Hindi Kuntento sa Buhay Niya ang Babae dahil Gusto Niya ng Karangyaan, Isang Insidente ang Nasaksihan Niya na Magpapabago sa Kanyang Paniniwala

“Ang swerte talaga ng mga ipinapanganak nang mayaman ano, iyon bang may limpak limpak na salapi. Iyong kahit na anong bilhin mo, napakadami mo pa ring pera, hindi nauubusan. Sana gano’n tayo no,” nangangarap na sabi ni Vangie sa kanyang asawa, nakapikit pa siya at tila dinadama ang sarap ng buhay sakaling magkatotoo ang kanyang pinapangarap.

“Oo naman, pero hindi na rin naman masama itong atin. Nakakakain naman tayo ng tatlong beses sa isang araw, nag-aaral ang mga bata. Sa akin, pasalamat na rin na hindi tayo gutom,” kuntentong sabi ni Dino, ang kanyang mister.

“Yan ang hirap sayo eh, wala kang pangarap sa buhay. Buti pa ang asawa ni Mareng Risa, nangangarap yumaman at nagsusumikap eh,” sabi niya, hindi na inisip na masasaktan ang mister sa pagkukumparang iyon. Ang totoo naman kasi, puno ng pangarap ang kanyang asawa para sa pamilya nila, pero hindi ito nagiging ambisyoso. Nagdadasal ito ng maginhawang buhay pero hindi dumarating sa puntong tulad niya na isinusumpa na ang kasalukuyan. Iba kasi ang kahulugan ng kasiyahan para sa kanya, iyon ay pera, pera , pera.

Hindi na kumibo ang nasaktang lalaki.

“Tay! Perfect ako sa school o! Si Michelle din po!” buti nalang at lumapit sa kanyang mister ang panganay niyang si Michael, ang Michelle na tinutukoy nito ay ang kanilang bunso. Napairap si Vangie, kung anu ano kasing kalokohan ng mga bata.

“Ang galing mo naman anak, mana sa tatay yan!” sabi ni Dino na tinapik pa ang balikat ng siyam na taong gulang na batang lalaki. Si Dino ay isang jeepney driver habang mananahi naman si Vangie, minsan iniisip ng babae kung mararanasan niya kayang sumakay sa magandang kotse? Tumungtong sa magandang bahay, o iyon bang makatulog sa mamahaling hotel tulad ng mga nakikita niyang ginagawa ng mga ka-batch niya? Nakikita niya kasi ang post ng mga ito sa Facebook at inggit na inggit siya dahil wala siyang mai-post, ang panget ng bahay nila. Bato nga pero walang pintura, nakakahiya!

Makalipas ang ilang taon ay gumraduate na sa high school ang panganay nilang si Michael habang si Michelle naman ay graduate na sa elementary. Tuwang tuwang umuwi ang binatilyo para ibalita sa ina na natanggap siyang scholar sa magandang eskwelahan, ibig sabihin ay libre na ang tuition fee. Aba, malaking bagay na iyon!

“Nanay, tignan mo o, top 2 ako sa pinakamataas ang score sa scholarship exam, sabi nga daw ng mga teacher ko, parang alam ko na raw ang itatanong eh. Alam mo nay kapag nakapag aral ako at nakapag trabaho ibibili ko lahat ng gustuhin ninyo ni tatay, di ka na kailangang manahi at di na mamamasada si tatay. ” nagmamalaking sabi nito, umaasang matutuwa ang ina.

Advertisement

“Alam mo Mike, kayo lang ng tatay mo ang may gusto niyang scholar scholar na yan e. Kung ako lang rin ang masusunod huminto ka na muna sa pag-aaral, maraming ano dyan eh. Ano ba ang tawag doon? Wag kang mag factory worker maliit ang sahod. Iyon bang.. inbound ano, call center! Papatak raw ng trenta mil ang sahod buwan-buwan eh. Iparanas mo naman sa aking yumaman!” sabi niya sa anak. Masama ang loob ng binatilyo na pumasok na lang sa kwarto at di kumibo.

Kinabukasan, nag-aalmusal sila nang kumatok ang kumare ni Vangie at sabihan siyang may taga-subdivision daw na naghahanap ng mananahi at inirekomenda siya nito. Magpapagawa raw kasi ng cover ng sofa.

“Gandahan mo mars ha, wag mo kong ipapahiya. Galante yan si ma’am pag nagpapalaba sa akin,” sabi pa ng babae. Na-excite naman si Vangie sa narinig, pagbubutihin niya talaga.

Nang ibaba siya ng tricycle sa tapat ng gate ng malaking bahay ay namangha si Vangie sa laki nito, may katulong pa na pinagbuksan siya ng gate. Lalong napanganga ang babae pagpasok sa loob, napakakinang ng marmol na sahig, marangya ang sofa nito na kulay puti, narra ang malaking mesa. May magandang aso na alagang-alaga, sigurado siyang mahal pa ang shampoo nito kaysa sa damit niya ngayon.

“Ikaw si Vangie?” tanong ng babae na nakababa na pala sa hagdan. Siguro ay ka-edad lang niya ito, nga lang ay mas elegante. Hikaw pa lang na suot nito ay kulang na yatang pambayad ang lahat ng kinita ni Vangie sa buong buhay niya.

“Y-yes ma’am. Kayo po si Mrs. Paminiano?” tanong niya, tumango naman ang ginang at iminuwestra sa kanya ang sofa. Sinimulan na ni Vangie na magsukat, mabait naman ang ginang at nakikipagkwentuhan.

Ang swerte niya naman, ang ganda ng buhay niya. Sana pareho kami,  sa isip isip ni Vangie. Maya-maya pa ay narinig nila ang isang kotse na pinagbuksan ng katulong.

“Saglit lang ha, nandyan na si Rj, anak ko.” excited na sabi nito, halatang sobrang saya na dumating ang anak. Siguro, swerte rin ito sa anak. Umalis na ito at sinalubong ang dumating.

Advertisement

Pero nagulat si Vangie nang iba ang kanyang marinig.

“O my god ma I’m so busy! I’ve no time talking to you! Can’t you see na may kausap ako sa phone? Stop following me! sh*t naman si mommy eh,” sabi ng lalaki, dumaan ito sa harap niya at saglit lang siyang tinitigan mula ulo hanggang paa tapos dumiretso na sa taas. Maya-maya ay nasa likod niya na ang napahiyang si Mrs. Paminiano.

“Bumalik ka na lang sa ibang araw, pasensya na.” nakatungong sabi nito, hindi makatingin sa kanya. Talagang dinamdam ata nito ang naging pakikitungo ng walang hiyang anak.

Pag-uwi ni Vangie ay inabutan niya si Michelle na gumagawa ng assignment habang si Michael naman ay inaayos ang paa ng upuan niya kapag nananahi. Agad lumapit ang mga ito at nagmano sa kanya nang makita siya.

Napaluha si Vangie habang yakap ang mga anak, at bumulong: “Napakaswerte ko sa inyo.”

Siguro ay itinadhana talagang masaksihan niya ang nangyari kanina para lang maisip niyang hindi lang pera ang nagpapayaman sa tao. Madalas, ang tunay na kayamanan ay nasa pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa atin.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.