Sinamantala ng Dalawang Lalaki ang Kabutihan ng Probinsyanong Kababata, Di Nila Alam na May Hawak Pa Pala Itong Ibang Alas

Kadarating lang ni Gido sa Maynila mula sa kanilang probinsiya. Dahil hindi sanay sa Maynila, kinatagpo niya ang kaniyang dalawang kababata na matagal nang nakalipat doon. Sa Maynila na kasi nag-aral ng kolehiyo at nagtrabaho ang dalawa. Habang si Gido ay ngayon pa lamang maipapagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo sapagkat kinailangan niya munang magtrabaho para sa kaniyang pamilya. At dahil malapit sa papasukang unibersidad ng binata ang inuupahang bahay ng mga kababata, naisipan nilang magsama-sama sa iisang bahay upang makatipid.

“Tonyo, Fernan, kumusta na kayo? Salamat sa pag-alok sa akin na sumama na lang sa inuupahan niyong bahay,” bungad na bati ni Gido sa mga kababata.

“Ayos naman kami. Mabuti nga at sa inuupahan ka namin tumuloy para pare-pareho tayong makatipid,” sagot ni Tonyo.

Ipinagpatuloy nila ang kanilang kwentuhan sa loob ng bahay. Iniabot ni Gido ang mga dala-dalang gulay at prutas na pasalubong niya para sa mga kababata. Matapos nito ay itinuro na nila Tonyo at Fernan ang magiging kwarto ng binata.

Inihatid nila ito sa isang maliit na kwartong katabi ng kusina at palikuran. Maganda nga raw ito dahil paglabas niya lang ng kwarto ay halos nandoon na siya sa mga kailangan niya.

Pag bukas ng pinto, bumungad kay Gido ang isang maliit na kwarto na napakadumi at tila tambakan ng mga lumang gamit. Imbes na madismaya ay natuwa pa ang binata dahil hindi niya akalain na magkakaroon siya ng sariling silid. Nasanay kasi siya sa kanilang probinsya na tabi-tabi lang sila sa iisang kwarto.

Kaagad niya nang nilinisan at inayos ang kaniyang kwarto. Kahit na pagod na siya mula sa biyahe ay nagmabuti na rin siyang magluto ng hapunan para sa kanilang tatlo. Matapos nilang kumain ay umalis na ang dalawa upang pumasok sa kanilang trabaho bilang call center agents.

Habang papasok sa trabaho ay napag-usapan nina Tonyo at Fernan si Gido.

Advertisement

“Buti na lang at hindi nagreklamo si Gido doon sa maliit na kwartong tambakan,” sabi ni Fernan.

“Oo nga, eh. At tsaka hindi niya alam na mas malaki yung binabayaran niyang renta kaysa sa atin,” sagot ni Tonyo sabay tawanan ang dalawa. Masayang-masaya ang dalawa na magulangan ang probinsyanong binata.

Kinabukasan, pag-uwi nila Tonyo at Fernan ay mayroon nang nakahain na agahan para sa kanilang tatlo. At dahil alam ni Gido na pagod ang dalawa mula sa trabaho ay siya na rin ang nagligpit ng kanilang pinagkainan bago pumasok sa unibersidad.

Pag pasok sa klase ay nagkaroon siya ng kaibigan na agad niyang nakasundo. Ang pangalan ng bagong kaibigan niya ay Romeo. Noong nalaman ni Romeo na naghahanap si Gido ng trabaho na maisasabay niya sa kaniyang pag-aaral, agad niyang kinausap ang kaniyang ama na isang manager ng mga sikat na artista. Dahil dito ay nagkaroon agad ng trabaho si Gido bilang assistant o personal na alalay ng ama ni Romeo sa pagiging manager. Agad siyang sinubukan sa araw na iyon at namangha ito sa pinamalas niyang kasipagan.

Pag-uwi ng bahay ay nadatnan ni Gido sina Tonyo at Fernan.

“Kumain na ba kayo?”

Noong sumagot ng hindi pa ang dalawa ay nagkusa na itong magluto sapagkat nagugutom na rin siya.

Napangiti sina Tonyo at Fernan, sabay nagbulungan. “Ayos ‘to, parang may kasambahay na tayo.”

Advertisement

Matapos kumain, agad nang umalis ang dalawa na hindi man lang tumulong sa paglilinis ng pinagkainan. Kahit na pagod sa eskwela at trabaho si Gido ay nilinis niya pa rin ang lahat ng kalat.

Lumipas ang ilang buwan at naging ganoon na nga ang nakasanayan sa kanilang inuupahan. Naging tiga-luto, tiga-ligpit at tiga-linis si Gido nina Tonyo at Fernan. Kung minsan ay binobola pa nila ito upang isabay ni Gido ang maruruming damit nila sa labada. Lahat ng ito ay pinalampas ng binata dahil sa magandang samahan nila noon ng mga kababata. Paraan niya ito ng pasasalamat sa dalawang butihing kaibigan. Hanggang sa isang araw ay kumatok ang nagpapaupa sa kanila ng bahay upang maningil.

“Gido, nasaan ang mga kasamahan mo? Nasaan na ba ang bayad ninyo ngayong buwan? Mura na nga ang singil ko sa inyo tapos parati pa ring huli ang pagbabayad niyo. Akin na ‘yong pitong libong piso,” bungad ni Aling Maris.

Nagulat si Gido sa presyong binanggit ni Aling Maris. Sinabi na lamang niyang na kina Tonyo at Fernan na ang pera, at bibilinan na iabot na lamang agad sa ginang kapag nakauwi na ang dalawa. Wala nang magawa si Aling Maris kaya umalis na lang ito.

Noong makauwi na sina Tonyo at Fernan ay agad silang kinompronta ni Gido.

“Dumating si Aling Maris at naniningil ng upa. Bakit apat na libong piso ang pinapabayad niyo sa akin dito samantalang pitong libong piso lang palaa ang isang buwang upa? Hamak na mas malaki ang mga kwarto ninyo kaysa sa akin pero mas malaki ang hati ko. Parang hindi naman ata tama iyon.”

Hindi niya na hinayaang mangatwiran pa ang mga ito at pumasok na lamang sa kaniyang kwarto. Agad niyang tinawagan ang kaibigang si Romeo.

Kinabukasan ay nagpaalam na si Gido kina Tonyo at Fernan. Inalok siya ni Romeo na manirahan sa kaniyang condo na walang renta. Hindi gaya ng dalawang pinakisamahang mga kababata na niloko lamang siya at sinamantala ang kaniyang kabutihan.

Advertisement

Di kalaunan ay mas lalong nagtibay ang pagkakaibigan nina Gido at Romeo.

Noong pumasok na sa pag-aartista si Romeo ay hindi lamang niya lalong tinulungan si Gido. Hindi niya ito ginawang assistant o alalay, bagkus ay ginawa niya rin itong artista hanggang sa sumikat ang kanilang tambalan at nakilala sa buong Pilipinas.

Naging magkasosyo rin sila sa iba’t-ibang mga negosyo at naging matagumpay. Habang sina Tonyo at Fernan ay ganun pa rin ang katayuan sa buhay.

Malaki ang pagsisi ng dalawa sa tuwing makikita sa telebisyon ang kababata. Naisip nila na kung itinrato lamang sana nila ng tama ang binata ay makakatikim pa sila ng tagumpay nito. Ngunit huli na ang lahat dahil kailanma’y hindi na sila kinausap ni Gido dahil sa labis na hinanakit nito mula sa ginawa nilang pang-gugulang. Kaya naman natutunan ng dalawa na walang buting naidudulot ang panglalamang sa kapwa.