi ay ipinagluto siya nito ng paborito niyang caldereta. Sobrang sabik na sabik si Amber sa pagkain niyon.

“Ilang taon ko din hindi natikman ‘to. Iba talaga ang luto mo, ma!” sambit ni Amber.

Ngumiti lamang ito habang nakatingin sa kumakaing anak.

Kinagabihan ay nakahiga si Amber sa may hita ng kanyang ina, habang hinahaplos nito ang kanyang buhok.

Advertisement

“Anak..” mahinang sabi ng ina. “Alam mo naman na mahal na mahal ka ni Mama, di ba?”

Napatingin naman si Amber, “Opo ma, bakit po?” naguguluhang tanong niya.

“Nung una’y akala ko kasi nagbibiro ka lamang, pero napagtanto ko na hindi ka galing sa panahon na ito, mahirap paniwalaan, ngunit totoo lahat ng ito. Kitang-kita ko kasi ang sa mga mata mo.”

“Mama..” nangilid ang luha ni Amber, “Ayoko nang umalis dito, gusto ko kasama lang kita.” Tumayo siya at tumingin sa ina.

“Kung totoo man na wala na ako sa hinaharap, may gusto lang akong malaman mo anak,” umiiyak na ito, “gusto kong malaman mo na mahal na mahal ka ni mama, at masayang-masaya ako na naging anak kita.”

Yumakap lamang si Amber sa ina, “Mahal na mahal din kita, ma. Hindi ko alam kung papano kakayanin yung buhay nang wala ka, ang hirap ma.”

“Makinig ka kay mama, anak ha? Lisanin man ni mama ang mundong ito, yung pagmamahal ko para sa’yo, hinding-hindi mawawala, maiiwan yun sa puso mo anak.

Ang pagmamahal ng ina ang isa lamang sa pwede niyang ipabaon sa anak habang lumalaki ito. Hindi ibig sabihin na pag wala na kami, ay mawawala na rin iyon.

Advertisement

Patuloy pa rin itong lalago at yayabong sa puso mo anak.” umiiyak na saad ng ina.

“I love you, ma!” wika ni Amber. Niyakap niya ito nang mahigpit na mahigpit.

Hinubad ng ina ang suot nitong singsing at isinuot sa daliri ng anak.

“Para lagi mong maaalala na nandito lang lagi si mama para sa’yo,” at saka ngumiti ang ginang, “Kung dumating man ang araw na wala na ako, lagi mong aalagaan ang kapatid mo, at iparamdam mo kung gaano ko siya kamahal.”

“Opo, ma,” sagot ng anak habang umiiyak.

Inilapat ni Amber ang ulo niya sa balikat ng ina habang mahigpit ang yakap nito sa kanya. Ilang sandali pa ay nakaramdam siya ng antok. Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata, at ang tanging mga salita lamang na narinig niya ay,

“Lagi mong tatandaan, mahal na mahal kita anak.”

“Ate Amber! Gising ka na!” sigaw ng batang lalaki.

Advertisement

Iminulat niya ang kanyang mata at nakitang nasa loob na siya ng kanyang kwarto, hawak ang bote ng sleeping pills, pero ang ipinagtataka niya ay puno pa rin ang bote.

Huling naaalala niya ay ininom niya lahat ng laman noon, ngunit bakit ngayon ay parang wala naman nabawas kahit isa? Hindi niya maipaliwanag kung panaginip lang ba ang lahat, pero parang totoong nangyari talaga ito.

Tumayo lamang siya at niyakap nang mahigpit ang kapatid. Napansin naman niya na may suot na siyang singsing sa daliri.

Napangiti na lamang siya at nahiwagaan. Wala makapagsasabi kung totoo ba talaga itong nangyari o hindi, ngunit para kay Amber, totoo lahat ng ito. Ang singsing na suot niya ang patunay na muli niyang nakasama ang ina.

Maaring nilisan na ng kanyang ina ang mundong ito, ngunit naiwan pa rin ang pagmamahal nito para sa kanila. Alam niyang kasama lang niya ang ina sa bawat pagsubok na dumarating at darating pa sa kanyang buhay.