Nagmagandang Loob ang Lalaki na Tumayong Witness sa Isang Malagim na Insidente, Isang Maitim na Lihim ang Mabubunyag

Buo ang loob na tinitigan ni Melchor ang sarili sa salamin. Kailangan niyang gawin ito upang makamit ni Rose ang hustisya, walang ibang makakatulong sa pag-resolba ng krimen kung hindi siya.

“Sigurado ka ba? Pwede namang manahimik nalang tayo,” sabi ni Roman sa kanya.

“Kailangan ito, ako lang ang susi. Kita mo naman diba? Walang ibang lumulutang na witness, kung sakali ay ako lang. Kawawa naman ang pamilya. Sige na, kung ayaw mong sumama okay lang naman. Ako nalang mag-isa.” seryoso niyang sagot sa kausap.

Hatinggabi na noon at pauwi na siya mula sa pamamasada ng tricycle nang makita ang dalaga, si Rose na pumapara. Dahil hinihintay na siya ni Roman ay sinenyasan niya itong pauwi na siya. Bumili muna siya sa isang tindahan sa di kalayuan at natanaw niyang isinakay ito ng isa pang tricycle na hindi niya matandaan ang plate number.

Kinabukasan ay nabalitaan niya na lamang na natagpuan itong walang buhay sa damuhan, ang masakit ay ginahasa pa. Walang makapagturo kung sino ang gumawa. Ang nais ng pamilya, bago man lang sana mailibing si Rose ay mahuli na at maparusahan ang walang pusong salarin.

Long sleeve ang isinuot niya upang matakpan ang kanyang braso, mainit kasi. Mabilis na masunog ang balat niya lalo pa at maghapon siyang bilad sa araw.

Ilang sandali lang ay narating na nila ni Roman ang bahay nina Rose, medyo maraming tao dahil huling lamay na. Malungkot na minasdan niya ang malungkot na mukha ng mga nakikiramay, nasa ibabaw ng ataul ng dalaga ang isang sisiw. Kapag ganoon raw, ibig sabihin ay nanghihingi ng hustisya.

“Magandang gabi ho,” bati ni Melchor sa mga magulang ng dalaga na kapwa tigib ng luha ang mga mata.

Advertisement

“S-Sino ho sila?” tanong ng ina ng dalaga, si Gina.

“Witness po ako madam. Tutulong po ako sa abot ng aking makakaya na malutas po ang kaso.” nakatungong sabi niya.

Dahil sa narinig ay napalingon ang mga nagsasakla, maging ang tatay ng dalaga ay napatayo at hinawakan siya sa mga balikat.

“T-Tatawagan lang ho namin ang mga pulis,” sabi ng lalaki. Tumango lang naman si Melchor, tapos ay umupo sa isang gilid. Di nagtagal ay dumating ang imbestigador at inanyayahan siya sa presinto upang hingian ng statement.

“Pauwi na ako, nagpabili si Roman ng pancit canton. Sakto namang bukas ang tindahan kaya bumili na muna ako.. natanaw ko si Rose na sumakay sa isang tricycle. Kulay orange, tapos iniliko na..kumaliwa. Susubukan kong alalahanin ang mukha ng driver.” sabi niya.

Tahimik na nagta-type ang pulis na nakikinig, matamang nakatitig sa kanya ang isa.

“Sino si Roman sir?” tanong ng pulis.

“Kaibigan ko, ito siya o,” sabi niya at itinuro ang kanyang tabi. Nakakainis, ang dami palang tanong. Akala niya ay magbibigay lang siya ng statement tapos ayos na. Ang init pa rito, itinaas niya nang kaunti ang manggas ng kanyang long sleeves. Sukat pagkaangat na pagkaangat niya ay bigla nalang siyang pinosasan ng pulis.

Advertisement

“Ano? Hindi ako! Ano bakit mo ako poposasan?!” gulat na tanong niya.

“Sir, malakas po ang ebidensya na kayo ang may gawa ng kasamaan kay Rose.” sagot nito.

“Anong pinagsasasabi mo?! Roman, ipaliwanag mo nga! Hindi ako!” natatarantang sabi niya.

Sumagot naman si Roman, “Hindi siya! Wala siyang alam!”

Bumuntong hininga ang pulis, itinuro ang mga kalmot sa braso niya at leeg, na siyang tunay na dahilan kung bakit siya nagsuot ng long sleeves.

Hindi nakapagsalita si Melchor.

“Ang mga kalmot na iyan, ang tagaktak mong pawis, ang paiba-iba mong paliwanag at higit sa lahat, hindi totoo si Roman.” sabi ng pulis.

Pagkarinig noon ay tumawa ng malakas si Melchor, “Hindi ka raw totoo Roman?!”

Advertisement

Siya rin ang sumagot sa sarili, iniba niya lang ang boses, “Totoo ako!”

Ilang test pa ang isinagawa at nag-positibo na si Melchor nga ang salarin. Si Roman ay imahinasyon niya lamang, kinakausap niya ang sarili at nasa isip niya lang ang ‘kaibigan’.

Hindi totoong bumili siya ng pancit canton sa tindahan dahil hatinggabi iyon at sarado na ang sari-sari store. Wala ring ibang tricycle na nagsakay kay Rose, siya ang naghatid sa dalaga at itinigil niya sa masukal na parte ng kalsada bago niya hinalay at kinitil ang buhay.

Kahit pa gaano kagaling, lulutang at lulutang rin ang katotohanan. Walang lihim na hindi nabubunyag.