Nakita ng Mangingisdang Ama na Nahihirapan ang Anak sa Pag-aaral Dahil sa Kahirapan, Isang Hindi Matatawarang Sakripisyo ang Kanyang Ginawa

Maingat na isinalansan ni Mark ang mga notebook, dadalhin niya ang mga ito sa computer shop, may mga ipinapagawa na naman kasing project ang kanyang professor at kakailanganing sa computer iyon gawin. Nasa ikaapat at huling taon na siya sa college, kumukuha siya ng kursong Education, major in Mathematics. Nais niya kasing maging guro balang araw. Kahit na sa Maynila siya nag aaral ay uwian pa rin siya at hindi nagbo-boarding house, makakadagdag gastos pa kasi iyon.

Mag isa lang siyang binubuhay ng kanyang ama na si Mang Emong, isang mangingisda. Pumanaw ang kanyang nanay nang ipanganak siya at mula noon ay di na nag-asawa pa ang kanyang ama. Mabuti nalang, matalino si Mark. Isa siyang scholar kaya wala nang problema si Mang Emong sa tuition fee niya, kaya lang, syempre ay kailangan niya pa rin ng baon araw araw, may mga project rin at iba pang bayarin sa school na di naman libre at may kamahalan rin kaya doble kayod pa rin ang kanyang ama.

“Anak, saan ka pupunta? Halika muna maghapunan. Masarap ang sapsap na may kamatis, mainit pa ang sabaw.” sabi ni Mang Emong.

“Mauna na muna po kayo ‘tay, tatapusin ko lang ito. Magsasara po kasi ang computer shop.” magalang na sagot niya sa ama.

“K-kompyuter? Ah, may project kayo ulit ano? Parang puro k-kompyuter na sa panahon ngayon ano.” sabi nito.

“Oo nga tay eh, wala kasi ang sagot minsan sa libro. Tsaka ho, ayaw ng teacher ko ‘pag sulat kamay, gusto ay computerized.” sagot niya naman at lumabas na ng bahay.

Naipasa ni Mark ang kanyang project kinabukasan at pag-uwi niya nang hapon, nagulat siya nang abutan siya ng ama ng isang sobre. Pagbukas niya, may laman iyong 15,000 pesos.

“Tay! Ano po ito?!” tanong niya sa ama.

Advertisement

“Ibili mo ng kompyuter mo anak, para hindi ka na nahihirapan.” nakangiting sabi nito.

“Salamat po tatay!” sabi ni Mark at niyakap ang ama, tinapik naman ng lalaki ang kanyang balikat.

Lumipas ang isang linggo, napapansin ni Mark na ginagabi ng uwi si Mang Emong. Kadalasan kasi pagdating niya sa bahay ay naroon na ito at nakakapagsabay pa silang maghapunan pero ngayon di niya na ito madatnan.

Hanggang isang gabi, di na siya nakatiis at pinuntahan na ito sa laot. Malakas kasi ang ulan at nag-aalala siya sa kanyang ama, alas nuwebe na ng gabi ay wala pa ito. Nagulat siya nang makita na nakatali naman ang bangka nito sa isang gilid, katabi ng bangka ng iba pang mga mangingisda.

“Mang Andy, napansin nyo ho ba si tatay?” tanong niya sa isang kumpare ng kanyang ama na noon ay nagtatahi ng lambat.

“Wala pa toy. Sabi ko bukas na lang mamangka pag kate na ang tubig, ayaw makinig eh. Hintayin mo lang mamaya andyan na yon.” sagot nito.

Nagtaka naman siya, kung namangka ang kanyang ama, ano ang ginamit nito?

“Eh bakit po narito naman ang bangka niya? Ano po ang ginamit niya?” tanong niya muli.

Advertisement

“Hindi na kanya iyan, ibinenta niya na yan kay Dodong. Bumili ng luma at walang motor, hirap na hirap tuloy managwan. Ewan ko ba sa tatay mo, naloloko na yata.” natatawang sabi nito.

Nagulat naman si Mark, saktong natanaw niya ang ama na paparating. Sakay ito ng lumang bangka na pinagtagpi tagping kahoy ang gilid, walang motor iyon at hirap na hirap itong magsagwan, nilalabanan ang malakas na alon sanhi ng hangin.

Pagkalapit nito sa dalampasigan ay nagulat pa ito nang makita siya.

“Mark!” sabi nito pero nayakap niya na ang ama.

Alam niya na kaya nito ibinenta ang bangka ay para lang maibili siya ng computer. Napakalaking pasasalamat niya, maswerte siya dahil kahit wala siyang nanay, triple pang pagmamahal ang nakukuha niya kay Mang Emong.

Nag-aral mabuti si Mark at natapos niya ang kurso, nakapasa siya sa Board Exam at naging ganap nang guro. Matapos makaipon ng kaunti ay nakapagpatayo siya ng maliit na grocery, pinatigil niya na sa pangingisda ang ama dahil may edad na rin ito. Pinagrelax niya naman ito, katwiran niya, oras na para siya naman ang bumawi sa lahat ng sakripisyo nito sa kanya.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.