Hindi Lahat ng Pangarap Mo Noon, Pangarap Mo Pa Rin Ngayon

Bata pa lang si Haidee ay hangang-hanga na siya sa mga reporter na nakikita sa telebisyon, mga tagapag-hatid ng balita sa mga tao. Kaya mula noon ay pinangarap na ni Haidee na paglaki niya ay magiging reporter siya sa TV.

Lumipas ang ilang taon na pag-aaral at patuloy pa rin na naging pangarap ni Haidee ito. Lagi siyang nanunuod ng mga balita para magaya niya ang mga ito. Kadalasan din ay siya ang naataasan na gumawa ng reporting sa kanilang eskwela at ginagamit niya ‘yon na paraan upang mahasa ang kanyang kakayanan upang maging isang reporter.

Ngunit hindi naging madali para kay Haidee na abutin ang mga ito. Noong papasok siya sa kolehiyo para kumuha ng mass communication, sa gusto niyang eskwelahan ay hindi ito nakapasa sa exam.

“Anak, ayaw mo bang kumuha na lang ng ibang kurso? Sabi kasi sa eskwelahan ay maari ka pa nilang tanggapin kung ibang kurso ang iyong kukunin,” wika ng ina ni Haidee matapos subukang makiusap sa eskwelahan na tanggapin ang anak.

“Nay, ‘yon po talaga ang gusto kong kurso. Naniniwala po ako ‘nay, kaya ko po. Kaya pag-iigihan ko pa para sa pangarap ko, marami pa namang pong eskwelahan diyan,” sagot ni Haidee na positibo pa din ang pananaw sa buhay upang matupad lang ang pangarap.

Sa pagsisikap at pagti-tiyaga ay nakahanap at nakapasa rin si Haidee sa isang paaralan at malayang nakakuha ng kursong mass communication. Dala ang apoy ng pangarap and pagsisikap ay natapos ni Haidee ng matagumpay ang pag-aaral.

Ngunit wala itong kamalay-malay na hindi pala magiging madali ang pag-abot ng kanyang pangarap. Ilang beses sinubukan ni Haidee na mag-apply sa mga tanyag na mga tv station upang maging isang reporter, ngunit ilang beses din itong paulit-ulit na nabibigo.

“Magaling ang pananalita mo, ngunit nakukulangan kami ng awra sa iyo,”

Advertisement

“Mitikuloso ang pananaliksik mo sa ibinigay sa’yong paksa, ngunit kulang ito ng saysay at kabuluhan.”

“Hindi ka papatok sa mga manunuod!”

“Hindi pang TV ang ‘yong mukha!”

“Walang dating ang pagbibigkas mo.”

“Subukan mo na lang magradyo, baka makapasa ka doon.”

“May nahanap kaming mas may itsura eh, kaya siya ang kukunin namin.”

Ilan ang mga ‘yan sa mga masasakit na salita na narinig ni Haidee sa kanyang pagpapatuloy na matupad ang pangarap. At unti-unti na itong nawalan ng tiwala sa sarili at pag-asa na darating ang araw na kanya itong matutupad.

Sinubukan pa rin ni Haidee, kahit sa radyo o sa mga dyaryo, ngunit hindi talaga ito nagkaroon ng pagkakataon na ipamalas man lang ang kakayahang mayroon siya.

Advertisement

“Nay, bakit ganoon? Hindi ba ako magaling? Dahil po ba sa hindi ako maganda, kaya ako hindi tinatanggap?” umiiyak itong sinabi ni Haidee sa kanyang ina.

“Magaling ka anak, taglay mo ang lahat ng pagsisikap at tiyaga ng isang matagumpay na tao. Wag kang mapagod sumubok ng sumubok, hanggang may kaya pang ilaban, ilaban mo anak,” payo ng ina ni Haidee.

“Alam ko anak na ‘yan talaga ang iyong pangarap, ‘yan talaga ang gusto mong gawin. Darating ang araw at magiging para sa iyo din ang bagay na gusto mo,” dagdag nito.

Matagal-tagal na rin na patuloy na sumusubok si Haidee na makapasok sa industriyang gusto nito. Saksi ang kanyang ina, sa lahat ng beses na inayawan ito ng mga tao, o ng kumpanya. Nais niya sana na sumubok ng iba ang anak, at baka doon ay mas makilala nito ang sarili.

“Anak, magmula maliit ka pa lamang ay pinangarap mo nang maging isang reporter. Unti-unti kang humakbang para subukang makamit ito, pero anak, bakit hindi mo subukan ang ibang bagay? Alam ko na nasa puso mo na ang kagustuhan na maging isang reporter, pero paano kung may ibang bagay ka pa pala na mas kayang gawin? Na ibang bagay pala ang nakalaan sa’yo?” payo ng ina nito.

“Ikaw anak, alam mo naman na nandito lang ako na laging nakasuporta sa’yo. Ano man ang maging desisyon mo o ang tatahakin mo, madapa ka man or bumangon, lagi lang akong nasa tabi mo para umalalay sayo,” patuloy na sinabi ng ina ni Haidee.

Matapos ang naging malalim na usapan nila ng kanyang ina, hinayaan ni Haidee na tanungin ang sarili kung ano pa nga ba ang iba nitong gustong gawin sa buhay, at paulit-ulit lang din niyang naiisip na maging reporter.

Dahil tumatakbo ang panahon, nagdesisyon na rin si Haidee na sumubok ng ibang bagay. Guro ang nanay ni Haidee, mula pagkabata nito ay namulatan na niya ang mga gawaing pang-guro ng kanyang ina.

Advertisement

“Nay, subukan ko na lang kaya magtitser?” sabi nito sa ina.

“Sigurado ka ba, anak? Kasi kung ‘yon ang susunod mong plano, susuportahan kita. Pwede ka naman kumuha ng panibagong kurso para maging guro,” sagot ng kanyang ina.

“Oo ‘nay, gusto ko pong subukan,” ani Haidee.

Sinuportahan ng ina niya ang plano niyang pag-aaral ng edukasyon para makapagturo. ‘Di naglaon ay tulad noon, pinagsikapan ni Haidee na tapusin ang napiling propesyon. Nakapasa ito ng licensure exam at naging isang ganap na guro.

Kasalukuyan ay nagtuturo na ito sa isang pangpublikong paaralan. Halos dalawang taon na rin ito doon, at may mga pagkakataon na lagi pa rin niyang naalala ang pangarap na maging isang reporter noon. Ngunit hindi tulad ngayon, hindi na ang pagiging reporter ang pangarap niya. Binago na ito ng naging propesyon.

Nang maging guro si Haidee, naging saksi ito sa mga malulungkot at masasayang pangyayari sa kanyang mga estudyante. Nasaksihan din nito ang pagbabago ng mga ito at ang epekto ng mga aral na kanyang binabahagi sa mga ito. Ang bawat ngiti at tagumpay ng kanyang mga mag-aaral ay siyang mas nagpapalakas ng loob niya at mas nagbibigay sa kanya ng inspirasyon na ipagpatuloy ang napiling propesyon.

“Nay, alam mo ba may mga araw na naiisip ko pa rin ang mga nangyari noon. Yung matibay kong pangarap na maging isang reporter, at yung lungkot ko noon na kahit anong gawin ko ay hindi ko magawang matupad ‘yon. Naiintindihan ko na ngayon ‘nay,” wika ni Haidee nang minsan ay nakapagkwentuhan sila ng kanyang ina sa veranda ng kanilang bahay.

“Naiintindihan ko na nay kung bakit paulit ulit ako inayawan or hindi tinatanggap noon nung nag-a-apply pa lang ako bilang reporter, lahat ng pagtanggi ng mga tao sa akin noon, may dahilan pala ‘yon lahat ‘nay. Na kaya hindi sakin binigay yung bagay na sobrang pinapangarap ko noon, ay dahil dito ako nilaan ng Panginoon,” pagpapatuloy nitong kwento sa ina.

Advertisement

“Na ang pagtuturo pala ang magiging misyon at tungkulin ko sa buhay. Na ang pagtuturo, pag-aalaga at pag-aasikaso sa aking mga estudyante ang tutupad sa pangarap ko. At binigay sakin ito upang hindi lang makapagbahagi ng kaalaman sa mga aralin, kundi mga aral din sa totoong buhay na maari kong ibahagi sa aking mga estudyante,” dagdag pa nito.

“Oo anak. Tandaan mo, mabigo ka man o matanggihan sa mga inaasam mo sa buhay, lagi kang daldalhin ng Diyos sa dapat na iyo. Nabigo ka man noon na tuparin ang pangarap mong maging isang reporter ay naging daan ito upang tahakin ang propesyon ng pagtuturo na mas nakalaan ang isang katulad mo anak, na hindi lang galing ang ipapamalas kundi pati na rin ang determinasyon na makapagbigay ng inspirasyon sa mga estudyante niya” wika ng ina ni Haidee.

Hindi man nakamit na Haidee na pinapangarap niya noon, ay nahanap naman niya ang puso at pangarap niya sa tinatahak na propesyon ngayon, at ito ay ang pagiging isang mabuting guro.