Pekeng Bulag

Mahirap ang buhay, alam na alam na iyan ng binatang si Lenard. Dose anyos lamang siya nang pumanaw ang kanyang ina dahil sa sakit na tuberculosis. Ang tatay niya naman ay nakakulong dahil isa itong snatcher.

Usap-usapan nga sa iskwater na tinitirhan nila, na kung ano ang puno ay siya ring bunga. Paano kasi, tulad ng tatay niya ay nagnanakaw rin siya sa kapwa. Magkaiba nga lang sila ng paraan, kung ito ay nanghahablot nalang basta, siya naman ay ginagamit ang awa para makakuha ng pera.

Nagpapanggap siyang bulag para makapanlimos. Labag man sa kalooban niya ay wala naman siyang pagpipilian. Mapapakain ba ng konsensya niya ang apat niya pang maliliit na kapatid? Hindi.

Kaya heto siya, nasa ilalim ng overpass, nakasuot ng shades at may bastong gawa sa kahoy.

“Palimos na po, kinain na ng katarata ang mata ko. May maliliit ho akong kapatid, palimos na po.” wika niya, kakapa-kapa na, uubo-ubo pa.

Kanina pa siya palakad-lakad rito ay bente pesos palang ang naku-kubra ni Lenard. Napanghihinaan na siya ng loob dahil mag aalas onse na ng umaga, hindi pa nag aalmusal ang mga kapatid niya.

Simple siyang napangisi nang isang magarang kotse ang tumigil sa tabi. Mukhang nasiraan ito.

Kinatok niya ang bintana ng kotse, “Boss, palimos na ho. Pangkain lang namin ng mga kapatid ko,” wika niya.

Advertisement

Bumaba naman iyon at bumungad ang isang may edad nang lalaki. Magara ang suot nito, dumampot ito ng bente pesos sa lalagyan nito sa unahan at iniabot iyon sa kanya.

“S-Salamat po,” wika niya.

Pero di pa rin umalis ang lalaki. Bumaba ito at tumayo rin malapit sa kinalalagyan niya.

“May alam ka bang malapit na talyer boy? Nasiraan ako,” wika nito sa kanya.

Mabilis na nag isip si Lenard. Paano niya ba ipapaliwanag rito ang direksyon papunta sa talyer nang hindi nito nahahalatang nakakakita siya talaga? Kung hi-hindi naman siya, sayang, baka madagdagan pa kasi ang benteng bigay nito.

“A-Ang alam ko ho Ser, may karinderya maka-liko ng p-poste. Sa kanang bahagi ho, may talyer.” sagot niya.

Nakita niyang tumangu-tango ang lalaki. Kinuha nito ang cellphone at tila may itine-text. Dahil sa init na rin ng panahon ay tagaktak na ang pawis nito.

Sanay kasi sa aircon, ang bilis pawisan, wika ni Lenard sa kanyang sarili.

Advertisement

Kinapa ng lalaki ang bulsa niya at hinanap roon ang panyo. Sukat sa pagbunot nito ng panyo ay saktong nalaglag ang isang libong piso.

Kahit naka-shades ay nanlaki ang mata ni Lenard, datung!

Tiba-tiba!

Muli niyang minasdan ang lalaki, mukha namang di nito napansin. Kunwari ay nagkamot siya ng binti tapos ay mabilis niyang dinampot ang isang libo, ibinulsa iyon.

“Bakit mo kinuha ang pera ko?” napapitlag siya sa sinabi ng lalaki.

“Akin ho ang isang libong ito-” maging si Lenard ay napahinto sa sinabi niya. Lagot, buking na. Paano niya nalaman na isang libo ang halaga ng salapi gayong ‘bulag’ nga siya?

Nakatitig lang sa kanya ang may edad nang lalaki at akmang tatakbo na si Lenard nang bigla siya nitong hawakan sa braso.

“Bakit ka nanloloko boy?”

Advertisement

“Patawarin nyo ho ako kuya! Wag nyo akong ipapupulis, kaya lang naman ako nanloloko dahil ho may mga kapatid akong nagugutom. Hindi ako maka-apply ng trabaho dahil menor de edad pa ako at no read no write!” tuloy tuloy na wika niya, tinangka pang pumalag pero mahigpit ang hawak ng lalaki.

“Sige, samahan mo ako sa talyer. Pag nagawa ang kotse ko ay dalhin mo ako sa mga kapatid mo, kailangan kong malaman na nagsasabi ka ng totoo.”

Nakatungong pumayag si Lenard, mabilis umandar ang oras at nagawa na ang sasakyan. Sinamahan niya ang lalaki sa iskwater kung saan sila nakatira.

“Ser, wag nyo naman na ho sana akong ipapulis. Mapupunta ho sa DSWD ang mga kapatid ko. Magkakahiwalay kami. Ser, sila nalang ho ang mayroon ako,”

Lalo siyang napaiyak nang buhatin ng lalaki ang kanilang bunso, hinawakan nito sa kamay ang isa pa.

“Ser wag nyo ho silang-” napahinto siya sa pagsasalita sa kasunod na sinabi ng lalaki.

“Tena, bakit nakatayo kapa dyan? Kakain tayo. Kumain na ba kayo mga bata?”

Para siyang nabingi pero totoo nga ang sinabi nito, dinala sila ng mga kapatid niya sa mamahaling restaurant at iniorder sila ng maraming pagkain.

Advertisement

Ngayon lang sila nabusog ng ganito sa buong buhay nila, kahit Pasko noon ay hindi napupuno ang kanilang tyan.

“Boy, bibigyan kita ng pagkakataon ha? Wag mong sasayangin,”

“B-Bakit ho?”

Napangiti muna ito bago sumagot, “Dahil ganyan rin ako noon,”

Ang lalaki ay si Mr.Garcia. Ikinuwento nitong dati rin itong galing sa hirap, nagpapahid pa nga ng dilaw na pangkulay ng buhok sa katawan para mukhang may hepa. Tapos ay magso-solicit, tulad niya, napilitan lang rumaket para may ipakain sa pamilya. Isang matandang mayaman ang kumupkop rito noon at nagpaaral.

Kaya bilang ganti sa kabutihan ng yumao nang matanda, ito naman ngayon ang nagbibigay tulong sa mga batang kalye. Isa na nga roon si Lenard, una palang ay alam na ng lalaki na gimik lang ang pagkabulag niya.

Tuwang-tuwa ang binata, nangako siyang hindi sasayangin ang pagkakataon na tinupad niya naman. Pinag aral sila nito ng mga kapatid niya. Napakalaking pasasalamat niya kay Mr.Garcia na tinangka niya mang lokohin, kabutihan pa rin ang isinukli sa kanya.

Wag nating sukuan ang buhay, masalimuot man, tiyak na nasa dulo ang ginhawa. Laban lang!