Inis na Inis ang Misis sa Asawang Napakabaho Kung Umutot; Hindi Niya Inakalang Ang Masangsang na Amoy Nito Ang Magliligtas sa Kaniyang Buhay

“Ano ba naman yan, Jun! Ang sarap sarap ng tulog ko. Nagising ako sa bantot ng pinakawala mong hangin sa puwit! Na naman! Magpatingin na tayo sa doktor! Baka bulok na ‘yang tiyan mo!” Gigil na gigil sa sambit ni Julia sa asawa. Palibhasa’y maghapon itong gumagawa ng gawaing bahay at nag-aalaga ng tatlong maliliit na anak kaya’t labis ang pagod nito. ​

“Sorry na, mahal. Napakain kasi ako ng maraming kamote sa opisina. Nagbabawas din kasi ako ng timbang kaya’t puro kamote ang kinakain ko.”

“Oo na! Maghiwalay na nga lang tayo ng kuwarto. Tatabi na lamang ako sa mga bata! Baka maaga akong mamatay sa kakalanghap ng utot mo!”

Nang akmang tatayo na sa kama’y pinigilan ni Jun ang asawa.

“Dito ka lang, mahal. Alam mo namang hindi mahimbing ang tulog ko kapag ‘di kita katabi.” Paglalambing ni Jun.

Wala na lamang nagawa si Julia at bumalik ito sa pagtulog.

“Hala, bakit nandito ako? Bakit makulimlim? Gabi ngayon pero parang dapit hapon. Bakit naman sobrang naging malungkot ang pakiramdam ko!?” Saad ni Ju​lia​ sa sarili habang nakaupo sa harap ng isang sira-sirang bahay. Nakasabit pa dito ang mga litrato niya kasama ang ibang lalake. Nakadamit pangkasal pa sila ng lalake sa litrato.

“Bahay ko ba ‘to? Nandito pati mga litrato ng mga anak ko. Bakit hindi si Jun ang kasama ko sa litratong nakasabit?”

Advertisement

​Takang-taka siya kung bakit ang dating tatlong palapag na bahay ay naging gawa na lamang sa kahoy.

“Beh, pasok na tayo sa bahay. Pahinga na tayo.” Sabay kindat ng isang lalakeng walang saplot pang-itaas habang hinihithit ang sigarilyo.

“Ha?” Takang-taka si Julia.

“Anong ha? Pumasok na tayo sa bahay! Tanga ka ba o nagtatanga-tangahan?” Saad ng lalake.

Kumakabog na ang dibdib ni Julia ngunit hindi niya malaman kung bakit tila wala siyang magawa, kusa siyang dinala ng kaniyang mga paa sa loob ng sira-sirang kahoy na bahay.

Pagpasok doon ay agad siyang pinupog ng halik ng lalake. Amoy pinaghalong alak at sigarilyo pa ang hininga nito. Halos maduwal siya sa nakakasulasok na amoy nito.

“Huwag po, maawa na kayo sa akin! Hindi ko kayo kilala!” Pagmamakaawa ni Julia.

“Siraulo ka ba? Hindi mo kilala ang asawa mo?” Saad ng lalake.

Advertisement

Tila nanggigigil ito sa kaniya sapagkat ayaw niyang sumunod sa kagustuhan nito. Pilit nitong hinuhubad ang saplot ni Julia ngunit pinipigilan niya ang kamay ng lalake. Sa galit nito’y sinakmal siya ng buong puwersa sa leeg.

​Hilong-hilo na siya at hindi makahinga. Doon napagtanto niya na siya’y nasa isang malagim na bangungot.

Pilit hinahabol ni Julia ang kaniyang hininga ngunit nagdidilim na ang kaniyang paningin. Habang sinasakal ng lalake ay kung saan-saang parte na ng katawa niya ito humahawak.

Sa sobrang takot ni Julia ay nadumi ito sa salawal, tila bumaligtad ang sikmura ng lalake at ang pagkakasakal nito sa kaniya ay unti-unting lumuwag hanggang sa hindi na nito kinaya ang nakasusulasok na amoy ng dumi ni Julia at tumakbo papunta ng banyo’t nagduduwal. Pilit pa ring ​hinahabol ni Julia ang hininga. Pawis na pawis siya nang imulat ang mga mata.

Nasa isang bangungot nga siya! Amoy na amoy pa rin niya ang singaw ng dumi sa panaginip. Kinapa niya ang kaniyang pang-ibaba ngunit wala naman siyang dumi.

Nakita niya ang asawang si Jun na himbing na himbing sa pagkakatulog. Sinundan niya kung saan nanggagaling ang masangsang na amoy at tama nga ang kaniyang hinala! Umutot na naman ito.

Sa halip na mabuwisit ay niyakap na lang niya ang asawa habang hinahabol ang hininga. Agad niyang inabot sa lamesa ang isang boteng mineral water. Halos maubos niya ang laman noon nang wala pang limang segundo.

Nang mahimasmasan ay tawa na siya ng tawa. Hagalpak si Julia sa katatawa at sa sobrang lakas ng halakhak nito’y nagising ang mister.

Advertisement

“Ano ba naman yan, mahal! Madaling araw na’y tawa ka pa ng tawa mag-isa!”

Hindi pa rin makapagsalita ng tuwid si Julia.

“Yung… Yung utot mo… HAHAHAHAHA… Ang nagligtas ng buhay ko!” Nananakit pa ang tiyan nito sa kakahalakhak.

Agad ikinuwento ng misis ang kaniyang masamang panaginip sa asawa at hindi na rin nito napigilan ang paghagikgik.

Hindi lamang puro magagandang katangian ang dapat nating panghawakan sa taong ating minamahal. Wala naman kasing perpektong tao. Napakahalaga sa pagsasama na matanggap mo ang bawat kapintasan ng iyong kabiyak dahil ika’y may sarili din namang mga pagkukulang at kapintasan.