Matagal na Panahong Tiniis ng Ama ang Anak Dahil Nabuntis Ito ng Maaga, Ito Lang Pala ang Kailangan Para Lumambot ang Puso Niya

Engineer si Fred sa isang magandang kumpanya, ang misis niya ay nananatili lang sa bahay at nagbebenta ng mga cake online, masaya naman ang babae sa ganoon dahil hilig talaga nito ang pagbe-bake. Ang panganay niya, si Criselda ay 19 taong gulang at isang semester na lang ay ga-graduate na ng college; ikalawa si Charles na 13 taong gulang, at bunso naman si Clyde na 8 taong gulang.

“Kumain ka na, nauna na kami ng mga bata dahil nagugutom na raw sila.” sabi ng misis ni Fred habang hinahainan siya ng hapunan.

“Ah, kumain na pala kayong apat, buti naman.Kasi alas singko na ako nakalabas sa opisina, dalawang oras pa ang byahe.” sagot niya naman sa asawa.

“Hindi, kaming tatlo pa lang ni Charles at Clyde, wala pa si Crisel eh, nagtext kaninang gagabihin raw. Maya maya lang siguro darating na rin yon.” sabi ulit ng kanyang misis.

“O? Gabi na ah? Ano raw ang ginagawa?” tanong naman ulit ni Fred, nag aalala siya dahil dalaga na ang anak at marami na ang masamang tao sa panahon ngayon.Sana ay ihatid ng boyfriend si Criselda para hindi sila mag aalala.

“Eh may project daw.O ayan na pala, kasama si Alex, halika na kayo kain na.” sabi ng misis niya na nakatingin sa pintuan, kasama ni Criselda ang boyfriend.

Hindi alam ni Fred pero hindi maganda ang pakiramdam niya ngayon.Minamasdan niya ang magnobyo at tila may gusto itong sabihin nang umupo sa harapan niya.

“Gabi na kayo Cris,” puna ni Fred sa anak.

Advertisement

‘P-papa, may sasabihin kami ni Alexander..” mahinang sabi ng panganay niyang anak.

Tahimik lang na nakikinig si Fred, siguro ay bilang ama, kinukutuban na siya. Pero sana ay mali ang iniisip niya. Naroon din ang misis niya na tila maiiyak na, siguro ay naramdaman na rin nito.

“Tito, Sorry. Si Crisel po kasi, buntis po siya,dalawang buwan na po.” halos pabulong na lang ang pagkakasabi ng binata pero parang bomba iyon na sumabog sa ulo ni Fred.

“Lumayas ka sa harapan ko.” matigas na sabi ng lalaki.

“Papa?” umiiyak na si Criselda, hawak hawak ito ng nobyo sa balikat.

“Lumayas kayong dalawa sa harapan ko!”

Walang nagawa ang dalawa kundi ang umalis. Simula noon ay hindi na niya nakita ang anak, alam niyang pinupuntahan ito ng misis niya pero hindi siya nagtangkang sumama sa babae,labis kasi siyang nasaktan. Pakiramdam niya ay niloko siya ng mga ito.

Makalipas ang pitong buwan, nalaman niya sa misis na nanganak na si Criselda, babae daw. Gusto man niyang dalawin ang anak ay tila mas mataas ang kanyang pride. Binabalitaan naman siya ng asawa tungkol kay Criselda kaya siguro ay ayos na iyon.

Advertisement

Hanggang isang Sabado, habang nanonood ng TV si Fred ay may bigla na lang humawak sa kanyang balikat.

“Papa..” mahinang tawag ni Criselda.

Paglingon ni Fred ay nakita niya ang anak, medyo tumaba ito.

“Anong ginaga-” pabulyaw pa lang ang lalaki nang masulyapan niya ang sanggol.

Tila napawi lahat ng galit at hinanakit sa puso niya, napahawak siya sa dibdib at pinipigilang maluha.

“Apo ko..” tanging nasabi niya. Naluha din si Criselda, dahil alam nya, doon mismo, ay napatawad na siya ng kanyang ama. Nagkamali siya pero hindi pa naman huli para itama ang lahat.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.