Hindi Alam ng Babae Kung Paano Ipagtatapat sa Mga Bata na Wala na ang Ama Nila, Ngunit Ang Kaluluwa ng Ama ang Namaalam Kahit Nasa Kabilang Buhay Na

Huling araw na ng burol ng kuya ni Grace. Bukas ay ililibing na ito, abala ang lahat dahl maraming kamag anak ang dumadalaw upang sa huling sandali ay masilayan ang kapatid niya na kay agang binawian ng buhay. Sakit sa puso ang dahilan ng pagkawala ng kuya niya, talaga namang biglaan iyon dahil bigla na lang itong napaupo habang hawak ang dibdib, at tumumba. Pagdating sa ospital ay sinubukan pa itong iligtas pero huli na ang lahat.

Ang pinakanakakaawa, ay ang dalawang maliit na anak nito.

Si Roxanne, 5 taong gulang, at si Marky, 3 taong gulang. Hiwalay ang mga magulang nito at hindi alam ni Grace kung nasaan na ang nanay ng mga bata, iniwan na lang kasi nitong bigla ang kuya niya dalawang taon na ang nakakalipas.

Ngayon ay tuluyan nang naulila ang dalawa, siya na lang ang natatanging kamag anak ng mga ito. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa dalawa na wala na ang papa nila.

“Tita, papa sleep pa rin po?” tanong ni Roxanne sa kanya.

“Oo baby, sleep lang si papa mo..” mahinang sagot niya rito. Habang si Marky naman ay tahimik na naglalaro lang hawak ang robot nito.

Ilang sandali pa ang lumipas, naging abala ang dalaga sa pag asikaso sa mga bisita. Namimigay siya ng lugaw, biscuit, kape, at candy sa mga nagsasakla, maging sa mga bagong dating.

Ang dalawang bata naman ay naiwan lang sa sofa katapat ng ataul ng kanilang ama. Doon rin gustong matulog ng dalawang bata, inisip ni Grace na marahil ay natatakot ang mga ito sa kwarto kaya hinayaan na niya, malaki naman ang sofa at ayos na rin iyon para madali niyang nakikita ang mga ito.

Advertisement

Bandang alas dose ay nakita niyang tulog na ang mga bata. Makalipas ang ilang oras na pag aasikaso, mga alas tres na ng madaling araw ay napansin ni Grace na gising ang dalawa, nakasandal sa sofa.

Si Roxanne ay nakangiti habang si Marky naman ay humahagikgik pa.

Kumakaway ang batang lalaki, mula sa ataul hanggang sa pintuan.

“Bye! Bye! Hihihi” masayang sabi ni Marky.

Inisip ni Grace na baka naglalaro lang ang dalawa.

“Xanne, Mark, sleep na ulit. Maaga pa para sa laro.” utos niya sa mga ito.

‘Si Papa kasi Tita, nanggigising.” sabi ni Roxanne na nakatanaw pa rin sa pintuan at kumakaway na rin.

“Ano’ng..?” hindi niya naituloy ang sasabihin dahil nagsisimula na siyang kilabutan, paano naman kasi, ang pintuan ay nasa likod niya lang.

Advertisement

“Alis na ikaw? Love you too!” sabi ni Marky na nagflying kiss pa. Matapos ang ilang sandali ay muli siyang tiningnan ng dalawang bata.

“Wala na. Alis na.” sabay pang nagsalita ang mga ito. Kinikilabutan man ay tila lumuwag ang dibdib ng dalaga.

Hindi na niya kailangang problemahin ang pagtatapat sa mga bata dahil kuya na niya mismo ang namaalam sa mga ito, bago tumawid ay hindi nito kinalimutang patawanin at mahalin ang mga anak.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.